Para sa Lakas ng mga Kabataan
Paano Ako Magtatagumpay at Magagalak sa Aking Buhay?
Para sa Lakas ng mga Kabataan Marso 2026


Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol

Paano Ako Magtatagumpay at Magagalak sa Aking Buhay?

Narito ang tatlong susi sa hinaharap na inaasam ninyo.

Mula sa isang talumpati sa araw ng pagtatapos na ibinigay sa Brigham Young University—Idaho noong Disyembre 19, 2018

kabataang lalaki

1. Pasasalamat

Ang diwa ng pasasalamat ay mahalaga sa tagumpay at kagalakang inaasam ninyong maranasan. Sa pasasalamat ay nananatili kayong mapagpakumbaba. Ang pasasalamat ay nagbubukas ng inyong mga mata sa katotohanan ng Diyos at sa pagmamahal ng iba. Dahil dito ang tulong na natatanggap ninyo sa buhay ay nagpapasigla sa inyo sa halip na akayin kayo na umasa sa iba.

Sa kabilang banda, ang kawalan ng pasasalamat ay humahantong sa diwa ng entitlement, o marahil ito ay sumasalamin sa dati nang umiiral na pakiramdam ng pagiging entitled. Alinman dito, ang paniniwala na ang mundo o ang ibang tao, pamahalaan, o entidad ay responsable sa pagtugon sa inyong mga pangangailangan at pagtiyak sa iyong kapanatagan at kaligayahan ay nakakapanghina.

2. Responsibilidad

Alam ninyo sa pamamagitan ng kabanalan ng lahat ng inyong gawain at personal na pagsisikap na responsibilidad ninyo ang inyong buhay. Ang inyong mga pagpili ay gagawa ng kaibhan para sa inyo. Ang payo ko sa inyo ay tanggapin ang responsibilidad— nang kusang-loob, masaya, may pananabik—para sa inyong sarili, sa kung ano kayo, at sa kung ano ang maaari ninyong kahinatnan, at bukod pa rito, para sa impluwensiyang maibibigay ninyo sa mundo.

Ang mahalagang bahagi ng personal na responsibilidad na iyan ay ang personal na pananagutan sa Diyos. Utang ng bawat isa ang paglikha sa atin at ang mortal na buhay sa Kanya. Ang kakayahang mabuhay, pumili, at kumilos ay utang natin sa Kanya na “nangangalaga sa [atin] sa araw-araw, sa pamamagitan ng pagpapahiram sa [atin] ng hininga, upang [tayo] ay mabuhay at makakilos at makagawa alinsunod sa [ating] sariling kagustuhan.”

3. Pananampalataya

Utang natin ang ating pagkatubos mula sa kamatayan, kapwa espirituwal at pisikal, sa Anak ng Diyos, ang Panginoong Jesucristo. Isinugo ng Ama ang Kanyang Anak upang “itaas sa krus” upang, tulad ng ipinaliwanag ng Tagapagligtas, “katulad ng pagtataas sa akin ng mga tao gayundin ang mga tao ay ibabangon ng aking Ama, upang tumayo sa harapan ko, upang hatulan sa kanilang mga gawa, kung ang mga yaon ay mabuti o kung ang mga yaon ay masama.”

Magkakaroon ng Araw ng Paghuhukom, at pananampalataya sa inyong Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo at ang Kanilang karapatang maghari sa inyong buhay ang aakay sa inyo na gawin ang tama. Bibigyan din kayo nito ng lakas na matanggap ang Kanilang tulong, at sa tulong na iyon ay maging matapang at magawa ang mga dakilang bagay. Nakikiusap ako sa inyo na tanggapin ang inyong Ama sa Langit, ang inyong Tagapagligtas, at ang Banal na Espiritu nang lubusan sa inyong buhay. At hindi lamang basta pagtanggap, kundi magsumamo at magsikap na matanto ang Kanilang pangako na sa tuwina ay mapasainyo ang Banal na Espiritu.

Ang inyong henerasyon ay paminsan-minsang inilalarawan na lalo pang nababalisa at madalas na nalulungkot. Gaano man katumpak o hindi tumpak ang mga pagtatasa na ito, ang isang bagay ay tiyak—ang buhay na walang Diyos ay kadalasang nakakatakot at puno ng pangamba.

Sa kabilang dako, ang tiwala at kahinahunan ay dumarating kung gagawin ang Diyos na kabahagi sa buhay. Nangangahulugan ito ng pag-uugnay ng pananampalataya sa Diyos at kay Cristo nang may pagpapalakas ng personal na responsibilidad. Ang konseptong ito ay nababakas sa payo na: “Manalangin na para bang lahat ay nakaasa sa Diyos. Kumilos na para bang lahat ay nakadepende sa inyo.”

Ang Inyong Kinabukasan ay Maaaring Maging Maliwanag

Nagsalita ako tungkol sa pasasalamat, personal na responsibilidad, at pananampalataya sa Diyos at kay Cristo. Kung sagana ang bawat isa sa mga ito sa inyong buhay, wala akong pangamba tungkol sa inyong kinabukasan. Oo, darating ang maraming uri ng mga hamon. Wala ni isa sa atin ang makakatakas sa mga ito; hindi ito nilayong mangyari sa ibang paraan. Pero sa mga katangiang ito, malalagpasan ninyo ang inyong mga hamon at maiiwasan ang maraming hindi kailangang paghihirap. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025):

“Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa Kanya at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan. … Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, si Jesucristo ay kagalakan!”

Makakaasa kayo sa pagmamahal ng inyong Ama sa Langit, sa biyaya ng Kanyang Bugtong na Anak, at sa inspirasyon ng Kanyang Banal na Espiritu. Ang mga ito ay tunay. Sila ay buhay. Kilala Nila kayo, at mahal Nila kayo. Humingi ng tulong sa Kanila, panagutan sa Kanila ang inyong buhay, at maging haligi ng lakas at katatagan para sa iba. Magpasalamat sa palagiang mga pagpapalang dumadaloy sa inyo, maging sa hininga sa bawat sandali.