Mga Regalo sa Iba’t ibang Henerasyon
Kapag nakakonekta ka sa iyong family history, ikaw at ang iyong mga ninuno ay labis na pagpapalain.
Mga larawang-guhit ng Guev Design
Ang Kapaskuhan ay isang espesyal na panahon para makasama ang pamilya. Maaaring inaasam mo ang mga paborito mong tradisyon ng pamilya o ang mga regalong ibibigay mo sa iyong mga magulang o kapatid.
Pero paano naman ang mga miyembro ng iyong pamilya na nasa kabilang panig ng tabing?
Ang gawain sa family history ay mahalagang bahagi ng pagtitipon ng Israel, na siyang “pinakadakilang gawain sa mundo.” At ang pagtubos sa mga patay ay ginawang posible ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, na ang pagsilang ay ipinagdiriwang natin sa panahong ito. Dahil ang Kapaskuhan ay panahon ng pagbibigayan, anong mga regalo ang maibibigay—at matatanggap mo—sa pamamagitan ng family history?
Isang Koneksyon sa Iba’t Ibang Panahon
Habang lumalaki ako, akala ko tapos na ang gawain sa aking family history. Noong nasa hustong gulang na ako para magpunta sa templo, nakumpleto na ang lahat ng ordenansa ng mga ninuno ko na may rekord. Parang wala na akong gagawin pa.
Pagkatapos ay nahanap ko ang mga rekord ng aking lola-sa-talampakan [great-great-grandma] na si Elva Butler.
Si Elva ay ipinanganak sa Utah matapos lumipat doon ang kanyang mga magulang kasama ang mga pioneer. Nagawa niya ang lahat ng tipan at ordenansa para sa kanyang sarili noong nabubuhay pa siya, kaya palagay ko wala na akong gagawin para sa kanya. Ngunit ang pagtuklas sa kanyang mga rekord ay naging malaking pagpapala—para sa akin!
Hindi ko kailanman nakilala si Elva, pero matapos tingnan ang kanyang mga larawan, mga sulat sa journal, at mga liham, pakiramdam ko ay kilala ko siya. Gustung-gusto niya ng mga aklat at tula, tulad ko! Humanga ako sa pagtitiwala niya sa Diyos sa panahong nahihirapan siya.
Dahil sa kanyang pananampalataya, ang aking pananampalataya ay napalakas. Pakiramdam ko ay nakabantay siya sa akin at ang iba ko pang mga ninuno.
Ang Diwa ni Elijah
Isinugo ang sinaunang propetang si Elijah “upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama” (Doktrina at mga Tipan 110:15). Nangyari ito nang ipagkaloob niya kay Joseph Smith ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod. Kaya nga ang mga espirituwal na damdaming umaakay sa atin para bumuo ng bigkis sa pagitan ng mga henerasyon ay kadalasang tinatawag na “diwa ni Elijah.”
Ang gawain sa family history ay hindi palaging madali. Siguro ang gawain sa templo ng iyong pamilya ay tila “nagawa na,” tulad ng sa akin. Siguro maliit ang iyong family tree dahil wala kang mga rekord na maidaragdag o maikokonektang maraming tao. Anuman ang hitsura ng iyong family tree, mararanasan mo ang diwa ni Elijah kapag ibinaling mo ang iyong puso sa iyong mga ninuno. Kapag ginawa mo ito, mas mauunawaan mo ang iyong ginagampanan sa plano ng kaligtasan.
Iyan ay isang makapangyarihang kaloob. Anong mga regalo ang ibibigay mo sa iyong mga ninuno bilang kapalit?