Mga Kurso Tungkol sa Ebanghelyo
Pagsasanay ng Kasanayan 10: Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip


Pagsasanay ng Kasanayan 10

Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip

babaeng nakangiti

Ang ating mga iniisip ay maaaring magkaroon ng malakas na epekto sa atin, mabuti man o masama. Ang pagkakaroon ng mabubuting paraan ng pag-iisip ay maaaring magpabuti sa ating pananaw sa buhay at sa ating kakayahan na gawin ang gawain ng Panginoon.

Lider ng talakayan: Sikaping gawing maikli ang mga bahaging “Ipaliwanag” at “Ipakita” upang magkaroon ng maraming oras ang mga mag-aaral para magsanay.

Ipaliwanag

Lider ng talakayan: Ipakilala ang paksa para sa kasanayan na ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga sumusunod. Maaari din ninyong sama-samang pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 6:36. Sabihin sa mga mag-aaral na ibahagi kung paano makakaapekto sa kanilang buhay ang pagsunod sa payo ng Panginoon sa talatang ito.

Naiimpluwensyahan ng ating mga iniisip ang ating nadarama at ginagawa (tingnan sa Mga Kawikaan 23:7). Ang mga negatibong kaisipan ay maaaring humantong sa panghihina ng loob, pag-aalinlangan sa sarili, takot, galit, at pakiramdam ng kawalan ng pag-asa. Ang mga positibong kaisipan ay maaaring humantong sa optimismo, tiwala, at pag-asa.

Ang isang paraan na maaari tayong magkaroon ng mabubuting paraan ng pag-iisip ay ang pagtatala ng ating mga negatibong kaisipan at baguhin ang mga ito para:

  • Magpahiwatig ng pag-asa.

  • Magpahiwatig ng katotohanan.

  • Magpahiwatig ng pananampalataya kay Jesucristo.

Lider ng talakayan: Isiping isulat sa pisara ang tatlong tuntunin na ito.

Ipakita

Lider ng talakayan: Ipakita ang kasanayang ito sa pamamagitan ng pagpapakita at pagtalakay sa ilan sa sumusunod na mga halimbawa na hango sa “Pagbabago ng Negatibong Pag-iisip” sa Pag-adjust sa Buhay-Missionary ([2013], 21). Maaari mong sabihan ang ilang miyembro ng klase na basahin nang malakas ang bawat halimbawa sa klase.

Mga negatibong saloobin ko

Ang bago kong iisipin para magkaroon ng mabuting paraan ng pag-iisip

Ayokong gumising nang maaga.

Hindi ko kailangang gustuhin ito. Sa palagay ko magagawa ko ito. Kapag bumangon na ako at kumilos, malamang na bubuti ang pakiramdam ko. Maaari akong manalangin para humingi ng tulong ng Diyos.

Hindi ko matatapos ang araw na ito.

Nakakaraos ako sa araw-araw kahit paano, at makakaraos din ako sa araw na ito. Ang dapat ko lang gawin ngayon ay ang gawaing nasa harapan ko, nang paisa-isa. Kapag umasa ako sa Tagapagligtas, tutulungan Niya akong makayanan ang araw na ito.

Hindi naging maayos ang lesson na ito.

May ilang lesson na naituturo nang mas mabuti kaysa iba. Mabuti na gusto kong mas humusay pa. Alam kong tatanggapin ng Diyos ang lahat ng makakaya ko. Baka matulungan akong bumuti ng kompanyon ko.

Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na ibahagi kung paano nila nakita na ginamit ang tatlong tuntunin na iyon sa mga halimbawang ito. Maaari din ninyong talakayin ang mga tanong na tulad ng sumusunod:

  • Ano ang pinakanapansin mo sa mga halimbawang ito?

  • Paano makakaapekto sa buhay mo ang pag-iisip nito?

Magsanay

Lider ng talakayan: Bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na mapraktis ang kasanayang ito kasama ang isang kapartner. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin:

Baguhin ang sumusunod na mga negatibong kaisipan sa mga pahayag na mas nagpapahiwatig ng pag-asa, katotohanan, at pananampalataya kay Jesucristo:

  • “Ang lahat ng tao ay mas magaling sa ganito kaysa sa akin. Hindi ako kabilang dito.”

  • “Hindi ko kayang makipag-usap sa isang taong hindi ko kilala. Sobrang nakakatakot ito!”

  • “Lagi na lang akong hindi organisado.”

Lider ng talakayan: Sabihin sa ilang miyembro ng klase na ibahagi kung paano nila binago ang isa sa mga negatibong kaisipan. Para makapagpraktis pa, isiping anyayahan ang mga mag-aaral na isulat ang ilang negatibong kaisipan na naisip nila noon. Bigyan sila ng oras na magpraktis na baguhin ang mga kaisipang ito para magpahiwatig na pag-asa, katotohanan, at pananampalataya.

Ipamuhay

Lider ng talakayan: Ibahagi ang mga sumusunod upang matulungan ang mga mag-aaral na magamit ang kasanayang ito:

Sa susunod na pitong araw, maglaan ng oras para isulat ang ilan sa mga negatibong kaisipan na mayroon ka. Pagkatapos ay baguhin ang mga ito upang magpahiwatig ng pag-asa at katotohanan at maipakita ang iyong pananampalataya kay Jesucristo. Bigyang-pansin kung paano nakakaapekto sa iyo ang praktis na ito.