2025
Pasko sa Mission Field
Para sa Lakas ng mga Kabataan Disyembre 2025


Pasko sa Mission Field

Ang Pasko bilang missionary ay magiging iba sa Pasko sa tahanan, pero maaari pa rin itong maging magandang karanasan.

Kung iniisip mong magmisyon, ang pagiging malayo sa iyong pamilya sa Pasko—kung minsan sa ibang bansa—ay maaaring nakakatakot na ideya.

Pero ayon sa mga returned missionary na ito, may magagandang bagay kang aasamin. Alamin kung ano ang ibinahagi nila tungkol sa kanilang mga Pasko sa mission field.

mga pahina ng kalendaryo at mga pigurin sa Pasko

Mga larawang-guhit ni Jarom Vogel

Ang pinakamagandang bahagi ng Pasko bilang missionary ay na kumakatawan ka kay Jesucristo—ang dahilan kung bakit tayo nagdiriwang.

Sa Pilipinas, ipinagdiriwang namin ang Pasko mula Setyembre hanggang Pebrero. Lahat ay masaya at masigla! Pero sa Hong Kong, ang kapaligiran ay talagang naiiba. Mahirap iyon para sa akin, pero talagang nahikayat ako nito na magsikap. Kakaunting tao sa Hongkong ang naniniwala kay Jesucristo, at kailangan naming ibahagi ang Kanyang mensahe upang madama ng mas marami pang tao ang Kanyang pagmamahal sa Pasko at sa tuwina.

Kahit malayo ka sa iyong tahanan, makadarama ka ng ibang uri ng kagalakan, at tutulungan ka nitong maunawaan kung bakit natin ipinagdiriwang ang Pasko. Kung magtutuon ka sa Tagapagligtas, madarama mo na kasama mo ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

missionary

Charles S., mula sa Manila, Philippines; naglingkod sa China Hong Kong Mission

Nagmula ako sa isang malaking pamilya, kaya malungkot na kami lang ng kompanyon ko ang magkasama sa Pasko. Pero napapawi ang pangungulila. Napakaraming miyembro ang nagbukas ng kanilang pintuan at “inampon” kami bilang mga kapamilya para sa araw na iyon, at nakatulong iyon nang husto.

Magsaya sa Pasko sa mission dahil natatanging panahon ito para palakasin ang iyong patotoo kay Jesucristo. Sa misyon ko, natanto ko na ang Pasko ay hindi tungkol sa mga regalo o bakasyon sa paaralan—ito ay tungkol sa pinakadakilang regalo sa lahat, si Jesucristo. Ngayon, ang simbolo ng Pasko para sa akin ay isang sabsaban, hindi isang Christmas tree.

sister missionary

Gabrielly R., mula sa Sergipe, Brazil; naglingkod sa Brazil São Paulo North Mission

mga sister missionary na nagdedekorasyon ng Christmas tree kasama ang isang babae

Dahil sa mga problema sa kalusugan ng katawan, noong mga isang taon na ako sa mission, kinailangan kong umuwi sandali. Pero bago ako umalis, sinabi sa akin ng isa sa mga sister, “Bumalik ka sa Pasko. Ito ang iyong tahanan.”

Ginawa kong mithiin iyon. Alam ko na ang mission field ang lugar kung saan nais ng Diyos na naroon ako, at talagang gusto kong gawin ang ipinagagawa Niya, madama ang kagalakang nadama ko noon, at gugulin ang aking Pasko na nararanasan ang mga himala bilang isang missionary.

Bumalik ako sa orihinal na assignment ko sa unang linggo ng Disyembre. Tinulungan ako ng Diyos na makabalik sa gawain, at napakagandang panahon ito ng Kapaskuhan. Nakasentro ito sa paglilingkod at kay Cristo, na siyang talagang nararapat. Kung minsan ay masyado tayong nakatuon sa mga materyal na aspeto ng Pasko, pero hindi iyan mahalaga. Ang mahalaga ay isinilang si Jesucristo para sa atin, nabuhay Siya para sa atin, at namatay Siya para sa atin dahil mahal Niya tayo.

Gustung-gusto ko na Siya ang sentro ng buhay ko sa aking misyon dahil nakatulong ito sa akin na mas mapalapit sa Kanya, at naibahagi ko rin ang regalong iyon sa ibang tao. Tinuturuan namin noon ang isang babae na talagang gustong magpunta ang kanyang pamilya sa Pasko dahil matagal na niyang hindi nakikita ang mga ito. Nilinis namin ang kanyang bahay, itinayo ang kanyang Christmas tree, at pinanood ang video ng Simbahan na “The Christ Child” kasama niya.

Kalaunan sinabi niya sa amin, “Kailangan kong mag-Pasko dahil sa inyong mga sister. Hindi ko siguro napapunta ang pamilya ko kung hindi ninyo ako tinulungan.” Talagang naantig nito ang puso ko. Labis akong nagpapasalamat na tinulutan ako ng Diyos na maranasan iyon.

Sa hinaharap, nais kong gawing mas tungkol kay Cristo ang aking mga Pasko at mas makibahagi sa Light the World. Sa ganyang paraan tayo magiging higit na katulad Niya: sa pamamagitan ng mas maraming paglilingkod at pagtutuon ng pansin sa ating kapwa.

sister missionary

Mary M., mula sa Colorado, USA; naglingkod sa Arizona Mesa Mission