Para sa Lakas ng mga Kabataan
Hindi Kailanman Walang Pag-asa
Para sa Lakas ng mga Kabataan Marso 2026


Hindi Kailanman Walang Pag-asa

Kapag inisip natin ang ginawa ng Tagapagligtas para sa atin, maaari nating patuloy na malaman na kasama natin Siya palagi.

Navy SEAL training sa tubig

Paglalarawan ni Albert Espi

Isipin na kunwari’y nakatali ang mga kamay mo sa iyong likod, nakatali ang mga paa mo, at pagkatapos ay itinapon ka sa isang pool na siyam-na-talampakan ang lalim! Ano ang gagawin mo? Magpapakahirap ka bang manatiling nakalutang at papagurin mo ang sarili mo, o mananatili kang mahinahon at hahanap ng paraan para makaalis sa mahirap na sitwasyong ito?

Ang mga training na iyon para maging United States Navy SEALs ay nahaharap sa ganitong hamon mismo. Tinatawag itong “drown-proofing” o pananatiling nakalutang sa tubig. Layunin nitong patunayan ang kakayahan nilang makaligtas sa pagkalunod sa iba’t ibang sitwasyon. Kapag nakagapos na sila at inihulog sa tubig, kailangan nilang lumubog hanggang sa pinakailalim ng pool nang hindi natataranta, gamitin ang kanilang mga paa para sumipa sa ilalim, makarating sa ibabaw, at pagkatapos ay mabilis na huminga bago lumubog ulit. Inuulit ito sa loob ng ilang oras.

Karamihan sa atin ay hindi daraan sa Navy SEAL training, pero marahil ay may ilang bagay tayong matututuhan mula rito—at lalo siguro nating mapapahalagahan si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala habang ginagawa ito.

Ang Iyong Tagapagligtas sa Pagdaan sa Lahat ng Bagay

Umaasa ang SEALs sa kanilang training at pagkondisyon para makayanan ang pagdaan sa mahigpit na pagsubok na ito—at kailangan nila itong kumpletuhing mag-isa. Lahat tayo ay dumaranas ng mga hamon sa buhay, pero hindi tulad ng SEALs sa kanilang training, hindi natin kailanman kailangang pagdaanang mag-isa ang ating mga hamon.

Kapag nakagapos tayo sa kasalanan, pagkabalisa, dalamhati, o iba pang mga hamon at pakiramdam natin ay lumulubog tayo, maaari tayong bumaling kay Jesucristo. Kapag pakiramdam natin ay nasa pinakailalim tayo at hindi kailanman makakaahon, maaari natin alalahanin na nanggaling na roon ang Tagapagligtas, at bibigyan Niya tayo ng lakas na makasipa pataas, muling makahinga, at magpatuloy. Sa Kanya, hindi tayo kailanman walang pag-asa.

Si Jesucristo ang iyong Tagapagligtas mula sa kasalanan at kamatayan. Si Jesucristo ang iyong Manunubos kapag nagkukulang ka at kailangan mong espirituwal na mapagaling. Si Jesucristo ang iyong Manggagamot mula sa emosyonal, espirituwal, at kung minsa’y pisikal na sakit at kirot na Siya lamang ang maaaring makapagpagaling. Ang mga ito at ang iba pang mga pangalan ni Jesucristo ay nakaturo sa katotohanan na Siya ang dapat lapitan, lalo na kapag mahirap ang buhay.

Dahil papalapit na ang Pasko ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang natin ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo. Siya ay buhay! At dahil Siya ay buhay, mabubuhay tayong muli at may pangako sa atin na buhay na walang-hanggan. Pero bago ang Kanyang Pagkabuhay na Muli, nagdusa ang Tagapagligtas sa Getsemani at namatay sa krus para sa atin dahil mahal Niya tayo. Siya ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay”—na pinagdurusahan hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi nararanasan din ang bawat uri ng pasakit, kalungkutan, paghihirap, at tukso—upang malaman Niya kung paano tayo tutulungan (Doktrina at mga Tipan 88:6; tingnan din sa Alma 7:11).

Makita ang Iyong Pag-asa sa Kanya

Nang ipako sa krus ang Tagapagligtas, lahat ay tila walang pag-asa. Nanlumo ang Kanyang mga disipulo. Sumunod sila sa Kanya, naniwala sa Kanya—at ngayo’y wala na Siya. Nang ihimlay si Jesus sa libingan, nalungkot sila at nawalan ng katiyakan. Pero makalipas ang tatlong araw, pagsapit ng Linggo, walang-laman ang libingan. Nagbangon na si Jesucristo! Ang minsa’y tila nawala ay naging pag-asa na ngayon!

Kung tila madilim at nakakapanghina-ng-loob ang mga bagay-bagay—na para kang itinapon sa isang pool nang nakatali ang iyong mga paa’t kamay—at wala kang nakikitang paraan para makaahon, mag-ukol ng ilang sandali para makasumpong ng pag-asa kay Jesucristo, at alalahanin na hindi pa iyan ang katapusan mo.

Hindi umabot ang Tagapagligtas sa masayang Linggong iyon ng Pasko ng Pagkabuhay nang hindi muna tinitiis ang Getsemani at ang krus tatlong araw bago iyon. Kaya, kung nahihirapan ka, huwag sumuko! Tulad ng sinabing minsan ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa dilim ng ating kalungkutan, sasapit ang Linggo. … Gaano man ang ating pagdurusa, sasapit ang Linggo.”

Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Muli, laging nariyan si Jesucristo para tulungan kang makasumpong ng kapayapaan at sumulong pataas nang higit pa sa inaasam mo.

Tala

  1. Joseph B. Wirthlin, pangkalahatang kumperensiya ng Okt. 2006 (Ensign o Liahona, Nob. 2006, 30).