Mga Kurso Tungkol sa Ebanghelyo
Lesson 8: Hangarin at Umasa sa Espiritu


Lesson 8

Hangarin at Umasa sa Espiritu

Mangaral ng Aking Ebanghelyo, Kabanata 4

ang Liahona

“Ang kaloob na Espiritu Santo ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo, [2023], 115). Ang Espiritu ay nagpapatotoo kay Jesucristo at sa katotohanan ng ebanghelyo. Ang mga tao ay nagbalik-loob kay Cristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kapag hinahangad at umaasa ang mga missionary sa Espiritu Santo, makatutulong sila na madala ang Kanyang impluwensya sa buhay ng mga tinuturuan nila.

Magrebyu at Mag-follow Up

Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na isipin ang kanilang mga pagsisikap kamakailan na ipamuhay ang kanilang natututuhan sa klaseng ito. Maaari mo silang anyayahan na ibahagi ang ilan sa kanilang mga pagsisikap sa isang kapartner o sa buong klase.

Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Lider ng talakayan: Mapanalanging piliin ang (mga) opsiyon sa pag-aaral na pinakamainam para sa iyong klase. Siguraduhing maglaan ng maraming oras para sa pagsasanay at pagsasabuhay.

Opsiyon A: Ano ang papel na ginagampanan ng Espiritu Santo sa gawaing misyonero?

Mag-aral

Lider ng talakayan: Isiping simulan ang aktibidad na ito sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagtalakay sa sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith.

Ang Propetang si Joseph Smith

Dapat ipangaral ng lahat ang Ebanghelyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan at impluwensya ng Espiritu Santo; at hindi maipangangaral ninuman ang Ebanghelyo kung wala ang Espiritu Santo. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 389)

  • Sa palagay mo, bakit napakahalaga ng papel ng Espiritu Santo sa pangangaral ng ebanghelyo ni Jesucristo?

Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na hanapin ang kabanata 4 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipaliwanag na inilalarawan sa kabanatang ito ang mga paraan na matutulungan tayo ng Espiritu Santo, kapwa sa gawaing misyonero at sa ating personal na buhay. Ibahagi ang sumusunod na mga tagubilin para matulungan ang mga miyembro ng klase na simulan ang kanilang pag-aaral ng kabanatang ito.

  1. Pag-aralan ang mga talata sa ilalim ng heading na “Hangarin ang Patnubay ng Espiritu Santo” at “Ang Kapangyarihan ng Espiritu sa Pagbabalik-loob” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 115–16; 118).

  2. Pag-aralan ang hindi bababa sa dalawa sa mga scripture passage na nakalista sa kahon na “Pag-aaral ng Banal na Kasulatan” sa ilalim ng pamagat na “Ang Kapangyarihan ng Espiritu sa Pagbabalik-loob” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 119).

  3. Batay sa natutuhan mo, maghanda na ibahagi ang iyong mga sagot sa sumusunod na mga tanong:

    • Paano ako matutulungan ng Espiritu Santo na ipangaral ang ebanghelyo ng Tagapagligtas?

    • Ano ang papel na ginagampanan ng Espiritu Santo sa pagtulong sa mga tao na lumapit kay Cristo?

    • Ano ang magagawa ko para maanyayahan ang Espiritu sa pagbabahagi ko ng ebanghelyo ni Jesucristo?

Lider ng talakayan: Kung may oras pa, maaari mong ipalabas ang video na “The Role of the Holy Ghost in Conversion” (ChurchofJesusChrist.org; panoorin mula time code 0:00 hanggang 4:05). Ang mga miyembro ng klase ay maaaring maghanap ng karagdagang sagot sa tatlong tanong.

Magsanay

Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga kalahok na turuan ang isang kapartner o maliit na grupo tungkol sa natutuhan nila mula sa nakaraang aktibidad sa pag-aaral. Isiping ipakita ang sumusunod na mga tagubilin para magabayan sila sa kanilang pagbabahagi:

  1. Ibahagi ang iyong mga sagot sa tatlong tanong mula sa nakaraang aktibidad sa pag-aaral:

    1. Paano ako matutulungan ng Espiritu Santo na ipangaral ang ebanghelyo ng Tagapagligtas?

    2. Ano ang papel na ginagampanan ng Espiritu Santo sa pagtulong sa mga tao na lumapit kay Cristo?

    3. Ano ang magagawa ko para maanyayahan ang Espiritu sa pagbabahagi ko ng ebanghelyo ni Jesucristo?

  2. Ibahagi ang isang talata sa banal na kasulatan na natagpuan mo. Ipaliwanag kung paano nauugnay ang talatang iyon sa isa sa tatlong tanong na tinalakay kanina.

  3. Magbahagi ng isang personal na karanasan o patotoo tungkol sa kung paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo.

Magtakda ng mithiin

Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:

Magtakda ng mithiin na nauugnay sa iyong napag-aralan. Gumamit ng mga ideyang tulad ng sumusunod, o mag-isip ng sarili mo.

  • Gamit ang mga tool sa pag-aaral tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, pag-aralan pa ang iba’t ibang tungkulin ng Espiritu Santo. Isipin kung paano ka matutulungan ng Espiritu Santo ngayon at bilang missionary.

  • Alamin kung anong mga pagbabago ang magagawa mo para mas regular mong maanyaya ang Espiritu Santo sa iyong buhay.

Ang aking mithiin
  • Ako ay … (ang gagawin mo).

  • Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).

Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay mayroong grupo kung saan ibinabahagi nila ang kanilang mga mithiin sa kabuuan ng kurso, bigyan sila ng oras para ibahagi kung paano nila susuportahan o papaalalahanan ang isa’t isa bago magsimula ang susunod na klase.

Opsiyon B: Paano ko makikilala ang mga pahiwatig ng Espiritu?

Mag-aral

Lider ng talakayan: Anyayahan ang mga kalahok na talakayin ang sumusunod na sitwasyon sa isang kapartner.

Isipin na may nagtanong sa iyo kung paano malalaman ang pagkakaiba ng mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo at ng sarili mong mga iniisip at nadarama.

  • Paano ka sasagot?

Lider ng talakayan: Ipaliwanag na karaniwan sa mga tao na magkaroon ng mga tanong tungkol sa kung ano ang pakiramdam na matanggap ang pahiwatig ng Espiritu Santo. Maaari mong anyayahan ang mga mag-aaral na pag-isipan ang ilan sa kanilang sariling mga tanong. Hikayatin sila na habang sila ay nag-aaral ay hanapin nila ang mga katotohanang makatutulong sa kanila na makilala ang mga paraan kung paano nakikipag-ugnayan sa kanila ang Espiritu Santo.

Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin upang magabayan ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral. Maaari mong i-assign ang kalahati ng klase para pag-aralan ang opsiyon 1, at ang kalahati naman ay pag-aralan ang opsiyon 2.

Pumili ng isa sa sumusunod na mga opsiyon sa pag-aaral mula sa kabanata 4 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo para mapalalim ang iyong pag-unawa tungkol sa pagkilala sa Espiritu Santo:

  1. Pag-aralan ang “Matutong Tukuyin ang mga Pahiwatig ng Espiritu” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 121–22).

  2. Basahin ang mga paglalarawan sa Espiritu Santo sa kahon na “Personal na Pag-aaral” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 122–23). Pag-aralan ang ilan sa mga nakalistang scipture passage na nakaagaw ng iyong atensyon.

Lider ng talakayan: Matapos magkaroon ng oras ang mga miyembro ng klase na mag-aral, anyayahan silang talakayin ang sumusunod na mga tanong sa isang kapartner. (Kung ang mga mag-aaral ay in-assign na pag-aralan ang isang opisyon, tiyaking kapartner nila ang kaklaseng pinag-aralan din ang opsiyon ding iyon.)

  • Ano ang mga natutuhan mo tungkol sa kung paano nakikipag-ugnayan sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo?

  • Aling mga halimbawa ang sa palagay mo ay naglalarawan sa iyong mga personal na karanasan sa Espiritu Santo?

Lider ng talakayan: Kung may oras pa, maaari mo ring ipalabas ang video na “Elder and Sister Bednar—Recognizing the Spirit” (ChurchofJesusChrist.org; panoorin mula sa time code 0:38 hanggang 3:11). Anyayahan ang mga kalahok na talakayin ang karagdagang mga kaalamang natanggap nila.

Magsanay

Lider ng talakayan: Ipaliwanag na may ilang bagay na dapat maging maingat tayo kapag pinag-aaral natin kung paano magabayan ng Espiritu Santo. Sabihin sa mga mag-aaral na hanapin ang bahaging “Ilang Mahahalagang Babala” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 124–25).

Ipakita ang sumusunod na mga sitwasyon o i-print ang mga ito para sa mga miyembro ng klase. Para sa bawat sitwasyon, anyayahan ang mga mag-aaral na magbahagi ng mga babala mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo na sa palagay nila ay makatutulong na pag-isipan. Ang aktibidad na ito ay maaaring gawin ng buong klase o sa maliliit na grupo.

  1. Ang isang tao ay naghahanap ng patnubay at direksyon para sa isang bagay na mahalaga sa kanya. Nagdasal siya at hiniling sa Ama sa Langit na magbigay ng sagot bago matapos ang linggo.

  2. Napansin mo na kapag nadarama nila ang Espiritu, ang ibang mga tao ay nagiging mas emosyonal kaysa sa iyo. Iniisip mo kung baka may mali sa iyo.

  3. Pakiramdam ng isang tao ay tumanggap siya ng patnubay mula sa Espiritu na gumawa ng isang bagay na salungat sa mga turo ng mga propeta at apostol.

  4. Isang binata at dalaga ang seryosong nagde-date. Isang araw, sinabi ng binata sa dalaga, “Nakatanggap ako ng inspirasyon na dapat mo akong pakasalan.”

  5. Ang isang tao ay natanggap sa dalawang magkaibang unibersidad. Sa kabila ng pag-aayuno at panalangin, hindi niya nadarama na sinasabi sa kanila ng Panginoon kung saang paaralan siya papasok.

Magtakda ng mithiin

Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:

Magtakda ng mithiin na nauugnay sa iyong napag-aralan. Gumamit ng mga ideyang tulad ng sumusunod, o mag-isip ng sarili mo.

  • Sa susunod na ilang araw, pansining mabuti ang iba-ibang paraan na nadarama mong ginagabayan ka ng Espiritu o kung paano mo nararanasan ang mga bunga ng Espiritu (tingnan sa Galacia 5:22–23). Itala ang iyong mga karanasan.

  • Pag-aralan ang bawat scripture passage sa kahon na “Personal na Pag-aaral” sa pahina 122 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Itala ang mga kaalamang natanggap mo tungkol sa kung paano madarama at makikilala ang Espiritu.

Ang aking mithiin
  • Ako ay … (ang gagawin mo).

  • Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).

Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay mayroong grupo kung saan ibinabahagi nila ang kanilang mga mithiin sa kabuuan ng kurso, bigyan sila ng oras para ibahagi kung paano nila susuportahan o papaalalahanan ang isa’t isa bago magsimula ang susunod na klase.

Opsiyon C: Paano ako mas makakaasa sa Espiritu?

Mag-aral

Lider ng talakayan: Talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson at ang kalakip na tanong.

Pangulong Russell M. Nelson

Mahal kong mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw. (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96)

  • Sa palagay mo, bakit mahalagang makatanggap palagi ng patnubay at paghahayag mula sa Espiritu Santo?

Lider ng talakayan: Sabihin sa mga miyembro ng klase na isipin kung gaano kadalas nila nadarama na ginagabayan sila ng Espiritu Santo. Hikayatin sila na habang sila ay nag-aaral ay hanapin nila ang mga turo na makatutulong sa kanila na matanggap nang mas madalas ang patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu.

Sabihin sa mga mag-aaral na hanapin ang kabanata 4 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkatapos ay ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin:

Basahin ang bahaging may pamagat na “Umasa sa Espiritu” sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 123). Hanapin ang mga dahilan kung bakit mahalagang makasama ang Espiritu habang ginagawa mo ang gawain ng Panginoon.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa kung bakit mahalagang umasa sa Espiritu Santo?

  • Ano ang makakahadlang sa lubos nating pag-asa sa Espiritu?

  • Ano ang nakatulong sa iyo na higit na madama ang impluwensya ng Espiritu sa iyong buhay?

Magsanay

Lider ng talakayan: Para matulungan ang mga mag-aaral na makita ang mga halimbawa kung paano sila gagabayan ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu sa pagbabahagi nila ng Kanyang ebanghelyo, anyayahan silang hanapin ang kahon na “Pag-aaral ng Banal na Kasulatan” sa dulo ng bahaging “Umasa sa Espiritu” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 123). Mabilis na talakayin ang kahalagahan ng apat na tanong sa kahon. Pagkatapos ay anyayahan ang mga mag-aaral na gawin ang mga sumusunod:

Isipin na ikaw ay isang bagong missionary at hiniling sa iyo na magbigay ng mensahe sa susunod ninyong district meeting tungkol sa “Paano Tayo Higit na Makakaasa sa Espiritu Santo?” Gamit ang kahon na “Pag-aaral ng Banal na Kasulatan” sa dulo ng bahaging “Umasa sa Espiritu” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 123), maghanda ng dalawa hanggang tatlong minutong mensahe na tumatalakay sa tanong na ito. Magtala ng mga alituntunin at kaalamang nais mong ibahagi sa iyong mensahe.

Lider ng talakayan: Pagkatapos mag-aral ng mga mag-aaral, bigyan sila ng oras para ibahagi ang kanilang mensahe sa isang kapartner.

Magtakda ng mithiin

Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:

Magtakda ng mithiin na nauugnay sa iyong napag-aralan. Gumamit ng mga ideyang tulad ng sumusunod, o mag-isip ng sarili mo.

  • Isaulo ang isang scipture passage tungkol sa Espiritu Santo, tulad ng isa sa mga ito: 1 Nephi 4:6; 2 Nephi 32:5; Moroni 10:5; o Doktrina at mga Tipan 8:2.

  • Tukuyin kung ano ang maaari mong simulang gawin at kung ano ang ititigil mong gawin para matulungan kang mas madalas na makasama ang Espiritu Santo.

Ang aking mithiin
  • Ako ay … (ang gagawin mo).

  • Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).

Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay mayroong grupo kung saan ibinabahagi nila ang kanilang mga mithiin sa kabuuan ng kurso, bigyan sila ng oras para ibahagi kung paano nila susuportahan o papaalalahanan ang isa’t isa bago magsimula ang susunod na klase.

Sa Susunod

Lider ng talakayan: Kung plano mong ituro ang lesson 9 sa susunod na klase, isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang kabanata 5 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo bilang paghahanda. Maaari kang magpadala sa kanila ng isang paalala.