Handa Ka na Ba para sa Kasal na Walang Hanggan?
Narito ang limang paraan para makapaghanda bilang kabataan.
Noong dalawang linggo pa lang akong kasal, muntik ko nang masunog ang aming apartment. Nagto-toast ako ng tinapay nang biglang nagliyab ang aming bagong toaster.
Habang nakatayo ako roon dahil sa pagkabigla, mabilis na kumilos ang asawa ko. Dinala niya ang toaster sa labas at itinuwad ito para mahulog ang sunog na tinapay. Kasama sa sunog na tinapay, … ang sunog na instruction manual. Oops.
Buti na lang, hindi mo kailangang maging perpekto sa paggawa ng toast (o sa anumang bagay) para maging handa para sa kasal na walang hanggan. Pero may magagawa kang ilang simpleng bagay para makapaghanda, bilang kabataan, ngayon mismo.
Kung sa palagay mo ay hindi pa angkop sa iyo ang kasal na walang hanggan, magpatuloy pa rin sa pagbabasa. Oo, ang pag-aasawa ay maaaring ilang taon pa mula ngayon. Pero ang pag-aasawa at pamilya ang sentro sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit—sa madaling salita, talagang napakahalaga ng mga ito. Basahin ang limang ideyang ito at simulan ang paghahanda ngayon.
1. Pagbutihin ang Iyong mga Pakikipag-ugnayan
Kumusta ang pakikipag-ugnayan mo sa iyong mga magulang at mga kapatid? Kung medyo naaasiwa ka, maaaring isang bagay ito na dapat mong pagsikapan. Maaari mo ring pagbutihin ang pakikipag-ugnayan mo sa ibang tao. Makihalubilo! Makipag-usap sa hindi mo pa kilala, kahit sa isang tao na … hindi mo kapareho ng kasarian. Kapag mas nagpapraktis ka ng mga kasanayan sa pakikipag-ugnayan, mas magiging madali ito kapag nagsimula kang makipagdeyt nang seryoso.
2. Sikaping Sundin ang Batas ng Kalinisang-puri
Nakasaad sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili: “Dahil napakasagrado at napakatindi ng mga damdaming seksuwal, ibinigay sa iyo ng Diyos ang Kanyang batas ng kalinisang-puri para ihanda kang gamitin ang mga damdaming ito ayon sa nilalayon Niya. Nakasaad sa batas ng kalinisang-puri na sinasang-ayunan ng Diyos ang seksuwal na aktibidad sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babaeng ikinasal” ([2022], 23). Ang pagsisikap na sundin ang batas ng kalinisang-puri ay maghahanda sa iyo para sa mas makabuluhang pagsasama ng mag-asawa.
3. Isiping Magmisyon
Nagmisyon ako sa Guadalajara, Mexico. Ang pamumuhay kasama ang kompanyon nang 24/7 ay mahirap kung minsan at inihanda ako nito para sa mga ugnayan sa hinaharap. Lumakas din ang aking espirituwalidad. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Muli kong pinagtitibay nang husto na hinihiling ng Panginoon sa bawat karapat-dapat at may kakayahang binatilyo na maghanda para sa at maglingkod sa misyon. … Para sa inyo na bata pa at may kakayahang mga sister, ang misyon ay isa ring maganda, ngunit opsyonal, na oportunidad.” Kung gusto mong maglingkod pero hindi ka sigurado kung kaya ng iyong katawan o isipan, kausapin ang iyong bishop tungkol sa mga opsiyon na akma sa iyong sitwasyon, kabilang na ang mga service mission.
4. Magpunta sa Templo
Alam mong ang templo ang tamang lugar, pero alam mo ba na makatutulong ito sa iyo na maghanda para sa kasal na walang hanggan? Kapag nakikibahagi ka sa mga binyag sa templo (at, kalaunan, sa iba pang mga ordenansa), pagpapalain ka ng kapangyarihan ng Diyos para matulungan ka, pati na sa pakikipagdeyt at pag-aasawa. Ang paglilingkod sa iyong mga ninuno sa templo ay naghahanda rin sa iyo na paglingkuran ang iyong mapapangasawa (maniwala ka sa akin—sa pag-aasawa, mahalaga ang paglilingkod). At ang pananatiling karapat-dapat sa temple recommend at pagtupad sa iyong mga tipan ay maghahanda sa iyo para mabuklod ka sa templo sa tipan ng kasal na walang hanggan balang-araw.
5. Magsisi sa Bawat Araw
Bukod sa muntik ko nang masunog ang bahay, nakagawa na ako ng maraming pagkakamali mula noong ikasal ako. Pero dahil kay Jesucristo, OK lang iyan! Sa pag-aasawa, walang sinumang perpekto. Hindi ka rin magiging perpekto ngayon. Patuloy lang na magsikap na sundin ang Tagapagligtas at laging magsisi. Kapag ginawa mo ito, ihahanda, tutulungan, at gagabayan ka ng Ama sa Langit. Kapag nag-asawa ka na, patuloy na magsikap na magpakabuti. Mapalad tayo na ang kasal na walang hanggan ay talagang ganoon—walang hanggan. Ikaw at ang iyong asawa ay maaaring patuloy na magsisi at sumulong nang magkasama tungo sa buhay na walang hanggan.