Mga Nakatagong Kayamanan
Paghahanap sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa Lumang Tipan
Suriing mabuti; matuto nang malalim.
Maaaring isipin ng ilang tao na ang Lumang Tipan, na isinulat bago isinilang ang Tagapagligtas at hindi binanggit ang pangalan ni Jesucristo, ay walang gaanong masasabi tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay. Pero tulad ng nililinaw sa Aklat ni Mormon, alam at nanampalataya rin sa Tagapagligtas ang mga tao noong unang panahon (tingnan din sa Jacob 4:4).
Itinuro sa mga Israelita na ang layunin ng batas ni Moises ay ituro sila kay Cristo. Halimbawa, nang pagalingin sila mula sa mga kagat ng mga makamandag na ahas sa pamamagitan ng pagtingin sa ahas na tanso na ipinagawa ng Panginoon kay Moises, itinuro sa kanila ni Moises na simbolo ito ng Tagapagligtas, na darating at magliligtas sa kanila mula sa kanilang mga kasalanan (tingnan sa Mga Bilang 21:7–9; Alma 33:18–20).
Sa kasamaang-palad, marami sa kalinawang iyan ang nawawala sa Bibliang nasa atin ngayon, dahil sa mga pagbabago—na kapwa sinadya at nagkataon lang—sa paglipas ng mga siglo (tingnan sa 1 Nephi 13:23–27).
Pero kung titingnan mo, marami ka pa ring makikitang pagtukoy sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa Lumang Tipan. Pag-usapan natin ang ilan!
Linggo ng Palaspas, Getsemani, at ang Paglilitis
“Narito, ang iyong hari ay dumarating sa iyo; siya’y matuwid at matagumpay, mapagpakumbaba at nakasakay sa isang asno, sa isang batang asno na anak ng asnong babae” (Zacarias 9:9).
Natupad ito sa kilala ngayon bilang Linggo ng Palaspas, pitong araw bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay, nang matagumpay na pumasok si Jesus sa Jerusalem (tingnan sa Mateo 21:15).*
“Tunay na kanyang pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan; gayunma’y ating itinuring siya na hinampas, sinaktan ng Diyos at pinahirapan” (Isaias 53:4).
Sa Getsemani, nagdusa ang Tagapagligtas para sa lahat ng kasalanan—at nadama ang mga kalungkutan, pasakit, karamdaman, at paghihirap—ng bawat taong nabuhay o mabubuhay sa mundo. Dahil dito, alam Niya kung paano tayo papanatagin sa ating mga pagsubok (tingnan sa Alma 7:11–13; tingnan din sa Mateo 8:17).
“Siya’y inapi, at siya’y sinaktan, gayunma’y hindi niya ibinuka ang kanyang bibig; gaya ng kordero na dinadala sa katayan, at gaya ng tupa sa harapan ng kanyang mga manggugupit ay pipi kaya’t hindi niya ibinuka ang kanyang bibig” (Isaias 53:7).
Nanatiling tahimik si Jesus nang tanungin Siya ng mataas na saserdote (tingnan sa Marcos 14:60–61).
Ang Pagpapako sa Krus
“Pinaligiran ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama; binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa” (Awit 22:16).
“Kanilang pinaghatian ang aking mga kasuotan, at para sa aking damit sila ay [nagpalabunutan]” (Awit 22:18).
“Binigyan nila ako ng lason bilang pagkain, at sa aking uhaw ay binigyan nila ako ng sukang iinumin” (Awit 69:21).
Ang pagpapako sa krus ay isang karaniwang paraan ng pagpapahirap noong panahong iyon, ngunit mas malupit ang pagkutya at pagpapahirap ng mga kawal na Romano sa Tagapagligtas (tingnan sa Juan 19:1–3; Mateo 27:34–35, 48).
Ang Pagkabuhay na Muli
“Lulunukin niya ang kamatayan magpakailanman at papahirin ng Panginoong Diyos ang mga luha sa lahat ng mga mukha. Ang paghamak sa kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa, sapagkat ang Panginoon ang nagsalita” (Isaias 25:8).
“Sapagkat nalalaman ko na ang aking Manunubos ay nabubuhay, at sa wakas siya’y tatayo sa lupa; at pagkatapos na masira nang ganito ang aking balat, gayunma’y makikita ko ang Diyos sa aking laman” (Job 19:25–26).
Ang Panginoong Jesucristo ay nabuhay na muli. Siya ay buhay ngayon! Pinagtitibay ito ng di-mabilang na talata at patotoo sa banal na kasulatan. Bukod pa rito, batid ng ating Ama sa Langit sa simula pa lamang na mangangailangan tayo ng Tagapagligtas, at inihahanda na Niya ang Kanyang mga anak na tanggapin ang Tagapagligtas mula pa noong panahon ng Lumang Tipan.