Hindi Mo Kailangang Maging Eksperto
“May talento” o wala, lahat ay maaaring maging inspirado.
Mga paglalarawan ng Getty Images
Karamihan sa atin ay nakaranas nang makakita ng isang napakagandang sining o libangan at isiping: “Sana makaya kong gawin iyan, pero hindi sapat ang talento ko.”
Marami sa mga paborito mong gawa ang ginawa talaga ng mga taong maraming likas na talento. Pero magugulat ka kung gaano kadalas mangyari na isang regular na tao lang iyon na may inspiradong ideya.
Ang “Let Easter Anthems Ring,” isa sa mga bagong himno na ini-release kamakailan ng Simbahan, ay isinulat ng isang Banal sa mga Huling Araw na nagngangalang Larry A. Hiller. Isa siyang professional writer at editor (retirado na ngayon), pero hindi siya songwriter. Hindi rin siya mahusay na singer o musician.
Isang tao lang siya na mahilig sa musika at nagkaroon ng inspiradong ideya.
Habang naglilingkod bilang ward choir director ilang taon na ang nakararaan, sinubukan ni Brother Hiller ang pagsulat ng mga bagong titik para sa isang lumang awiting natuklasan niya. Nasiyahan siya sa karanasang iyon at tinanong niya ang isang kaibigang nagtatrabaho sa Simbahan kung may alam siyang iba pang mga awitin na nangangailangan ng mga bagong titik. Itinuro siya nito sa tono ng isang himno na kinatha noong 1800s.
Sabi ni Brother Hiller, “Inupuan ko ang musikang iyon at nakaisip ako agad ng mga titik: ‘Rise up, ye Saints, rejoice’ [Bangon, mga Banal]. At mula roon ay nadama ko ang pangkalahatang teksto at kung ano ang kailangang mabuo—isang awit ng kagalakan tungkol sa Tagapagligtas.”
Ang himnong iyon ay inilathala sa Ensign noong 2012. Iyon ay may apat na talata at tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. “Nakatuon ito nang husto sa ‘makikita mong muli ang mga mahal mo; may pagkabuhay na muli,’” sabi ni Brother Hiller. Nang manawagan ang Simbahan para sa mga bagong himno, hinilingan si Brother Hiller na partikular na ituon ang kanyang mga titik sa Pasko ng Pagkabuhay.
Matapos baguhin ang marami sa mga titik—bagama’t nanatili ang pambungad na linyang, “Bangon, mga Banal,”—may tatlong talatang himno na ngayon si Brother Hiller na tinatawag na “Let Easter Anthems Ring.” Maaari ninyo itong kantahin sa sacrament meeting ngayong Pasko ng Pagkabuhay!
Inspirado ba si Brother Hiller nang isulat niya ang mga titik?
“Nakakapagpakumbabang sabihin iyon,” sabi niya. “Pero oo. May mga pagkakataon na nadama ko ang pagdaloy ng mga titik sa aking isipan. Kasiya-siya iyon at nakakagalak sa isipan. At madalas kong madama ang kagalakang iyon kapag binabasa kong muli ang isang bagay na partikular na umantig sa akin noon. Iyon pa lang ay ibinabalik na ang damdaming iyon ng patotoo. Halos parang muling nabuhay ang karanasang ito.”
Malamang na magustuhan ng mga tao ang himno, pero parang ang nakinabang nang husto rito ay (drumroll) … ang taong sumulat nito! Ang paggamit ng ating mga talento at inspiradong ideya ay hindi lang pinagpapala ang iba—pinagpapala rin tayo nito.