Mga Tanong at mga Sagot
“Hindi ko nararamdaman na sinasagot ng mga banal na kasulatan ang mga panalangin ko. Paano ko magagamit ang mga iyon sa sarili ko?”
“Habang nagbabasa, dapat nating itanong sa ating sarili ang ganito: Bakit nila sinasabi ito? Kailan at paano ko ito magagawa? Paano ko mapagbubuti ang sarili ko para maging tulad rin nito?”
Ceci B., 19, São Paulo, Brazil
“Ang pag-uugnay ng mga problema sa mga banal na kasulatan sa mga problemang nararanasan natin sa mga huling araw ay makatutulong sa iyo na maipamuhay ang mga banal na kasulatan. Sa pagkukumpara ng mga sitwasyong naranasan ng mga propeta sa sarili mong buhay, mauunawaan mo na magkakaiba ang mga sitwasyon pero magkakapareho ang mga aral.”
Jack L., 18, Missouri, USA
“Makinig sa Espiritu, at panatilihing bukas ang iyong isipan at puso sa mga impresyon. Kung minsan ang nais ng Espiritu Santo na matutuhan mo ay hindi ang talagang binabasa mo.”
Lincoln R., 17, Washington, USA
“Inilalagay ko ang pangalan ko sa bawat banal na kasulatan, na para bang direktang nangungusap sa akin ang Panginoon o ang mga propeta. Pagkatapos ay taimtim akong nagdarasal. Epektibo ito!”
Dieuveille O., 15, Pointe-Noire, Republic of the Congo
“Ang mga mensahe sa Aklat ni Mormon ay hindi lamang para sa mga tao noong panahong iyon—mahalaga rin ang mga ito sa atin ngayon. Tuwing nais kong gawin ang isang bagay na natutuhan ko mula sa mga banal na kasulatan, nagdarasal ako na makapagtuon ako at magawa ito sa buong maghapon.”
Ari I., 14, Utah, USA
“Kung minsan kailangan natin ng bagong pananaw para makahanap ng mga sagot. Nahirapan akong makita ang mga banal na kasulatan bilang sagot sa aking mga panalangin, pero marami akong nakitang sagot sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya na palaging nagbabanggit ng mga banal na kasulatan, at tumutulong ang mga ito sa paghahanap ng maraming sagot doon.”
Xaeli S., 16, Maryland, USA