2025
Kapayapaan sa Panalangin
Nobyembre 2025 Kaibigan


“Kapayapaan sa Panalangin,” Kaibigan, Nobyembre 2025, 30–31.

Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Kapayapaan sa Panalangin

Patuloy silang gagabayan ng Ama sa Langit.

Isang totoong kuwento mula sa USA noong 1844.

Isang batang pioneer na nakatingin sa hindi natapos na Nauvoo Temple

“Lakasan n’yo pa, Itay!” hiyaw ni Mary.

Tumawa si Itay at itinulak pa nang malakas ang duyan o swing. Ang duyan ay nakatali sa isang malaking puno na nakahilig sa Ilog Mississippi. Gustung-gusto ni Mary ang dampi ng hangin sa kanyang mukha at ang kiliti sa kanyang tiyan habang umuugoy nang paroo’t parito ang duyan sa ibabaw ng tubig.

“Ako naman!” sabi ni Elizabeth.

Lumundag si Mary mula sa duyan para makasakay ang kanyang kapatid.

Ang pamilya ni Mary ay nakatira sa Nauvoo. Sumapi ang kanyang mga magulang sa Simbahan ilang taon na ang nakalilipas, at ibinenta nila ang lahat ng ari-arian nila para lumipat doon at makasama ang iba pang mga Banal.

Napakaraming tao sa Nauvoo. Nagdadatingan araw-araw ang mga taong bagong lipat doon. Ang pagtatayo ng bagong lungsod ay nangangailangan ng matinding pagsisikap, at maging ang mga bata ay tumulong. Dama ni Mary na malaki na siya at mahalaga dahil nakakatulong siya. Kung minsan tumutulong siya sa pagdadala kay Itay ng pagkain habang nagtatrabaho ito sa bagong templo.

Pagsapit ng Linggo, isinusuot ni Mary ang pinakamaganda niyang damit at tinutulungan ang kanyang mga kapatid na maghandang magsimba. Lahat ay nagtitipon sa ilalim ng mga puno upang makinig sa pagtuturo ni Joseph Smith tungkol kay Jesucristo. Gustong malaman ni Mary kung paano nila muling makakapiling ang Ama sa Langit balang-araw. Ang Propeta ay nakakita at nakarinig ng napakaraming magagandang bagay.

Gayunman, hindi gusto ng ibang tao ang Propeta. Nakarinig si Mary ng mga kuwento tungkol sa mga taong gustong manakit sa kanya.

Isang gabi ng tag-init, tinulungan ni Mary si Inay sa paglilinis pagkatapos ng hapunan. Pagkatapos ay umuwi si Itay. May luha sa kanyang mga mata.

“Ano’ng nangyari?” tanong ni Inay.

“Si Propetang Joseph ay pinatay,” sabi ni Itay.

Nagsimula ring umiyak si Inay. “Paano magpapatuloy ang Simbahan kung wala siya?” tanong niya.

Nakadama ng matinding lungkot at takot si Mary. Alam niya na ang Propeta ay piniling tagapaglingkod ng Diyos. Paano ito hinayaang mangyari ng Ama sa Langit?

Batang babaeng pioneer na nakaluhod at nagdarasal sa labas

Nagsimula siyang umiyak at tumakbo palabas ng bahay papunta sa hardin. Matapos lumuhod malapit sa ilang palumpong, nagsimulang magdasal si Mary. “Ama sa Langit, ano po ang gagawin namin? Pinatay ang aming propeta.” Tumulo ang mga luha sa kanyang pisngi.

Pagkatapos ay isang banayad na tinig ang narinig ni Mary sa kanyang isipan. Magbabangon ako ng isa pang propeta para pamunuan ang aking mga tao.

Napuspos ng payapa at masayang damdamin ang kanyang puso. Pinahid niya ang luha sa kanyang mga mata at tumakbo pabalik sa bahay nang mabilis sa abot ng kanyang makakaya.

“Inay! Itay!” sabi ni Mary. “Nanalangin po ako, at sinagot ako ng Ama sa Langit.” Sinabi niya sa kanila ang tungkol sa tinig at payapang damdamin na nadama niya.

Habang yakap siya nina Inay at Itay, alam ni Mary na magiging maayos ang lahat. Malungkot pa rin siya, at alam niya na magiging mahirap ang mga darating na panahon. Pero patuloy silang gagabayan at tutulungan ng Ama sa Langit.

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Kristin Sorra