Gumawa ng Kaibhan sa pamamagitan ng mga Simpleng Paanyaya
Hindi mo alam kung ano ang mabuting mangyayari kapag ibinahagi mo ang pagmamahal at liwanag ng Tagapagligtas sa iba.
Paglalarawan ni Kyungeun Park
Isang araw noong si Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023) ay nasa junior high school, tinanong siya ng kaibigan niyang si Nedra, “Russ, bakit hindi ka pumupunta sa seminary?”
Noong panahong iyon, hindi nagsisimba ang mga magulang ni Pangulong Ballard. Paminsan-minsan ay nagsisimba siya kasama ang mabubuting kaibigan, pero hindi siya pumupunta sa seminary. Kaya inanyayahan siya ni Nedra, at kinabukasan ay dumating siya nang alas-6:30 n.u. para sa early-morning seminary. Mula noon, dumalo siya sa seminary araw-araw—kahit sa malamig at maniyebe na mga umaga ng taglamig.
“Ang mga bagay na natutuhan ko sa seminary ay nakaantig sa puso ko,” sabi ni Pangulong Ballard. “Lumakas ang aking patotoo nang mas malaman ko pa ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Inihanda ako nito na magmisyon sa England at magpatuloy sa habambuhay na paglilingkod sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan.”
Malamang na walang ideya si Nedra sa kahihinatnan ng kanyang simpleng paanyaya, pero ipinapakita ng kanyang halimbawa na ang mga pagkakataon ay nasa lahat ng dako para ibahagi ang liwanag at kagalakang hatid ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo. Ang panahong ito ng taon—ang Kapaskuhan—ay espesyal na panahon para gawin ito habang ipinagdiriwang natin ang pagsilang ni Jesucristo, “ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo.”
Magsimula nang May Pagmamahal
Itinuro ng Tagapagligtas na ang pinakadakila sa lahat ng mga kautusan ay ang “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo” at “ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37, 39).
Diyan tayo dapat magsimula kapag inaanyayahan natin ang iba sa simbahan o sa mga aktibidad tulad ng sacrament meeting sa Pasko o ward Christmas party. Ang pagmamahal mo sa Diyos ay magpapalakas sa iyong hangarin at kakayahang maglingkod sa Kanya at mahalin at paglingkuran ang iba. Kung madarama ng mga tao sa paligid mo na tunay mo silang minamahal at pinagmamalasakitan, mas handa silang malaman pa ang tungkol sa iyo—pati na ang pinaniniwalaan mo.
Ibahagi ang Nasa Puso Mo
Ipagpalagay nating inanyayahan ka ng kaibigan mo sa isang party, pero pinili mo nang magpunta sa isang ward temple trip sa araw na iyon. Sa halip na sabihin lang na, “Sorry, hindi ako makakapunta,” maaari mo ring sabihin sa kaibigan mo ang tungkol sa templo at ang mga pagpapalang hatid nito sa iyong buhay. Maaaring ganyan lang kasimple!
Itinuro ni Pangulong Ballard na tayo ay “[nagpa]patotoo tungkol sa [ating] nalalaman at pinaniniwalaan at [ating] nadarama” at na ang “dalisay na patotoo ay … maipauunawa ng kapangyarihan ng Espiritu Santo sa puso ng iba na handang tanggapin ito.” Maibabahagi rin natin ang nasa ating puso “sa pamamagitan ng pagiging mabubuting kapitbahay at pagmamalasakit at pagpapakita ng pagmamahal.” “Makikita [rito] ang ningning ng ebanghelyo sa ating buhay, at … makikita ng [iba] ang mga pagpapalang handog ng ebanghelyo.”
Maaaring nakakatakot magbahagi. Maaaring nag-aalala ka na hindi magiging interesado ang iba o tatanggihan ka nila. Maaaring mangyari iyan kung minsan, pero gagabayan ka ng Espiritu kapag nagdarasal ka at patuloy na sumusulong nang may tapang na ibahagi ang alam mong totoo sa bawat pagkakataong mayroon ka.
Huwag Sumuko!
Bagama’t ang uri ng tugon na ibinigay ni Pangulong Ballard sa paanyaya ni Nedra ay hindi mo palaging mararanasan, mahalagang huwag sumuko kailanman! Maaaring tanggihan ng mga tao ang iyong paanyaya paminsan-minsan. Kapag nangyari iyan, tanggapin ito nang may kabaitan at huwag personalin ito. Ang sagot na “hindi” sa pagsisimba o sa isang aktibidad o pagtuklas pa tungkol sa iyong mga paniniwala ay kadalasang hindi nangangahulugan na personal kang tinatanggihan.
Manatiling isang kaibigan. Tumulong kapag kaya mo. At palaging maghanap ng mga paraan para maibahagi ang liwanag ng Tagapagligtas sa iyong mga salita at mga kilos.
Tulad ni Nedra, hindi mo alam kung ano ang mabuting mangyayari kapag nagpakita ka ng pagmamahal, nagbahagi ng nasa puso mo, at nag-anyaya sa iba na damhin ang pagmamahal at liwanag ng Tagapagligtas—sa Pasko at sa tuwina.