Mga Kurso Tungkol sa Ebanghelyo
Pagsasanay ng Kasanayan 1: Ipakilala ang Aklat ni Mormon sa mga Tao


Pagsasanay ng Kasanayan 1

Ipakilala ang Aklat ni Mormon sa mga Tao

mga sister na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Ibinigay sa atin ng Panginoon ang Aklat ni Mormon para tulungan tayo sa ating pagbabalik-loob. Ang aktibidad na ito ay tutulong sa mga mag-aaral na magsanay na ibahagi sa ibang tao ang isang maikling paliwanag tungkol sa Aklat ni Mormon.

Lider ng talakayan: Sikaping gawing maikli ang mga bahaging “Ipaliwanag” at “Ipakita” upang magkaroon ng maraming oras ang mga mag-aaral para magsanay.

Ipaliwanag

Lider ng talakayan: Ipakilala ang paksa para sa pagsasanay na ito ng kasanayan sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng mga sumusunod:

“Ang Aklat ni Mormon, kasama ang Espiritu, ang pinakamabisa mong kasangkapan sa pagbabalik-loob” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2023], 129). Bilang missionary, magkakaroon ka ng maraming pagkakataong ipakilala sa mga tao ang Aklat ni Mormon.

Isipin na may kaibigan kang nagtatanong sa iyo ng, “Ano ang Aklat ni Mormon?”

  • Kung mayroon ka lamang isa o dalawang minuto para sumagot, ano kaya ang ilan sa pinakamahahalagang bagay na dapat maunawaan niya?

Lider ng talakayan: Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa nakaraang tanong. Ipaliwanag na kapag ipinakilala sa mga tao ang Aklat ni Mormon, makatutulong na pagtuunan ang pinakamahalaga. Ang mga simpleng bagay na maaari nating pagtuunan ay matatagpuan sa ilalim ng heading na “Unang Pagtuturo ng Aklat ni Mormon sa mga Tao” sa “Lesson 1—Ang Mensahe ng Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 3, 49–50). Sabihin sa mga miyembro ng klase na hanapin ang heading na ito. Pagkatapos ay ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin:

Basahin ang “Unang Pagtuturo ng Aklat ni Mormon sa mga Tao” sa kahon na “Mga Tulong sa Pagtuturo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 49–50). Maghanap ng mga bagay na makatutulong na pagtuunan ng pansin kapag ipinakikilala ang Aklat ni Mormon sa mga tao.

Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na ibahagi ang nahanap nila. Kung kinakailangan, maaari mong i-update ang listahang ginawa mo kanina sa pisara.

Ipakita

Lider ng talakayan: Magpakita ng halimbawa kung paano ipakikila sa ibang tao ang Aklat ni Mormon. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagpapakilala ng Aklat ni Mormon sa klase, o maaari mong papuntahin sa harapan ang isang miyembro ng klase para makapag-role play kayo na ipinakikilala mo sa kanya ang aklat.

Ang isang alternatibong opsiyon ay ang ipalabas ang “What is the Book of Mormon? A 60-Second Overview” (1:08) o “What is the Book of Mormon about?” (1:53). Ang mga video na ito ay makukuha sa ChurchofJesusChrist.org. Ang mga miyembro ng klase ay maaaring maghanap ng mga ideya na maaari nilang isama sa kanilang sariling mga pagpapakilala.

Magsanay

Lider ng talakayan: Ibahagi ang sumusunod na mga tagubilin. Bigyan ang mga mag-aaral ng oras para maghanda at magsanay.

Maghandang ipakilala ang Aklat ni Mormon sa isang tao sa pamamagitan ng paggawa ng mga sumusunod:

  1. Isulat ang mahahalagang bagay na maaari mong ibahagi, kabilang na kung tungkol saan ang Aklat ni Mormon at kung paano ito nakaimpluwensya sa iyong sariling buhay.

  2. Kasama ang isang kapartner, mag-ukol ng mga 1–2 minuto bawat isa at magsalitan sa pagpapakilala ng Aklat ni Mormon sa isa’t isa.

Lider ng talakayan: Matapos magpraktis ang mga miyembro ng klase, maaari mong sabihin sa kanila na alamin kung anong mga pagbabago ang magagawa nila sa paraan ng pagpapakilala nila ng Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay maaari mo silang bigyan ng bagong kapartner at sabihan silang muling magpraktis.

Ipamuhay

Lider ng talakayan: Magbigay ng paanyaya na tulad ng sumusunod upang matulungan ang mga mag-aaral na magamit ang kasanayang ito:

Maghanap ng pagkakataong maipakilala ang Aklat ni Mormon sa isang tao sa susunod na isa o dalawang araw. Maaaring ito ay isang taong kasalukuyang hindi pamilyar sa aklat, o maaari kang magpraktis sa isang kaibigan o kapamilya.