Digital Lamang: Mga Tinig ng mga Kabataan
Ipinapakita ng Pasko ng Pagkabuhay ang Ating Tunay na Kahalagahan kay Cristo
Sa Pasko ng Pagkabuhay ipinagdiriwang natin ang katotohanan na dahil kay Cristo, maaari tayong magbago. Kapag nagsisisi tayo, ipinapakita natin sa Kanya na nais nating magbago.
Dating mahina-ang-loob ko dahil sa aking mga kasalanan at pagkakamali. Magdarasal ako at pagkatapos ay muli akong magkakamali. Nakadama ako ng kakulangan. Naisip ko, “Karapat-dapat ba akong magsisi?” Pero nakinig ako sa mensahe ni Sister Tamara W. Runia na “Ang Pagsisisi ay Hindi Nagpapabigat kay Jesucristo; Lalo Siyang Nagagalak Dito!” Ang mensahe niya ang sagot na kailangan ko. Kapag nasa pinakamasaklap na punto tayo ng ating buhay, pinasisigla at hinihikayat tayo ni Cristo. Ang pagsisisi ang pinakamainam na paraan para sumulong.
Pumarito si Jesucristo sa lupa para bayaran ang halaga para sa atin. Sa pagsisisi at pagsunod sa Kanyang halimbawa, natututuhan natin kung paano tayo makagagawa nang mas mabuti sa hinaharap.
Tuwing Pasko ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang natin ang tagumpay ni Cristo. Dahil sa Kanyang sakripisyo, hindi tayo kailangang panghinaan-ng-loob. Maaari tayong mas mapalapit sa Kanya, at sa pamamagitan ng pagsisisi, makapaghahanda tayo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Sa aking bansa, gumagawa kami ng mga aktibidad na tumutulong sa amin na maalala kung gaano kahalaga ang Pasko ng Pagkabuhay. Lahat ay nagdadala ng pagkain at nagbabahagi kami sa isa‘t isa ng mga talata sa banal na kasulatan at ng aming patotoo. Kumakanta kami ng mga espesyal na himno tungkol sa Pagkabuhay na Muli ni Cristo. Iyan ang tampok na kaganapan sa Pasko ng Pagkabuhay para sa akin.
Gustong-gusto ko ang sinabi sa Doktrina at mga Tipan 93:1 “Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon: Ito ay mangyayari na ang bawat kaluluwa na tumatalikod sa kanyang mga kasalanan at lumalapit sa akin, at nananawagan sa aking pangalan, at sumusunod sa aking tinig, at sumusunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha at makikilala na ako na nga.” Kapag nagsisisi tayo, binibigyan tayo ni Cristo ng pagkakataon! Sa Pasko ng Pagkabuhay, madarama natin ang Kanyang pagmamahal sa atin at malalaman natin na palagi tayong mahalaga sa Kanya.
Azeni d. S., edad 21, Dili, Timor-Leste
Mahilig mag-hiking, maglakbay, at kumanta.