“Ang Pagpili ni Logan sa Ikapu,” Kaibigan, Nobyembre 2025, 8–9.
Ang Pagpili ni Logan sa Ikapu
“Handa ka bang sundin ang kautusan na magbayad ng ikapu?” tanong ni Inay.
Isang tunay na kuwento mula sa USA.
Noong limang taong gulang si Logan, inisip niya na ang ikapu ay hindi magandang ideya!
Sa home evening, naglagay si Inay ng 10 dolyar sa mesa. “Kunwari ay kumikita ka ng 10 dolyar.”
Napangiti si Logan. “OK!”
“Ang ikapu ay 10 porsiyento. Kaya magbibigay ka ng isang dolyar sa Simbahan ng Panginoon.” Kinuha ni Inay ang isang dolyar mula sa salansan ng pera.
Napakunot-noo si Logan. “Ibibigay po ang isang dolyar? Pero gusto kong sa akin lang ang lahat ng pera ko!”
“Siguro kapag malaki ka na, maiiba na ang madarama mo,” sabi ni Inay. “Biniyayaan tayo ng Ama sa Langit ng lahat ng bagay. Ang pagbabayad ng ikapu ay isang paraan na ipinapakita natin sa Diyos na mahal natin Siya at nagpapasalamat tayo sa Kanyang mga pagpapala.”
Noong anim na taong gulang si Logan, itinuro sa kanya ng kanyang mga titser sa Primary na ginagamit ang ikapu sa pagtatayo ng mga templo. Mahal ni Logan ang mga templo. Kaya siguro magandang ideya ang pagbabayad ng ikapu para sa ilang tao. Pero hindi para sa kanya.
Noong pitong taong gulang si Logan, napansin niya na nakangiti ang mga tao kapag ibinibigay nila ang kanilang mga sobre ng ikapu sa bishop. Talaga bang magpapasaya sa iyo ang pagbibigay ng pera mo?
Noong walong taong gulang siya, tinanong siya ni Inay, “Logan, bakit mo piniling magpabinyag?”
Madaling tanong iyon! “Para po sundin ang mga kautusan at sundin si Jesucristo,” sabi ni Logan.
“Kung gayon, handa ka bang sundin ang kautusan na magbayad ng ikapu?” tanong ni Inay. “Nasa sa iyo ‘yan.”
Nalungkot si Logan. Hindi madaling tanong iyon. Ayaw pa rin niyang ibigay ang kanyang pera. Pero talagang gusto niyang sundin ang mga kautusan. Naisip ni Logan ang mga templo at ang mga taong nakangiti na nagbayad ng ikapu. Pagkatapos ay huminga siya nang malalim at sinabing, “Opo.”
“Mabuting desisyon ‘yan!” sabi ni Inay.
Mas gumanda ang pakiramdam ni Logan. “Alam ko pong mas mahalaga ang pagsunod sa mga kautusan kaysa sarilinin ko lang po ang lahat ng pera ko.”
Noong Linggo, nang iabot niya ang kanyang unang sobre ng ikapu sa bishop, natanto ni Logan na nakangiti siya. Masaya siya! Hindi pa rin niya nauunawaan ang lahat tungkol sa ikapu. Pero mahal niya ang Diyos, at alam niya na pagpapalain siya ng Diyos sa pagsunod sa mga kautusan.
Mga larawang-guhit ni Shawna J. C. Tenney