2025
Mga Nakatagong Kayamanan
Para sa Lakas ng mga Kabataan Disyembre 2025


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 137–138; Mga Saligan ng Pananampalataya

Mga Nakatagong Kayamanan

Ipinapakita sa atin ng Doktrina at mga Tipan na patuloy na dumarating ang paghahayag.

si Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu

May mga Bagay na Alam Natin na Hindi Alam ng Ating mga Ninuno—at Marami pang Darating

Doktrina at mga Tipan 137–138; Mga Saligan ng Pananampalataya

Nakapapanatag na malaman na ang mga namatay nang walang ebanghelyo na tatanggapin ito kung sila lamang ay nagkaroon ng pagkakataon ay magiging tagapagmana ng kahariang selestiyal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:7).

At ang mga batang namatay bago sumapit sa edad ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:10).

At na ang ebanghelyo ay ipinapangaral sa mga espiritu ng mga namatay na wala nito upang sila rin ay magbalik-loob (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:29–32).

Alam ng karamihan sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga alituntuning ito. Napapanatag ang loob natin dahil sa mga ito. Itinuturing nating mahalaga ang mga ito.

Pero hindi pa natatagalan nang nalaman natin ang mga ito!

Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang Doktrina at mga Tipan 137 noong 1836. Natanggap ng kanyang pamangking si Joseph F. Smith (Pangulo ng Simbahan mula 1901 hanggang 1918) ang bahagi 138 noong 1918. Mahigit isang daang taon lang iyon!

Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay nagpahiwatig ng ilan sa mga bagay na ito. Halimbawa, maikling binanggit ni Pedro ang pagdalaw ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa 1 Pedro 3:18–20; 4:6).

Ngunit ang nakapapanatag na mga katotohanang ito ay hindi ipinahayag nang detalyado hanggang sa makabagong panahon.

Kalaunan ay isinulat ni Propetang Joseph Smith sa Mga Saligan ng Pananampalataya na ang Panginoon ay “maghahayag pa ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9). Ang paghahayag ng kanyang pamangkin pagkaraan ng ilang dekada ay katibayan niyan.

At marami pang darating! Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “sa mga darating na araw, masasaksihan natin ang mga pinakadakilang pagpapakita ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na hindi pa nasasaksihan ng mundo kailanman.”

Isipin ninyo ito. Hindi pa tapos ang Ama sa Langit sa paghahayag ng mga bagay-bagay! May mga bagay pa Siya na sasabihin sa atin—hindi maliliit na detalye, kundi “dakila at mahahalagang bagay.”

Dapat tayong magpasalamat sa mga bagay na alam natin na hindi alam ng ating mga ninuno—at maging handang tanggapin ang mga bagong bagay na darating pa.