2025
Mga Pangako para sa Kawalang-Hanggan
Para sa Lakas ng mga Kabataan Disyembre 2025


Mga Pangako para sa Kawalang-Hanggan

Ang malaman na ang mga pamilya ay maaaring maging walang-hanggan ay nagpala sa aking pamilya magpakailanman. Mapagpapala rin nito ang inyong pamilya.

dalagita

Mga magulang ni Elder Soares na sina Aparecido at Mercedes Soares

Noong binatilyo ako, hindi interesado sa relihiyon ang aking ama na si Aparecido. Ang kanyang mga magulang ay mabubuting tao pero hindi relihiyoso. Gayunman, habang lumalaki siya, binasa niya ang Biblia, dumalo sa mga klase sa Biblia, at pinag-aralan ang buhay ni Jesucristo. Naging dahilan ito para magkaroon siya ng malaking interes sa ebanghelyo ng Tagapagligtas at sa pamilya. Gusto niyang pakasalan ang isang taong kapareho niya ng interes.

Ang aking inang si Mercedes ay nagmula sa isang pamilyang napakarelihiyoso. Sila ay nagsisimba at ipinamumuhay ang kanilang relihiyon. Habang lumalaki sa kapaligirang iyon, hindi kailanman pumalya sa pagsisimba ang aking ina.

Matapos ikasal ang mga magulang ko at ipinanganak ang tatlong kapatid kong lalaki at ako, ginawa nila ang lahat para palakihin kami batay sa mga turo ng Tagapagligtas. Isang araw sinabi ng tita ko sa aking ama, “Kung talagang gusto mong palakihin ang apat mong anak na lalaki na nakasentro kay Cristo at may Diyos sa iyong pamilya, kailangan mong malaman pa ang tungkol sa simbahan ko.”

Miyembro siya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Pinagpala ng Ebanghelyo ang Aking Pamilya

Hindi gaanong interesado ang aking ama na alamin pa ang tungkol sa simbahan ng tita ko, at walang nangyari hanggang sa kumatok ang mga missionary sa pintuan namin. Nang turuan nila kami, ang isang bagay na nakapukaw sa interes ng mga magulang ko sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay ang kahalagahan ng pamilya at kung paano pinagpapala ng ebanghelyo ang mga pamilya.

Sa loob ng ilang buwan, nagsimba ang mga magulang ko at nakihalubilo sila sa mga miyembro, pero hindi sila nabinyagan kaagad. Habang nakikipagkita sila sa mga missionary at patuloy na pinag-aaralan ang ebanghelyo, natutuhan nila ang kahalagahan ng pagtuturo sa kanilang mga anak ng liwanag at katotohanan at na ang mga pamilya ay maaaring maging walang hanggan. Kalaunan ay nabinyagan sila.

Ang ideya na magiging walang-hanggan ang pamilya ay umantig sa puso ng mga magulang ko kaya naging mahalagang dahilan ito ng kanilang pagbabalik-loob. Inanyayahan din nila ang mga kapitbahay na makinig nang madalas sa mga lesson ng missionary.

Pagbuo ng mga Pamilyang Walang Hanggan

Pagkatapos ng binyag ng mga magulang ko, sila ay regular na nag-family home evening at nag-aral ng mga banal na kasulatan, tapat na nagsimba, at nagsimulang gawin ang family history. Sa mga pagsisikap na iyon, umasa silang makalilikha ng isang pamilyang nakasentro sa ebanghelyo ni Jesucristo at ninais nila na mabuklod bilang walang-hanggang pamilya.

Noong taon na nabinyagan ang mga magulang ko, walang templo sa Brazil. Ang pinakamalapit na templo kung saan kami nakatira sa São Paulo ay ang Mesa Arizona Temple, halos 6,000 milya (9,650 km) ang layo! Napakamahal ng pamasahe at gastusin sa biyahe, kaya maraming taon na naghintay ang mga magulang ko sa paglalaan ng São Paulo Brazil Temple, ang unang templong itinayo at inilaan sa buong South America, bago nila natanggap ang kanilang mga ordenansa sa templo at nabuklod. Noong panahong iyon ay nasa misyon ako sa Rio de Janeiro.

Mga dalawang buwan bago matapos ang aking misyon, pumayag ang aming mission president na kami ng kompanyon ko ay magdamag na magbiyahe kasama ang mga miyembro ng stake mula sa Rio de Janeiro papunta sa São Paulo Brazil Temple para mabuklod ako sa mga magulang ko at matanggap ang sarili kong mga ordenansa sa templo. Ang karanasan ko sa templo ay nagkaroon ng matinding epekto sa buong misyon ko. Gustung-gusto kong patotohanan ang templo at ang kahalagahan ng plano ng Diyos para sa mga pamilya. Nabago rin ng templo ang pananaw ko sa hinaharap.

Si Elder Soares noong bata pa siyang missionary, kasama ang kanyang kapatid at mga magulang

Si Elder Soares noong bata pa siyang missionary, kasama ang kanyang kapatid at mga magulang

Pagbalik ko mula sa aking misyon, gusto kong makahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan at mabuklod sa templo. Una kong nakilala ang asawa kong si Rosana habang naglilingkod kami sa iisang mission. Ilang buwan pagkatapos ng aming misyon, hindi sinasadyang nagkita kami sa isang multistake dance. Nagsimula kaming magdeyt, at makalipas ang dalawang taon, kami ay ikinasal at nabuklod sa templo na may mithiing palakihin ang sarili naming walang-hanggang pamilya.

Sina Elder at Sister Soares sa harap ng templo sa araw ng kanilang kasal
Sina Elder at Sister Soares sa harap ng templo sa araw ng kanilang kasal

Si Elder Soares at ang kanyang asawang si Rosana

Nagtulungan kami ni Rosana sa pagbuo ng isang pamilya na nakatuon sa Tagapagligtas, sa Kanyang mga turo, at sa mga turo ng Kanyang mga propeta at apostol. Kalaunan, mapalad akong maibuklod ang tatlo kong anak sa kani-kanilang asawa. Ang makita silang nakaluhod sa altar sa templo ay hindi malilimutan at magandang karanasan. Ngayon, pinalalaki ng aming mga anak ang kanilang mga anak sa ebanghelyo—tulad ng ginawa ng mga magulang ko sa aming magkakapatid at tulad ng pagsisikap namin ni Rosana na gawin ito sa kanila. Nakikita ko ang mga pagpapala ng ebanghelyo na nagpapatuloy magpakailanman sa aming pamilya!

Si Elder Soares kasama ang kanyang asawa at mga anak
Si Elder Soares kasama ang kanyang asawa, kanyang mga anak, at kanilang mga asawa.

Si Elder Soares kasama ang kanyang asawa, kanyang mga anak, at kanilang mga asawa

Ginagawa Itong Posible ng Tagapagligtas

Saanman ako magpunta para sa isang tungkulin sa Simbahan, sinisikap kong maghanap ng maliit na Nativity para bilhin at iuwi sa bahay. Nadarama namin ni Rosana na tumutulong ang mga Nativity na ito na iugnay kami sa Tagapagligtas. Ngayon ay marami na kaming koleksyon! Noong isang partikular na taon bago sumapit ang Pasko, inilagay namin ang lahat ng aming Nativity sa dalawang malalaking istante sa aming tahanan. Pagkatapos ng Pasko, nagpasiya kaming hayaan lang ito roon. Araw-araw ipinapaalala sa amin ng mga Nativity na iyon kung ano ang pinakamahalaga sa amin—ang Tagapagligtas, ang Kanyang ebanghelyo, at ang aming pamilya.

Si Elder Soares kasama ang kanyang koleksyon ng mga Nativity

Hinayaan ni Elder Soares na ipaalala sa kanya ng kanyang koleksyon ng mga Nativity ang Tagapagligtas sa buong taon.

Para sa atin, ang pamilya ang pinakamahalaga dahil “ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.” Ngunit kung wala si Jesucristo, hindi posible ang planong iyan. Ginagawang posible ng Kanyang Pagbabayad-sala at ng Kanyang ebanghelyo ang pangako na mga walang-hanggang pamilya.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa pamamagitan lamang ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo mapapadakila ang mga pamilya. Ang pinakadakilang layuning pinagsisikapan natin ay ang maging masaya tayo bilang pamilya—tumanggap ng endowment, mabuklod, at [maging] handa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.”

Sa ating panahon, itinuro ng mga propeta at apostol na “ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.” Anuman ang sitwasyon ng inyong pamilya, kapag ginawa ninyo ang lahat para sundin ang Panginoon, bibiyayaan Niya kayo ng lakas na humanap ng mga paraan para mapasigla ang pamilyang mayroon kayo ngayon at ang pamilyang mapapasainyo balang-araw. Tutulungan Niya kayong umunlad tungo sa maluwalhating posibilidad na mamuhay nang masaya balang-araw sa piling ng mga mahal sa buhay at sa piling Niya at ng ating Ama sa Langit magpakailanman.