Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay: Mga Katotohanan Lamang
Narito ang ilang bagay na maaaring hindi ninyo alam tungkol sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay.
Matagumpay na Pagpasok ni Cristo sa Jerusalem], ni Harry Anderson
Ano ang alam mo tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay? Malamang ay alam mo ang pinakamahalagang bahagi: Ito ay pagdiriwang ng nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo.
Maaaring mayroon kang ilang tanong tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay at kung paano ito ipinagdiriwang ng karamihan sa mga tao, gayundin kung bakit tayo nagtutuon dito sa ganitong paraan. Narito ang ilang sagot sa ilang gayong tanong.
Ano ang Linggo ng Palaspas at Mahal na Araw?
Ipinagdiriwang ng Mahal na Araw ang huling linggo ng mortal na ministeryo ni Jesucristo. Ang Linggo ng Palaspas ang unang araw ng Mahal na Araw. Ipinagdiriwang nito ang araw ng matagumpay na pagpasok ni Jesucristo sa Jerusalem, na nakasakay sa batang asno, bilang katuparan ng propesiya. Naglatag ang mga tao ng mga sanga ng palma at damit sa lupa sa Kanyang daraanan, na sumisigaw ng, “Hosana.” (Tingnan sa Mateo 21:6–11.) Eksaktong isang linggo ito nangyari bago ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo, na ipinagdiriwang sa Pasko ng Pagkabuhay, ang huling araw ng Mahal na Araw. Kabilang din sa linggong ito ang Biyernes Santo (paggunita sa Pagpapako kay Cristo sa Krus at sa Kanyang libing).
Si Jesus sa Getsemani, ni Dan Burr
Kailan sinimulang ipagdiwang ng mga Kristiyano ang Pasko ng Pagkabuhay?
Ang pinakaunang talaang nasa atin tungkol sa anumang uri ng pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ay mula sa kalagitnaan ng ikalawang siglo (sa pagitan ng 160 at 170 A.D.). Gayunman, marahil ay ginugunita na ng mga Kristiyano ang Pagpapako kay Jesucristo sa Krus at Kanyang Pagkabuhay na Muli sa ilang paraan mula pa noon. Dahil naniniwala ang mga sumusunod kay Jesucristo sa Kanyang ginawang pagbabayad-sala, na humantong sa Pagkabuhay na Muli, ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng buong sangkatauhan, makatwiran lamang na ipinagdiriwang na nila ang mga pangyayaring ito simula pa noong mga unang araw ng Kristiyanismo. Ngayon ay maaari nating ipagdiwang ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli ni Cristo tuwing Linggo sa pagtanggap natin ng sakramento.
Bakit paiba-iba ang petsa ng Pasko ng Pagkabuhay taun-taon?
Medyo kumplikado ito, pero ang pinagsaligang kalkulasyon para sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay ay: Ito ang unang Linggo pagkatapos ng “paschal full moon,” na siyang unang kabilugan ng buwan pagkatapos ng spring equinox sa Northern Hemisphere (Marso 21). (Talagang medyo mas kumplikado ito kaysa riyan, pero puwede na ito.)
Ang dahilan ng pormulang ito ay may kinalaman sa dalawang katotohanan: (1) nangyari ang Pagpapako sa Tagapagligtas sa Krus sa Paskua, at (2) nangyari ang Kanyang Pagkabuhay na Muli sa unang araw ng linggo (Linggo).
Pinagtatalunan ng mga Kristiyano noon kung mas mahalaga bang ipagdiwang ang Pasko ng Pagkabuhay sa Paskua o sa araw ng Linggo. Ang Paskua ay isang pista ng mga Judio na nakaugnay sa kalendaryong Hebreo, na isang lunar calendar na hindi nakaayon sa solar calendar na gamit ng karamihan sa mga tao. Sa kalendaryong Hebreo, ipinagdiriwang ang Paskua sa ika-14 na araw, ng ikapitong buwan. Bukod pa riyan, tuwing dalawa o tatlong taon, nagdaragdag ito ng isang ekstrang buwan para manatiling naka-sync sa mga panahon. Kaya, ang pag-uugnay ng Pasko ng Pagkabuhay sa Paskua ay nangangahulugan na ang petsa ay madalas na maiiba-iba at bihira lamang matapat sa araw ng Linggo.
Para masagot ang tanong, nagpasiya ang isang konsehong Kristiyano noong 325 A.D. na pag-isahin ang petsa kung kailan ipinagdiriwang ang Pasko ng Pagkabuhay.
Kaya, sa madaling salita: Batay sa kalkulasyong ginagamit ng karamihan sa mga Kristiyano, ang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay ay maaaring sumapit nang kasing-aga ng Marso 22 o kasing-huli ng Abril 25.
Bilang Pag-alaala sa Akin, ni Walter Rane
Paano naugnay ang mga kuneho at mga itlog sa Pasko ng Pagkabuhay?
Ang mga easter bunny (o iba pang mga hayop) na nangingitlog ay nagsimulang lumitaw sa Europe noong ika-17 siglo. Ang mga bagay na ito ay hindi naging karaniwan hanggang noong ika-19 na siglo. Pinaniniwalaan na hiniram ng mga tao ang mga ito mula di-Kristiyanong mga simbolo ng tagsibol, pagpapanibago, at buhay at iniugnay na ang mga ito sa Pasko ng Pagkabuhay at sa Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo.
Si Jesus na Lumalabas ng Libingan, ni Dan Burr
Bakit masyado tayong nakatuon sa Pasko ng Pagkabuhay?
Hiniling sa atin ng Unang Panguluhan na iangat ang ating mga pagdiriwang sa Pasko ng Pagkabuhay. “Anuman ang paniniwala o ginagawa ng iba, dapat nating ipagdiwang ang Pagkabuhay na Muli ng ating buhay na Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga turo at pagtulong na bumuo ng mga tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay sa ating buong lipunan, lalo na sa sarili nating pamilya. Hinahamon namin kayo na gawin ito” (Dallin H. Oaks, “He Is Risen!: A Special Easter Season Message from the First Presidency” [video], Gospel Library).