Isang Tradisyon sa Pasko—Pagbabago
Tayo ay may magagawang kakaiba—at magiging iba—sa bawat Pasko at magiging lalong katulad ng Tagapagligtas.
Frederick Barnard sa pagbabahagi ng Getty Images
Para sa maraming tao, ang Kapaskuhan ay puno ng mga tradisyon—mga bagay na karaniwan nilang ginagawa taun-taon. Maaaring sinasabi pa ng ilan na hindi ito magiging Pasko maliban kung gawin nila ang ilang bagay. Ang mga indibiduwal, pamilya, bansa, at buong kultura ay may mga tradisyon sa Pasko.
Ang mabubuting tradisyon ay makapagbibigay sa atin ng kapanatagan at pagiging kabilang. Pero ang Pasko ay maaari—at dapat—na maging panahon din para pag-isipan kung ano ang hindi natin dapat uliting gawin sa ating buhay. Matutulungan tayo nitong magbago sa pamamagitan ni Jesucristo.
Isang Panahon ng Pagbabago
Noong 1843, isinulat ng British na awtor na si Charles Dickens ang kanyang klasikong kuwentong A Christmas Carol. Tungkol ito sa matandang lalaking nagngangalang Ebenezer Scrooge, na walang pinahahalagahang sinuman o anumang bagay maliban sa kanyang pera. Para maipakita kung gaano kamiserableng tao si Scrooge, inilarawan siya ni Dickens na tinutuya ang Pasko at ang sinumang gustong ipagdiwang ito. Pagkatapos, sa araw ng Pasko, dinalaw siya sa gabi ng mga espiritu na nagpakita sa kanya ng kanyang mga Pasko sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Ang mga pangitaing ito ay naging dahilan para pagnilayan niya ang kanyang buhay, ang kalagayan ng kanyang kaluluwa, gayundin ang pakikipag-ugnayan niya sa ibang tao. Nangako siya na magbabago—at ginawa nga niya ito. Ang nagbago at mas mabait na si Scrooge ay naging mas masaya at napagpala ang iba.
Minsan ay nagsalita si Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kuwentong ito at sinabing:
“Sa Paskong ito, marahil ay matatanggap natin—at maibibigay—ang mahahalagang kaloob ni Jesucristo na pagbabago at pagsisisi, pagpapatawad at paglimot, at pagbibigay ng mga kaloob na iyon sa ibang tao at sa ating sarili.
“Makipagkasundo tayo sa nangyari sa nakaraang taon. Alisin natin ang pagkabalisa at pagkabagabag, ang mga alitan at galit, na laganap sa ating buhay. Nawa’y ipagkaloob natin sa isa’t isa ang ating mga bagong posibilidad sa halip na magtuon sa mga limitasyon natin noon. Bigyan natin ang bagong Scrooge sa bawat isa sa atin ng pagkakataong magbago.
“Ang ating Tagapagligtas ay pumarito upang palayain ang mga bihag—at hindi lamang ang mga nasa bilangguan. Mapapalaya Niya tayo mula sa mga multo ng ating nakaraan, kakalagan tayo mula sa mga tanikala ng mga kasalanan natin at ng iba. Matutubos Niya tayo mula sa ating pagiging makasarili sa pamamagitan ng muling pagsilang sa Kanya.”
Focus on Joy [Magtuon sa Kagalakan], ni Michael Malm
Ano ang Maaari Kong Baguhin?
Hindi ka kailangang maging kasingsama ni Scrooge para hayaang baguhin ka ng Pasko upang maging mas mabuting tao ka. Kaya, paano magagawa ng bawat isa sa atin na magpanibago at magbago sa panahon ng Pasko? Narito ang ilang ideya na maaari mong simulang gawin:
-
Pumili ng isang katangian ng Tagapagligtas na pagtutuunan mo sa bawat Pasko. Maaari mong pag-aralan ang isang katangian ni Jesucristo sa Kapaskuhan at sikaping mas tularan ang Kanyang halimbawa. Para sa tulong, maaari mong tingnan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo, kabanata 6.
-
Magdagdag ng tradisyong nakasentro kay Cristo. Kung nadarama mo na ang pagdiriwang mo ng Pasko ay kailangang maging mas makabuluhan, subukang magdagdag ng tradisyon na tutulong sa iyo na mas magtuon kay Jesucristo. Hindi kailangang kumplikado ito. Maaari kang makinig sa musikang mas nakatuon kay Cristo, paglingkuran ang isang kapamilya, anyayahan ang mga kaibigan sa simbahan sa sacrament meeting sa Pasko, o gumawa ng Nativity craft project.
-
Baguhin nang kaunti ang isang tradisyon para mas gumanda pa ito. Para mas mapaganda pa nang kaunti ang iyong mga tradisyonal na aktibidad, maaari kang magsama ng bagong kakilala o magdagdag dito ng isang elemento na nakatuon kay Cristo.
-
Tanggihan ang isang tradisyon o paanyaya kung nahihirapan ka. Kung nadarama mo na puno na ng mga aktibidad ang iskedyul mo sa Disyembre at wala kang oras para isipin ang tungkol sa Tagapagligtas o mag-ukol ng oras sa mga mahal mo sa buhay sa paraang gusto mo, huwag manghinayang na alisin ang isang aktibidad.
Maaari ka ring maging katulad ng nagbagong si Scrooge: “Laging sinasabi tungkol sa kanya, na alam niya kung paano ipagdiwang nang masaya ang Pasko.” Maipagdiriwang mo nang masaya ang Pasko sa pagpili na mas mapalapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas sa ilang paraan bawat taon.