Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol
Ano ang Ibig Sabihin ng Tunay na Magsisi?
Narito ang tatlong mahahalagang katotohanan na tutulong sa inyo na mas maunawaan ang pagsisisi.
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga mission leader noong Hunyo 27, 2020
Ang pagsisisi ay ang una at likas na bunga ng pagtitiwala sa Tagapagligtas. Sa simpleng paliwanag, ang pagsisisi ay pagtalikod sa kasamaan at pagbaling sa Diyos. Kapag nananampalataya tayo sa Panginoon, tayo ay bumabaling, lumalapit, at umaasa sa Kanya. Kaya, ang pagsisisi ay pagtitiwala at pag-asa sa Manunubos na gawin para sa atin ang hindi natin kayang gawin para sa ating sarili.
Ngayon ay gusto kong bigyang-diin ang tatlong mahahalagang katotohanan.
Katotohanan #1: Kinakailangan ang Manunubos sa pagsisisi.
Ang pagsisisi ay nagdudulot ng pagbabago sa pag-uugali at asal, ngunit ang simpleng pagbabago ng pag-uugali at asal ay hindi pagsisisi.
Sa aking paglilingkod noon bilang pangulo ng Brigham Young University−Idaho, nakausap ko isang Linggo ng hapon ang isang campus bishop. Nang hindi pinapangalanan ang isang indibidwal, sinabi niya sa akin na nagtapat sa kanya ang isang kabataan at ganito ang sinabi: “Bishop, sinuway ko po ang batas ng kalinisang-puri noong Biyernes ng gabi. Ang pakikipag-usap sa inyo ang huli sa listahan ng mga bagay na gagawin ko para magsisi. Ngayong nagtapat na ako sa inyo, panatag na ako.”
Ang pagkilala at pagtalikod sa kasalanan; pagsisisi at restitusyon para sa nagawang kasalanan, at pagtatapat ng mga kasalanan sa Diyos at, kung kinakailangan, sa ating mga priesthood leader ay pawang kailangan at mahahalagang elemento sa proseso ng pagsisisi. Gayunman, ang mahahalagang hakbang na ito ay hindi lamang isang listahan ng mga pag-uugali na inaasahang makita sa atin, na mabilis, at kaswal na lalagyan ng tsek kapag nagawa na. Kung gagawin natin ang mga bagay na ito at hindi natin kikilalanin at aasahan ang Manunubos at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, walang kabuluhan kahit ang pinakamatitinding pagsisikap natin.
Napapaisip ako kung minsan kung tayo bilang mga miyembro ng Simbahan ay natatandaan ang mga hakbang sa pagsisisi−tulad ng pagkilala, taos na pagsisisi, at restitusyon−at inaalis ang pinakamahalaga sa lahat: ang Manunubos. Ang pagtalikod sa kasamaan ay hindi naghahatid ng espirituwal na paggaling nang hindi bumabaling kay Cristo.
Ang Tagapagligtas ay kadalasang tinutukoy na Dalubhasang Manggagamot, at ang titulong ito ay may simbolikong kahalagahan.
Mangyaring isipin ang kasalanan bilang espirituwal na sugat na nagdudulot ng pagkabagabag ng konsiyensya o, tulad ng inilarawan ni Alma sa kanyang anak na si Corianton, “paggigiyagis ng budhi.” Ang epekto ng sakit na nadarama ng katawan ay katulad sa epekto ng kasalanan sa ating espiritu—isang babala sa panganib at isang proteksiyon mula sa karagdagang pinsala. Nagmumula sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala ang lunas na nakapagpapagaling sa ating mga espirituwal na sugat at nag-aalis ng kasalanan. Gayunman, ang lunas na ito ay magagamit lamang sa pamamagitan ng mga alituntunin ng pananampalataya sa Panginoon at pagsisisi. Ang mga resulta ng taos-pusong pagsisisi ay kapayapaan, kapanatagan, espirituwal na paggaling at pagpapanibago.
Ang mga stake, mission, at district president; mga bishop; at mga branch president, na kumikilos nang may awtoridad ng mga susi ng priesthood na natanggap nila noong sila ay i-set apart, ay inatasang mga kinatawan ng Manunubos, na nagbibigay ng kinakailangan tulong sa proseso ng pagsisisi at pagpapagaling. Ang mga lider na ito ay mga katuwang ng manggagamot na maaaring sumuri sa mga espirituwal na karamdaman at magreseta ng mga kinakailangang lunas at paggamot.
Ang matitinding espirituwal na sugat ay nangangailangan ng patuloy na pagsisikap at panahon para lubos at ganap na gumaling. At maaaring maging masakit ang mismong proseso ng pagpapagaling.
Dapat tayong magpasalamat habang pinagninilayan natin ang mga pangako sa banal na kasulatan na si Cristo “ay babangon mula sa patay, na may pagpapagaling sa kanyang mga bagwis; at ang lahat ng yaong maniniwala sa kanyang pangalan ay maliligtas sa kaharian ng Diyos.”
Katotohanan #2: Ang pagsisisi ay nangangailangan ng tapat na puso at tunay na layunin.
Kapag nagsisi tayo at bumaling sa Panginoon, mahalaga na maging tapat tayo sa ating sarili. Dapat nating pagsikapan na madaig ang pagdadahilan, paninisi, at pangangatwiran na makahahadlang sa atin sa tunay na pagbaling sa Panginoon.
At kapag nagsisi tayo at bumaling sa Panginoon, dapat mayroon tayong tunay na layunin at maging tapat tayo sa Kanya na hinihingan natin ng kapatawaran. Ang tunay na pagtatapat sa Diyos, at kung kinakailangan sa mga priesthood leader, ay kailangang maging lubos at ganap.
Ang ilang tao na hindi nakauunawa sa katangian ng pagsisisi ay naniniwalang maaari silang magkasala sa paraang pinag-isipan at pinlano, umaasang madali silang makapagtatapat sa bishop at pagkatapos ay papasok sa templo, sa mission field, at sa iba pang mga espirituwal na destinasyon.
Bilang mga lider sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon, mayroon tayong taimtim na obligasyon na turuan ang mga miyembro na huwag patukso sa gayong mga maling kaisipan. Paano makapagsisisi ang isang tao at makahihingi ng kapatawaran nang may tunay na layunin kung ang kanyang tunay na layunin ay magkasala? Paano makababaling ang isang tao sa Panginoon nang may tapat na layunin ng puso kapag ang pagsisisi ay kaswal, paimbabaw, o itiniyempo para makaiwas sa pagkapahiya sa mga tao? Ang gayong pagmamalabis na pinag-isipan at pinlano ay kumukutya sa Pagbabayad-sala ni Cristo. Ang pagpapatawad sa kasalanang iyon ay tiyak na posible, ngunit ang landas na dapat tahakin ng tao ay hindi madali, at hindi maikli ang paglalakbay.
Katotohanan #3: Ginagawang posible ng pagsisisi, mga sagradong tipan at ordenansa, at ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo na laging mapanatili ang kapatawaran ng mga kasalanan.
Paulit-ulit na binibigyang-diin sa mga banal na kasulatan ang patuloy na pagkakaugnay ng alituntunin ng pagsisisi, ang kahalagahan ng mga sagradong tipan at ordenansa, ang nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo, at ang maluwalhating pagpapala ng laging pagpapanatili ng kapatawaran ng mga kasalanan.
Bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon, tayo ay pinagpala sa pamamagitan ng unang paglilinis mula sa kasalanan na nauugnay sa binyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. At ang unang pagpapalang iyon ay nadaragdagan ng patuloy na paglilinis mula sa kasalanan na naging posible sa pamamagitan ng palaging pagsama at nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo—ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Ang masasayang pagpapalang ito ay mahalaga dahil “walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos.”
Ang ordenansa ng sakramento ay isang banal at paulit-ulit na paanyayang magsisi nang taos-puso at espirituwal na mapanibago; ito ay pinakamahalaga sa proseso ng patuloy na pagpapabanal.
Ang pagtanggap ng sakramento, kung tutuusin, ay hindi nagpapatawad ng mga kasalanan. Ngunit kapag tayo ay nagsisi, naghanda nang seryoso, at nakibahagi sa banal na ordenansang ito nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, ang pangako ay mapapasaatin sa tuwina ang Espiritu ng Panginoon. At pagkatapos, sa pamamagitan ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo, mapapanatili natin sa tuwina ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.
Hindi nilayon ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na maranasan natin ang espirituwal na pagpapanibago, pagpapanariwa, at pagpapanumbalik nang minsan lamang sa ating buhay noong tayo ay nabinyagan, tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at nakumpirma bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na simbahan ng Panginoon. Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo, at sakramento ay hindi hiwalay na mga ordenansa.
Sa halip, ang mga ito ay mga elemento sa isang magkakaugnay at magkakasamang huwaran sa espirituwal na pag-unlad. Ang bawat kasunod na tipan at ordenansa ay nagpaparangal at nagpapadakila sa ating espirituwal na layunin, hangarin, at paggawa.
Ang pagkakasunud-sunod ng hakbang sa pagiging disipulo ay simple at tuwiran: manampalataya sa Tagapagligtas, magsisi, tumanggap ng mahahalagang tipan at ordenansa, magbago, magsikap na laging panatilihin ang kapatawaran ng mga kasalanan, at sumulong nang tapat sa landas ng tipan. Ang plano ng Ama, ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at ang unang mga alituntunin at mga ordenansa ng ebanghelyo ay nagbibigay ng biyaya na kailangan natin para umunlad nang taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin patungo sa ating walang hanggang tadhana.
Patotoo
Ang pagsisisi at kapatawaran sa mga kasalanan ay mga pagpapala mula sa langit na naging posible sa pamamagitan ng walang katapusan at walang hanggang nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo. Ang mga alituntuning ito ay tunay, at totoo ang mga ito. Pinatototohanan ko ang kabanalan ng Tagapagligtas, ang katotohanang Siya ay buhay, at ang walang katumbas na pagmamahal Niya sa atin.