“Ang Huling Bola-bola,” Kaibigan, Nobyembre 2025, 18–19.
Ang Huling Bola-bola
Ang daya! Walang nagbabahagi kay Alex!
Isang tunay na kuwento mula sa USA.
Padabog na bumaba si Alex sa hagdan at bumuntong-hininga.
Iniangat ni Inay ang ulo niya mula sa binabasang aklat. “Ano’ng nangyari?”
“Wala pong nagsi-share sa akin!” sabi ni Alex. “Ayaw ko na pong maging middle child.” Laging nakukuha ng mga kapatid ni Alex ang gusto nila. Hindi talaga patas.
“Sigurado ako na kung makikiusap ka nang maayos, pagbibigyan ka ng mga kapatid mo,” sabi ni Inay.
Sumimangot si Alex. “Nakiusap naman po ako nang maayos!”
“Subukan mo kayang mag-set ng timer? Sa ganyang paraan pantay ang oras ninyo sa paglalaro.”
“Nag-set na po ako ng timer!” sabi ni Alex. “Pero siguro po magse-set ako ng dalawang timer para maging sobrang sigurado.” Kinuha niya ang ekstrang timer mula sa counter ng kusina at umakyat sa hagdan. Ang kanyang bunsong kapatid na si David ay naglalaro sa TV.
“Sabi ni Inay, kailangan mong mag-share,” sabi ni Alex. Itinakda niya ang timer nang limang minuto. “Kapag tumunog ito, ako naman.”
Kinabukasan, nang gustong maglaro ni Alex at ng kanyang kuya na si Jake, nag-set sila ng timer nang eksaktong 30 minuto bawat isa. Nang parehong naglalaro ng blocks sina David at Jake, hinati nila nang pantay ang blocks. At nang parehong gusto nina David at Alex ang huling chocolate chip cookie, maingat nila itong hinati sa dalawa. Sa wakas ay nagsimula nang maging patas ang mga bagay-bagay.
Pero nang maghahapunan na …
Nang gabing iyon, spaghetti at bola-bola ang pagkain nila! Sinimulang maglagay ni Jake ng pasta sa kanyang pinggan bago pa makakuha si Alex ng kutsara.
“Oy, ang daya,” sabi ni Alex. “Gutom rin ako!”
Inakbayan siya ni Itay. “Alex, maraming pagkain para sa lahat. Tingnan mo, sasandukan kita ng kasingdami ng kay Jake.” Naglagay si Itay ng pasta sa pinggan ni Alex.
Matapos basbasan ang pagkain, kumain na ang lahat. Nang matapos ni Alex ang kanyang pagkain, gutom pa rin siya. Tiningnan niya ang kaldero sa gitna ng mesa. May isang huling bola-bola sa ibabaw ng pasta. Kinuha niya ito at inilagay sa kanyang pinggan.
“Ang daya!” sabi ni David. “Iyan na ang huli.”
Itinuro ni Jake ang bola-bola na nakatusok sa kanyang tinidor. “Gusto ko rin niyan. Hatiin natin.”
“Hatiin?” sabi ni Alex. “Para sa ating tatlo? Pero napakaliit nito.”
Tumango sina Jake at David. “Dapat patas.”
Kinuha ni Jake ang pinggan ni Alex at nagsimulang maingat na hatiin ang bola-bola sa tatlo. Nakamasid si Alex habang paliit nang paliit ang bola-bola.
Tumawa si Inay. “Ang liit na lang!”
Tumawa rin si Itay. “Hindi palaging kailangang maging eksaktong patas,” sabi niya. “Siguro subukan nating maging mas mabuti sa pag-share ng mga bagay na mayroon tayo sa halip na hatiin ang lahat ng bagay.”
Tiningnan ni Alex ang maliliit na piraso ng bola-bola. Medyo kahangalan nga iyon. Talaga bang papansinin pa niya ang bola-bolang iyon? Siguro kailangan niyang matutong mas magbahagi pa.
Kinabukasan, nang parehong gusto nina Jake at Alex na maglaro ng blocks, nagpasiya silang bumuo ng isang bagay nang magkasama. Nang nasa labas sina David at Jake, hinayaan sila ni Alex na maghalinhinan sa pagsakay sa kanyang bisikleta. At kapag gustong maglaro ng lahat sa TV, hindi na nagse-set ng timer si Alex. Ang pagbabahagi at pagiging mabait ay talagang mas maganda sa pakiramdam kaysa sa pagiging patas sa lahat ng bagay.
Noong gabing iyon, nang parehong gusto nina Jake at Alex ang huling tinapay sa hapunan, sinabi ni Alex kay Jake na kunin na niya ang buong tinapay.
“Salamat!” pagkindat ni Jake. “Sigurado ka ba na ayaw mong hatiin ito sa tatlo?”
Tumawa sina David at Alex. “Oo, sigurado!”
Larawang-guhit ni Alyssa Petersen