2025
Pagbisita kay Lolong Hari
Nobyembre 2025 Kaibigan


“Pagbisita kay Lolong Hari,” Kaibigan, Nobyembre 2025, 20–21.

Pagbisita kay Lolong Hari

Isinalaysay ni Lolo kay Gift ang mga kuwento tungkol sa kanyang mga ninuno.

Isang totoong kuwento mula sa Nigeria.

Yakap ng batang babae ang kanyang lolo sa ilalim ng isang puno at makikita ang buwan sa kalangitan

Dumukwang si Gift sa gilid ng bangka at minasdan nang may pagkamangha ang tubig na humahampas sa mga gilid nito. Inabot niya ang mga alon, at banayad na tumalamsik ang tubig sa kanyang mga bisig. Ito ang paborito niyang paglalakbay. Siya at ang kanyang pamilya ay papunta sa nayon ni Lolo, at sa bawat sandali, papalapit na siya sa isang mundong mas natural at malaya kaysa sa lungsod na nilisan niya.

Sa lungsod, si Gift ay karaniwan. Isa siya sa milyun-milyong tao. Kung minsan maganda iyon—ang maging totoo lang sa sarili, nang walang masyadong nakikialam kung ano ang pipiliin niyang isuot o gawin. Pero iba sa nayon ng kanyang lolo. Doon, natatangi si Gift. Isa siyang prinsesa—ang apo ng isang matalinong hari.

Pagkaraan ng dalawang oras, dumaong na ang bangka. Ang pinakamahabang bahagi ng paglalakbay ay mangyayari pa lang: anim na oras na pagsakay ng bus. Alam niya na mapapagod siya, pero hindi magtatagal ay makakasama niyang muli ang kanyang lolo. Dahil diyan sulit ang lahat ng ito.

Mauga ang bus dahil sa lubak-lubak na kalsada. Sinubukang libangin ni Gift ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtingin sa mga hugis ng ulap na nakikita niya mula sa bintana at pagmamasid sa magandang lupain. Papalubog na ang araw nang tumigil ang bus. Sa wakas! Lolo! Tumalon si Gift mula sa bus at tumakbo papasok sa village house.

Hinanap niya sa loob si Lolo. Naghanap siya sa loob na patyo, kung saan nagtago ng mga kambing ang kanyang ina noong bata pa ito. Naghanap siya sa mga kuwarto, kung saan sa gabi ay kailangan niyang isara ang mga bintana upang hindi makapasok ang mga lamok. Naghanap siya sa bakuran sa likod ng bahay, kung saan ay isinuot niya ang mga damit na para sa maharlika—matitingkad na bandana at koronang papel—para dumalo sa konseho ng nayon.

Doon, nakita ni Gift na payapang nakaupo si Lolo sa isang bangko, kung saan tanaw ang hardin ng pamilya. Ngumiti si Gift.

“Lolo!” tawag niya.

Tumayo si Lolo at iniunat ang kanyang mga braso. “Mahal kong apo,” bulong niya habang niyayakap siya. “Umupo ka at magpahingang kasama ko.”

“Na-miss ko po kayo,” sabi ni Gift.

“Mas na-miss kita. Masaya ako na narito ka.” Tumigil sandali si Lolo at pagkatapos ay nagtanong, “Alam mo ba kung gaano kaespesyal ang hardin na ito?”

Umiling si Gift.

Itinuro ni Lolo ang puno sa harapan nila. “Ito ang puno ng pamilya,” sabi niya. Napansin ni Gift na mukhang matanda at matibay ito.

“Ang mga tiles sa lupa sa paligid ng puno ay may mga pangalan ng ating mga ninuno. Kailangan nating laging alalahanin ang ating pamilya.”

Hindi kilala ni Gift ang marami sa mga pangalan na nasa tiles. Paano niya maaalala ang isang taong hindi niya kilala? “Kuwentuhan po ninyo ako tungkol sa kanila, Lolo,” sabi ni Gift.

Isa-isang binasa ni Lolo ang mga pangalan at isinalaysay kay Gift ang mga kuwento tungkol sa kanyang mga ninuno. Habang nagsasalita si Lolo, natanto ni Gift na sa ilang paraan, ang mga kuwentong ito ay naglalarawan din ng tungkol sa kanya. Marami siyang pagkakatulad sa mga kapamilyang ito na hindi niya kailanman nakilala.

Sa sandaling iyon, naunawaan ni Gift ang isang bagay na mahalaga. Hindi lamang ang mga alon at lupain ang nagpadama sa kanya na malaya siya rito. Iyon ay ang ugnayan niya sa kanyang pamilya na nadama niya sa nayon na ito kasama si Lolo.

Maraming ikinuwento si Lolo hanggang sa naiba na ang posisyon ng mga bituin sa kalangitan.

Sa huli, bumuntong-hininga si Lolo. “Pumasok na tayo sa loob.”

“Sandali po,” sabi ni Gift.

Naglakad si Gift papunta sa puno at marahang hinipo ang balat nito. Pagkatapos ay tiningnan niya ang tiles sa lupa, na inaalala ang kuwento ng bawat ninuno. Balang-araw, pupunta siya sa templo at magsasagawa ng mga sagradong ordenansa para sa kanila. Dahil sa kanila, narito siya ngayon. Gagawin niya ang kanyang tungkulin para ibalik ang regalong ibinigay nila sa kanya.

Iniabot ni Lolo ang kanyang kamay, at hinawakan ito ni Gift. Sa huling paglingon sa puno ng pamilya, pumasok na sa loob si Gift, kung saan marami pa sa kanyang kapamilya ang naghihintay para batiin siya.

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Audrey Day