Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Exodo 12
Ang Ating Paskua—ang Sakramento
May karaniwang bagay na nag-uugnay sa pagitan ng sinaunang Paskua at ng ating sakramento linggu-linggo.
Mga paglalarawan ni Alyssa Tallent
Bago nakalaya ang mga sinaunang Israelita mula sa kanilang pagkaalipin sa Ehipto, inutusan silang sundin ang mga partikular na tagubilin mula sa Panginoon upang hindi sila saktan ng mapangwasak na anghel, o lampasan sila (tingnan sa Exodo 12). Matapos nilang lisanin ang Ehipto, nagdiwang ang mga Israelita ng isang piging bawat taon, na tinatawag na Paskua, para gunitain kung paano pinalaya ng Panginoon ang Kanyang pinagtipanang mga tao.
Sa huling linggo ng Kanyang mortal na buhay, nasa hapunan ng Paskua si Jesucristo. Ang tawag natin ngayon sa hapunang iyon ay Huling Hapunan. Ginamit ng Tagapagligtas ang okasyong iyon para pasimulan ang ordenansa ng sakramento, na nilalahukan natin ngayon bawat linggo. (Tingnan sa Mateo 26:26–28; Lucas 22:19–20; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79.)
Narito ang dalawang karaniwang bagay na nag-uugnay sa pagitan ng unang Paskua, ng Huling Hapunan ng Panginoon, at ng sakramento ngayon na makatutulong sa atin na gunitain ang ating paglaya sa pamamagitan ng Tagapagligtas.
Ang Tinapay
Paskua: Sa loob ng pitong araw, kumain ang mga Israelita ng tinapay na walang lebadura (na mas mabilis gawin at hindi madaling amagin at mabulok).
Huling Hapunan: Binasbasan at pinagputul-putol ni Jesucristo ang tinapay na walang lebadura ng Paskua, at ibinigay ito sa mga disipulo. Sinabi Niya sa kanila na kainin ito bilang pag-alaala sa Kanyang katawan, na alam Niyang malapit nang sirain at mamamatay pero muling magbabangon.
Sakramento: Kumakain tayo ng tinapay bilang pag-alaala sa katawan ni Jesucristo.
Si Jesucristo ang Tinapay ng Buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Muli, tayong lahat ay mabubuhay na muli na may perpekto, walang kabulukan, at imortal na katawan. Pinalaya Niya tayo mula sa kamatayan.
Ang Dugo ng Kordero
Paskua: Ang kordero ng Paskua ay isang-taong-gulang na lalaking kordero na walang bahid-dungis. Pinatay ito, at ang dugo nito ay inilagay sa isang mangkok. Ang hyssop (isang halamang-gamot) ay isinasawsaw sa mangkok at ginamit para ipahid ang dugo sa paligid ng hamba ng pintuan sa labas ng bahay. Ito ang panlabas na tanda na tumutukoy sa pinagtipanang mga tao ng Panginoon na lalampasan ng mapangwasak na anghel upang mapalaya sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto.
Huling Hapunan: Gumamit si Jesucristo ng alak para kumatawan sa Kanyang dugo. Sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo na inumin ito bilang pag-alaala sa Kanyang dugo, na mabubuhos para sa kanila para sa kapatawaran ng mga kasalanan at bilang bahagi ng isang bagong tipan.
Sakramento: Umiinom tayo ng tubig bilang pag-alaala sa dugo ni Jesucristo.
Si Jesucristo ang Kordero ng Diyos. Ang Kanyang dugo ay nabuhos nang magdusa Siya para sa ating mga kasalanan at kapansanan. Ang Kanyang dugo—ang Kanyang sakripisyo—ang naglilinis sa atin. Pinalalaya Niya tayo mula sa kasalanan.