Idagdag ang Iyong Liwanag
Bawat munting liwanag na idaragdag mo sa Kapaskuhang ito ay magpapaliwanag sa mundo.
Mga paglalarawan ni Gabriele Cracolici
Alam ng bawat dalawang-taong-gulang na bata (kasama ang pusa sa bahay) na ang regalo sa loob ng isang kahon ay kapana-panabik tulad ng mismong kahon nito. Walang hanggan ang posibilidad ng mga kahon! Ito ba ay isang time machine? Isang obra-maestra sa science fair na bubuuin? Isang bahagi ng lagusan?
Sa tulong ng isang inspiradong grupo ng mga kabataang babae sa Oregon, USA, isang kahon ng refrigerator ang nagamit nang husto: nakatulong ito na maisakatuparan ang mga himala sa buong panahon ng Kapaskuhan.
Isang Kahon, Maraming Himala
Nang ipaubaya sa organisasyon ng Young Women ang pamamahala sa Christmas party ng kanilang ward, nagpasiya sila nang maaga na magkaroon ng tema na Light the World. Ang unang giving machine sa kanilang lugar ay ipinakita noong isang taon. “Naisip ko na napakagandang makapaglingkod sa gayong simple at madaling paraan,” sabi ni Kisiah H., isa sa mga kabataang babae.
Kaya gusto ng mga kabataang babae na magkaroon ng isang customized giving machine para sa kanilang ward at stake. Isa sa kanila, si Rita P., ay nag-alok na tumulong sa pagtatayo nito. Ang machine ay maglalaman ng “mga pagkakataong maglingkod na magagawa ng sinuman, anuman ang kanilang edad,” sabi ni Rita. Isinama nila ang mga paglilingkod na tulad ng “Magluto ng pagkain,” “Manalangin para sa isang taong nangangailangan,” o “Mag-caroling.”
Salamat sa Young Women president na bumili kamakailan ng refrigerator, may perpekto na silang kahon na babalutan ng pulang papel at tape. Pagkatapos ay nagdagdag sila ng mga sticker na may mga oportunidad na maglingkod at naglagay ng maliliit na business card sa ilalim na ipamimigay sa mga tao. Kapag natapos na ng isang tao ang kanyang gawain, maaari niyang isabit ang maliit na pulang business card bilang palamuti sa Christmas tree ng ward.
“Talagang magandang makita na napupuno ang Christmas tree sa paglipas ng mga araw,” sabi ni Kisiah.
Pagkatapos ng ward party, gustong gamitin ng mga tao ang giving machine sa Light the World activity ng stake. At kaya nga patuloy na lumaganap ang liwanag. “May nagsabi na sana’y magkaroon kami ng isa sa mga ito sa bawat ward sa stake,” sabi ni Kisiah.
Ang isang maliit na ideya, na isang malaking kahon, at kasipagan ay nauwi sa mas maningning na Pasko para sa lahat.
Nasiyahan din si Kisiah sa giving machine! Pinili ng kanyang pamilya ang “Mag-caroling” bilang service project. Nagsimula sila sa pagbisita ng ilan sa mga miyembro ng ward. Pagkatapos, nang makita nila ang mga luha ng pasasalamat at masasayang ngiti ng mga binisita nila, patuloy na nagpasiya ang pamilya ni Kisiah na bumisita sa isa pang bahay. At pagkatapos ay isa pa. “Gusto naming gugulin ang buong gabi sa pagbisita, pero huminto na kami dahil kailangang matulog ang mga tao!” sabi niya.
Siyempre, hindi mo kailangang gumawa nang malaki para makagawa ng kaibhan sa Paskong ito. “Ang paglilingkod ay hindi kailangang maging malaki at magarbo,” paliwanag ni Rita. “Gumawa ng isang maliit na bagay, at maghahatid ito ng kagalakan sa Pasko. Magtuon sa iba, hindi sa iyong sarili.”
Nagpasalamat sina Rita (kaliwa) at Kisiah (kanan) na maraming tao ang gumamit ng machine at nagustuhan ito.
Ikaw + Inspiradong Pagsisikap = Liwanag
Siyempre, hindi mo kailangan ng giving machine—homemade o anuman—para pasayahin ang Pasko ng isang tao. Tinanong namin ang mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo kung paano nila gustong Paliwanagin ang Mundo sa Kapaskuhan at natanggap namin ang lahat ng uri ng sagot. Ang ilan ay nagbahagi ng musika at iba pang nagbibigay-inspirasyong mga mensahe online. Ang iba ay nagbigay ng pagkain o nagsulat ng maikling liham ng pagmamalasakit. Ang iba pa ay naglilingkod sa templo o bumibisita sa mga tao.
Inilarawan ni Emalyn, isang 16-na-taong-gulang na dalagita, ang paboritong tradisyon na ginagawa niya mula pa noong siya ay 7 taong gulang. “Sumasali ako sa isang live Nativity mula Thanksgiving hanggang Pasko,” sabi niya. Hindi ito simpleng pagtitipon ng magkakapatid na nakasuot ng mga bathrobe! Ito ay libreng paglilingkod sa komunidad na patuloy na ginagawa sa loob ng maraming taon.
Si Emalyn ay gumaganap na narrator sa isang live nativity na nagpapala sa libu-libong mga tao tuwing Pasko.
Narito ang isang karaniwang araw ng pagtatanghal: Si Emalyn ay nagsisimula nang alas-9 n.u. kasama ang kanyang ina at ang pangunahing organizer. Gumugugol sila ng anim na oras sa paggawa ng 500 donut para sa mga panauhin sa gabing iyon, at pagkatapos ay nagbibihis si Emalyn ng costume para maging narrator. Makikita sa live Nativity ang scenery, lights, mga hayop sa sabsaban, 20–30 tauhan, at 15-minutong pagtatanghal na napapanood ng libu-libong tao kada taon.
“Napakalakas ng Espiritu kapag nagtatanghal kami,” sabi niya. “Noong nakaraang taon isang maliit na batang lalaki na hindi ko kilala ang umakyat at niyakap ako at sinabing, ‘Ito mismo ang kailangan ko!’”
Maging ito man ay karanasan sa araw-araw tulad ng pagbibigay ng pagkain sa isang kapitbahay o isang pambihirang bagay tulad ng pagbisita sa kaibigan na piniling magpabinyag, bawat gawaing nagbabahagi ng liwanag ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ay lalong magpapaliwanag sa mundo. Ang gayong liwanag ay nadarama, hindi lamang nakikita.
Tiyak na magiging abala ang panahon ng Kapaskuhan—marahil ay magiging labis na abala pa nga kung hindi tayo maingat. Subalit sa kaunting pag-iingat, makakahanap tayo ng sapat na oras para makagawa ng kaibhan. Ipinaalala sa atin ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Habang papalapit ang Paskong ito, mas gawin natin ang mga bagay na mahalaga at bawasan ang hindi mahalaga.”
Sino ang nangangailangan ng kaunting liwanag sa iyong mundo ngayon?