Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay
Habang Inaalala Kung Kanino Nakapatungkol ang Lahat ng Ito
6 na tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay mula sa iba’t ibang panig ng mundo at kung paano tayo matutulungan ng mga ito na alalahanin si Jesucristo.
Mga paglalarawan ni Judy Bloomfield
|
Tradisyon |
Koneksyon kay Cristo |
|---|---|
|
1. Mga Easter Egg Mga itlog, itlog, itlog. Sa iba’t ibang panig ng mundo, ang mga Easter egg ay dinedekorasyunan, hinahanap, pinagugulong, binabasag, at kinakain. Sa Germany at Austria, nakabitin ang mga Easter egg sa mga puno (Ostereierbaum). Sa Mexico, inaalisan ng laman ang mga itlog at pinupuno ng confetti (cascarones) at pagkatapos ay binabasag sa ulo ng isang tao. |
Aaminin ko na maraming taong gumagamit ng mga itlog para ipagdiwang ang Pasko ng Pagkabuhay nang hindi man lamang nakatuon sa Tagapagligtas. Nasa atin na kung magtutuon tayo sa Tagapagligtas sa ating mga tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay. Ang mga itlog ay maaaring mga simbolo ng bagong buhay, isang mabilis na koneksyon sa pagkabuhay na muli. Ang pulang tina ay ginamit sa ilang kultura para kumatawan sa sakripisyo ng Tagapagligtas. At kapag binasag ang isang itlog, maaaring ipaalala sa atin ng balat nito ang libingang walang-laman at ang Tagapagligtas na Nagbangon. Kung hindi mo pa ikinokonekta sa Kanya ang iyong mga tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay, panahon na para magsimula! |
|
2. Mga Siga sa Pasko ng Pagkabuhay Ang pagkakaroon ng siga ay isang karaniwang tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay, lalo na sa Germany, Netherlands, Croatia, at Finland. |
Ang siga sa Pasko ng Pagkabuhay ay maaaring magpaalala sa atin na umasa sa Tagapagligtas, na naghahatid ng liwanag at init sa sanlibutan at, sa katunayan, ang Ilaw ng Sanlibutan mismo (tingnan sa Juan 8:12). |
|
3. Mga Espesyal na Pagkain Sa buong mundo sa Pasko ng Pagkabuhay, dalawang simbolikong pagkain ang paulit-ulit na kinakain: kordero (tupa) at tinapay. |
Ang kordero ay maaaring nakaturo sa Kordero ng Diyos—ang Tagapagligtas mismo. Maipapaalala sa atin ng tinapay si Jesucristo, na siyang Tinapay ng Buhay (tingnan sa Juan 6:35). |
|
4. Paghabi ng Palma Sa ilang bansa, tulad ng Italy, Spain, Philippines, Mexico, Egypt, at Ethiopia, ang mga tao ay nagtitirintas ng mga dahon ng palma o iba pang mga halaman sa Linggo ng Palaspas. |
Ang Linggo ng Palaspas ay ang Linggo bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay at ipinagdiriwang ang matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, kung kailan naglatag ang mga tao ng mga dahon ng palma sa Kanyang daraanan. |
|
5. Pagpapalipad ng Saranggola Sa Bermuda sa Pasko ng Pagkabuhay, nagpapalipad ng makukulay na saranggola ang mga tao! |
Ang tradisyong ito ay masayang paalala sa Pagkabuhay na Muli ng Tagapagligtas at kung paano Siya umakyat sa langit pagkatapos. |
|
6. Pagsamba sa Simbahan Huwag kalimutan ang isa sa pinakamahahalagang tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay—pagsisimba! Nagpupunta tayo sa Simbahan sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay para tumanggap ng sakramento at gunitain ang Tagapagligtas. (Kung nataon ang pangkalahatang kumperensya sa Pasko ng Pagkabuhay, maaari natin Siyang gunitain sa pamamagitan ng pakikinig—pagkatapos ay muli tayong tumanggap ng sakramento sa susunod na linggo.) |
Kapag tinupad natin ang ating mga tipan at pinanibago ang mga iyon sa pagtanggap ng sakramento, pinagpapala tayong mapasaatin ang Espiritu sa tuwina. Matutulungan tayo nito na kumonekta sa Tagapagligtas sa Pasko ng Pagkabuhay at sa bawat ibang araw din. |
Mga Kabataang Nakikibahagi: Mga Personal na Tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay
“Nagbibigay ako ng mga chocolate Easter egg sa mga missionary sa aking ward.”
Jennyfer M., edad 23, Pernambuco, Brazil
“Nagdaos ng huling hapunan ang aming pamilya, at nagsikap kaming gawing tradisyonal iyon hangga’t maaari.”
Alice F., edad 16, Utah, USA
“Kami ng pamilya ko ay nagpupunta sa isang sementeryo, sama-samang kumakanta ng mga himno, at nagbabahagi ng aming patotoo.”
Rachel G., edad 19, Virginia, USA
“Nagpunta ako sa templo para sa katapusan ng linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.”
Avery A., edad 17, Nevada, USA
“Binabasa ko ang mga Ebanghelyo at ang kasaysayan ng buhay ni Jesus! Malaking kagalakan ang matuto tungkol sa Kanya sa Pasko ng Pagkabuhay.”
Esteban A., edad 15, San José, Costa Rica
“Sa French Polynesia, nagkaroon kami ng interfaith youth Easter concert. Sa kabila ng malakas na bagyo, ginawa ito ng Panginoon na isang gabi ng mga himala, kagalakan, at pagkakaisa.”
Tehina C.T., edad 24, Tupua‘i, French Polynesia
“Ngayong taon nagtuon ako sa pag-aaral ng ginawa ni Cristo sa panahon ng Mahal na Araw.”
Maddysen R., edad 18, Utah, USA