Lesson 13
Sumulong nang may Pananampalataya
Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga mag-aaral na suriin ang kanilang progreso at pag-unlad bilang mga disipulo ni Jesucristo habang sila ay nakikibahagi sa kurso para sa Paghahanda ng Missionary.
Magrebyu at Mag-follow Up
Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na isipin ang kanilang mga pagsisikap kamakailan na ipamuhay ang kanilang natututuhan sa klaseng ito. Maaari mo silang anyayahan na ibahagi ang ilan sa kanilang mga pagsisikap sa isang kapartner o sa buong klase.
Iminumungkahing Aktibidad sa Pag-aaral
Pagnilayan ang espirituwal na pag-unlad
Lider ng talakayan: Maaari kang magpakita ng larawan ni Jesucristo na nananalangin at ni Joseph Smith na nagbabasa ng Biblia. Sabihin sa mga mag-aaral na pagnilayan ang mga larawan habang binabasa nila ang Marcos 1:35; Lucas 6:12; at Joseph Smith—Kasaysayan 1:12–13. Hikayatin silang hanapin ang karaniwang mensahe sa mga talatang ito.
-
Ano ang sinasabi ng mga banal na kasulatan na ginawa ng Tagapagligtas at ni Joseph Smith para espirituwal na umunlad?
-
Paano nagbago ang buhay ni Joseph Smith nang pagnilayan niya ang kanyang nabasa sa Santiago 1:5?
Lider ng talakayan: Ipaliwanag na ang paglalaan ng oras sa mapanalanging pagninilay tungkol sa ating espirituwal na pag-unlad ay makatutulong sa atin na makatanggap ng patnubay mula sa Panginoon.
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na magawa ito, maaari kang gumuhit ng tatlong stick figure sa pisara at lagyan ng label ang mga ito Simula ng Klase, Ngayon, at Anim na Buwan mula Ngayon. Pagkatapos ay ibahagi ang mga tagubilin sa ibaba:
Pagnilayan ang iyong espirituwal na pag-unlad mula nang simulan mo ang klaseng ito. Isaalang-alang din ang pag-unlad na nais mo pang maabot. Isulat ang iyong mga ideya at espirituwal na impresyon. Makatutulong ang mga tanong na tulad nito:
Pagbabalik-tanaw
-
Kung ikukumpara sa kahandaan mo bago mo kunin ang klaseng ito, ano ang ilang paraan na sa palagay mo ay mas handa ka na ngayon na magmisyon o ibahagi ang ebanghelyo sa iba?
-
Paano nakaapekto sa iyo ang pag-aaral ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo?
-
Paano nagbago ang ugnayan mo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Anong mga karanasan sa klase o sa labas ng klase ang nakagawa ng kaibhan para sa iyo?
Tungo sa hinaharap
-
Ano pa ang gusto mong gawin upang patuloy kang makapaghanda na maglingkod bilang missionary? Ano sa palagay mo ang mga susunod na hakbang na dapat mong gawin para makamit ang mga mithiing ito?
-
Sino ang gusto mong tulungang mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Ano ang gagawin mo para matulungan sila?
Lider ng talakayan: Anyayahan ang mga mag-aaral na talakayin ang mga sagot na komportable silang ibahagi sa isang kapartner o sa maliit na grupo. Maaari din itong maging magandang panahon para anyayahan ang mga miyembro ng klase na handang magbahagi sa klase ng kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar:
Madaragdagan ninyo ang inyong hangarin na maglingkod sa Diyos, at maaari kayong magsimulang mag-isip na tulad ng mga misyonero, basahin ang binabasa ng mga misyonero, manalangin na tulad ng mga misyonero, at madama ang nadarama ng mga misyonero. Maiiwasan ninyo ang mga makamundong impluwensya na dahilan ng paglayo ng Espiritu Santo, at madaragdagan ang inyong pagtitiwala sa pagkilala at pagtugon sa mga espirituwal na paramdam. Taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon, unti-unti kayong magiging misyonerong pinapangarap ninyo at misyonerong inaasahan ng Tagapagligtas. (“Pagiging Misyonero,” Liahona, Nob. 2005, 46)
Lider ng talakayan: Ipahayag ang iyong pagmamahal sa mga kalahok, ang iyong patotoo sa Tagapagligtas, at ang nadarama mo tungkol sa kahalagahan ng pangangaral ng Kanyang ebanghelyo. Hikayatin ang mga mag-aaral na sumulong nang may pananampalataya sa kanilang paghahanda, upang sila ay maging uri ng missionary at disipulo na nais ng Panginoon.