2025
Handang Patuloy na Umunlad
Nobyembre 2025 Kaibigan


“Handang Patuloy na Umunlad,” Kaibigan, Nobyembre 2025, 36–37.

Handang Patuloy na Umunlad

Ayaw iwanan ni Jewel ang kanyang mga kaibigan sa Primary!

Isang totoong kuwento mula sa Palau.

Umupo si Jewel sa bangko sa sacrament meeting kasama ang kanyang mga magulang at kapatid. Nagdrowing siya ng mga larawan ng mga kuwento sa banal na kasulatan. Sinikap niyang makinig sa tagapagsalita, pero kinakabahan siya!

Ngayon ang unang araw ng pagpunta ni Jewel sa klase ng Young Women sa halip na sa Primary. Ayaw niyang iwanan ang kanyang mga kaibigan sa Primary. Gustung-gusto niyang kumanta at magbasa ng mga banal na kasulatan kasama nila.

Pero si Jewel ay magiging 12 taong gulang na sa taong ito. Oras na para lumipat sa Young Women.

Pumikit si Jewel at tahimik na nagdasal. Ama sa Langit, tulungan po Ninyo akong magkaroon ng magandang klase sa Young Women.

Pagkatapos ng pangwakas na panalangin sa sacrament meeting, huminga nang malalim si Jewel at naglakad papunta sa silid-aralan. Naroon na ang mga nakatatandang batang babae. Apat sila. Sila ay nag-uusap at nagtatawanan.

“Hi po,” sabi ni Jewel.

Ngumiti sila. “Hi.”

Pumasok ang titser at malugod na binati si Jewel. Pagkatapos ay nagsimula na siya sa lesson.

Sa halos buong klase, dama ni Jewel na nag-iisa siya. Kinakabahan siyang magsalita dahil hindi pa niya kilala ang iba pang mga batang babae. Kailangan niyang dumalo sa Young Women sa mahabang panahon. Parang walang katapusan ito! Lagi ba siyang mamalulungkot dito?

Pagkatapos isang banayad na tinig ang nangusap sa kanyang isipan. Hindi ka habambuhay sa Young Women. Panahon na para magpatuloy ka at matuto pa ng tungkol sa pagiging disipulo ni Jesucristo.

Napanatag si Jewel sa mga salitang iyon. Nahiwatigan niya na tinutulungan siya ng Espiritu Santo. Kahit wala pa siyang maraming kaibigan sa Young Women, hindi siya nag-iisa. Kasama niya ang Espiritu Santo.

Pagkatapos ng klase, nakita ni Jewel ang kanyang pamilya.

“Kumusta ang klase sa Young Women?” tanong ni Inay.

Niyakap siya ni Jewel. “OK naman po. Nami-miss ko ang Primary, at hindi ko pa kilala ang mga batang babae. Pero nadama kong pinapanatag ako ng Espiritu Santo.”

Ngumiti si Inay. “Magandang marinig iyan! At baka sa susunod ay magiging mas maganda na.”

Tumango si Jewel. Umasa siyang tama si Inay.

Nang sumunod na klase niya sa Young Women, muling bumati ng “hi” si Jewel sa mga batang babae.

“Hi, Jewel,” sabi ng isa sa kanila. “Tabi tayo!”

Ngumiti si Jewel at naupo sa tabi ng batang babae. Ang pangalan niya ay Ellie. Marami silang napag-usapan bago nagsimula ang lesson. Mabait si Ellie at ipinadama nito sa kanya na kabilang siya.

Isang batang babae sa klase ng Young Women ang nagtaas ng kanyang kamay, dalawa pang batang babae ang nakatingin

Sa lesson, nagtanong ang titser kung mayroon sa kanila na naranasan na ang tulong ng Espiritu Santo.

Nagtaas ng kamay si Jewel. “Nadama kong tinulungan ako ng Espiritu Santo noong kinakabahan akong pumunta sa Young Women,” sabi niya. “Tinutulungan ako ng Espiritu Santo sa aking pag-unlad at kapag nahaharap ako sa mga hamon.”

Inisip ni Jewel kung paano siya pinanatag ng Espiritu Santo noong madama niyang nag-iisa siya. Masaya sa pakiramdam na ibahagi ang kanyang karanasan sa mga batang babae sa Young Women.

Pagkatapos niyang magbahagi, ilan pang batang babae ang nagbahagi rin. Gustong marinig ni Jewel ang sasabihin nila.

Kung minsan ay nami-miss pa rin ni Jewel ang Primary. Pero dahil sa Espiritu Santo, handa na siyang magpatuloy sa pag-unlad.

PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Liz Brizzi