Digital Lamang: Kumonekta
Jared R.
17, Moss, Norway
Mga larawang kuha ni Ashlee Larsen
Mahirap maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw dito sa Norway dahil iilan lamang ang mga miyembro. Maraming tao ang hindi relihiyoso. Iniisip ng ilan na kung may pera ka, hindi mo kailangan ng pananampalataya. Marami akong kaibigan na nagsimulang uminom o magdroga sa batang edad. Iyan, siyempre, ang nagpadama sa akin na naiiba ako sa ibang tao. Ngunit ang Anak ng Diyos ay naparito sa lupa upang tulungan tayo at ipakita sa atin ang daan na tatahakin.
Si Jesucristo ay isang halimbawa para sa atin, at tayo dapat ang maging repleksiyon Niya, na ginagawa ang mga bagay na gagawin Niya. Sinisikap kong tulungan ang mga tao hangga’t kaya ko. Lagi kong sinisikap na ipadama sa mga tao na tanggap sila, lalo na sa Simbahan. Sinisikap kong isali ang lahat. At nakikita ko na palagi akong pinagpapala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Oliver J.
17, Moss, Norway
Nagtatrabaho ako sa isang sakahan. Tinatabas ko ang damuhan, tumutulong sa pag-aalaga ng mga baka, gumagawa ng mga bakod, nagmamaneho ng mga traktora, nag-aalis ng mga damo, at tumutulong sa pag-aani. Sa tagsibol, pinupungusan namin ang mga puno at nagtatanim ng mga binhi. Sa taglamig, nagsisibak kami ng mga kahoy na panggatong.
Kapag may bago akong ginagawa, ayaw kong magkamali. Noong una akong sumakay sa traktora, natatakot akong imaneho ito dahil maaaring mamali ang napakaraming bagay. Sa taniman ng patatas ako nagmamaneho, naglalagay ng lupa sa tanim na patatas para hindi maging berde ang mga patatas at mapeste. Ngunit ang pagmamaneho sa ibabaw ng mga patatas ay madaling paraan din para masira ang mga ito—na para bang sinasagasaan mo ang mga patatas o inaararo ang mga ito. Bago ako nagsimula, tahimik akong nagdasal, at naging maayos ang lahat.
Sa unang taon ng pagtatrabaho ko sa bukid, kinikilala ko pa rin ang lahat. Lagi kaming nanananghalian kasama ang nanay at tatay ng boss ko. Siya ang nagluluto ng lahat ng pagkain at lahat ay dumarating at kumakain, at may kape rin sila. Tinanong nila ako, “Gusto mo ba ng kape?” Sabi ko, “Hindi po,” at itinanong nila, “Bakit?” Sabi ko, “Dahil po sa Simbahan ko, hindi kami umiinom ng kape.” At pagkatapos ay sinimulan nilang alamin pa at tanungin sa akin ang tungkol dito. Hindi pa nila narinig ang tungkol sa Simbahan. Kaya nagkaroon ako ng pagkakataong ikuwento sa kanila ang tungkol sa paniniwala ko. Tila nakakatakot na sandali iyon! Pero mas iginalang nila ako, palagay ko, pagkatapos niyon.