Mga Tinig ng mga Kabataan
Sikretong mga Santa Ninja
Larawang-guhit ni Katelyn Budge
Para sa pamilya ko, ang Pasko ay panahong puno ng kagalakan. Naaalala ko na may ginawa noon ang pamilya ko na tinawag naming Sikretong mga Santa Ninja. Ito ay isang simple pero nakakatuwang tradisyon. Una, naghahanda kami ng regalo at kard para sa isang taong nangangailangan. Pagkatapos ay pasikreto kaming pumupunta sa pintuan nila, inilalagay ito, pipindutin ang doorbell, at tatakbo palayo para hindi nila kami mahuli. Parang bahagi ito ng isang espesyal na misyon sa Pasko!
Talagang maganda ang pakiramdam namin na maging Sikretong mga Santa Ninja. Sa tuwina, nadarama ko ang masigla, at masayang pakiramdam na nagpapangiti sa akin, tulad ng kagalakan na bigla kong nadarama sa puso ko. Binago ng tradisyong ito ang pananaw ko sa Pasko.
Noong bata pa ako, akala ko ang Pasko ay halos tungkol sa mga regalo. Pero ngayon, itinuturing ko ito bilang panahon para paglingkuran ang iba at ibahagi ang pagmamahal ni Cristo. Ginagawa nating bahagi ng bawat Pasko ang paglilingkod, sa pagsisikap na tulungan ang maraming tao hangga’t maaari. Hindi ito palaging madali—kung minsan ang ibig sabihin nito ay paggising nang maaga para tulungan ang kapitbahay o pag-uukol ng oras sa Sabado ng hapon para linisin ang chapel. Pero palaging sulit ito. Ang gantimpala ay ang makitang nagpasalamat ang ibang tao, tumanggap ng mga pagpapala sa sarili kong buhay, at madama ang dalisay na kaligayahang nagmumula sa kaalamang nakagawa ako ng mabuti.
Kapag iniisip ko si Jesucristo, iniisip ko kung gaano Niya tayo kamahal at kung paano Niya ipinakita ang pagmamahal na iyon sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Ang Kanyang buhay ay nagbigay ng inspirasyon sa akin na maglingkod rin, at alam ko na kapag naglilingkod ako sa iba, naglilingkod rin ako sa Diyos. Ang Pasko ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay ng mga regalo; tungkol ito sa pagbibigay ng iyong sarili. Iyan ang itinuro sa akin ng Sikretong mga Santa Ninja, at iyan ang inaasam kong ipamuhay sa araw-araw.
Amelia S., 13, Skåne, Sweden
Mahilig magbasa ng mga aklat at mag-swimming.