Mga Kurso Tungkol sa Ebanghelyo
Lesson 1: Inaanyayahan Natin ang Iba na Lumapit kay Cristo


Lesson 1

Inaanyayahan Natin ang Iba na Lumapit kay Cristo

Ang Tagapagligtas na nakangiti

Lahat ng gawaing misyonero ay nakatuon kay Jesucristo. Katunayan, ang mahalagang layunin ng missionary ay “anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2023], 1). Inaanyayahan ni Jesucristo ang Kanyang mga tagasunod na ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa lahat. “Habang lumalago ang [ating] pag-unawa at patotoo sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, magkakaroon [tayo] ng higit na hangaring ibahagi ang ebanghelyo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 2).

Welcome!

Lider ng talakayan: Maaaring makadama ng kaba ang ilang miyembro ng klase tungkol sa pagsisimula ng bagong klase at pakikipag-usap sa mga bagong tao. Maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang Juan 13:34–35 at anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga halimbawa kung paano minahal ng Tagapagligtas ang iba. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Paano matutularan ng ating klase ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagmamahal sa ating kapwa?

  • Sa inyong palagay, sa paanong paraan ninanais ng Tagapagligtas na pakitunguhan ninyo ang mga taong hindi ninyo kilala o tila naiiba sa inyo?

Lider ng talakayan: Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga mag-aaral na makilala ang isa’t isa at magpadama na kabilang ang bawat isa sa kanila. Ipakita ang mga tagubilin, at bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na makipag-usap sa isa’t isa. Maaari mo ring gamitin ang pagkakataong ito para ipaliwanag na ang pagkikipag-usap at pakikitungo sa mga tao sa paraang “mabait, magiliw, at palakaibigan” ay mahalagang bahagi ng pagbabahagi ng ebanghelyo (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 190).

Sa susunod na ilang minuto kumausap ng tatlo hanggang apat na bagong tao sa ating klase. Narito ang ilang tip upang simulan ang iyong pakikipag-usap:

  • Alamin ang pangalan ng isa’t isa.

  • Magtanong tungkol sa mga interes, talento, paaralan, trabaho, o libangan.

  • Magtanong tungkol sa kamakailang bakasyon, pakikipagsapalaran, o hamon o isang bagay na inaasam nila.

Iminumungkahing Aktibidad sa Pag-aaral

Bakit mahalagang tulungan ang iba na lumapit kay Jesucristo?

Mag-aral

Lider ng talakayan: Ipakita ang sumusunod na larawan, at sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa pangyayaring inilalarawan dito. Pagkatapos ay ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin:

Pag-aralan ang Mateo 28:18–20, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol sa pagkakataong ito.

  • Sa iyong palagay, bakit inaanyayahan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tagasunod na ibahagi ang ebanghelyo sa iba?

Si Jesus na nagtuturo sa Labindalawang Apostol

Lider ng talakayan: Ipaliwanag na ang tagubilin ni Jesucristo para sa Kanyang mga Apostol na ibahagi ang ebanghelyo ay naaangkop din sa Kanyang mga tagasunod sa ating panahon.

Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin, at bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang ilan sa mga talata nang mag-isa. Bukod pa rito, maaari ninyong sama-samang pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan” (Liahona, Mayo 2022, 6–7) o panoorin ang “A Prophetic Call: Experience the Joy of Missionary Service” (2:12; Gospel Library).

Pag-aralan ang ilan sa mga sumusunod na banal na kasulatan, na inaalam ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na makatutulong sa iba na lumapit sa Kanya. Maaari mo ring gamitin ang mga tool sa pag-aaral sa Gospel Library para makahanap ng iba pang mga banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan.

Lider ng talakayan: Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at anyayahan ang bawat miyembro ng grupo na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala?

  • Paano ka naimpluwensyahan ng mga katotohanang ito?

  • Paano ka tinutulungan ng mga katotohanang ito na ituro sa iba ang tungkol kay Jesucristo?

Lider ng talakayan: Matapos tapusin ng mga grupo ang kanilang talakayan, anyayahan ang mga mag-aaral na ibahagi ang isang katotohanang natuklasan nila sa iba pang mga estudyante. Gamit ang sarili nilang mga salita, maaaring matukoy ng mga mag-aaral ang mga katotohanang tulad nito:

  • Kapag lumapit tayo kay Cristo, mapapagaan Niya ang ating mga pasanin (tingnan sa Mateo 11:28–30).

  • Si Jesucristo ang daan pabalik sa Ama sa Langit (tingnan sa Juan 14:6).

  • Naliligtas tayo sa pamamagitan ng kabutihan, awa, at biyaya ni Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 2:6–8).

  • Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at nagtiis hanggang wakas, tatanggap tayo ng buhay na walang hanggan kasama ang ating Ama sa Langit (tingnan sa 2 Nephi 31:17–21).

  • Kung tayo ay magsisisi at lalapit kay Jesucristo, at mabibinyagan, tayo ay mapababanal sa pamamagitan ng Espiritu Santo at tatayong walang bahid-dungis sa harapan ni Cristo sa huling araw (tingnan sa 3 Nephi 27:20–22).

  • Dahil ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos, nagagalak Siya kapag tayo ay nagsisisi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10–16).

Magsanay

Lider ng talakayan: Bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na magsanay sa pagtuturo ng kahalagahan ni Jesucristo. Ang isang paraan kung paano mo ito magagawa ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga sumusunod na sitwasyon at tagubilin. Bigyan ng sapat na oras ang mga miyembro ng klase na makaisip ng sagot. Kung kailangan nila ng karagdagang tulong, ipaalam sa kanila ang mga bullet sa ilalim ng heading na “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 56).

Kunwari ay may kaibigan ka na hindi miyembro ng Simbahan at gusto niyang malaman ang iyong mga paniniwala. Habang nag-uusap kayo, sinabi ng kaibigan mo, “Napansin ko na tila mahalaga sa iyo si Jesus. Bakit?”

Maghanda ng sagot para sa iyong kaibigan na kinabibilangan ng mga sumusunod:

  1. Isang maikling paliwanag tungkol sa pangangailangan natin kay Jesucristo

  2. Isang nauugnay na banal na kasulatan

  3. Ang iyong patotoo

Lider ng talakayan: Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at anyayahan ang bawat tao na ibahagi ang kanilang sagot sa kanilang kapartner. Pagkatapos nilang magbahagi, maaari mong anyayahan ang mga mag-aaral na suriin sa kanilang sarili ang kanilang sagot at alamin kung anong mga pagbabago ang gusto nilang gawin. Pagkatapos ay bigyan ng ibang kapartner ang mga mag-aaral, at anyayahan sila na ibahagi muli ang kanilang sagot, kabilang ang anumang mga pagbabago.

Magtakda ng mithiin

Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:

Magtakda ng mithiin na may kaugnayan sa napag-aralan mo ngayon. Gamitin ang ilan sa mga sumusunod na ideya, o maaari kang mag-isip ng sarili mong ideya.

  • Sa personal na pag-aaral mo, markahan o i-highlight ang mga banal na kasulatan na tumutulong sa iyo na mas maunawaan si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa isang tao—sa pamamagitan ng text message, o online.

  • Anyayahan ang isang kaibigang wala ngayon na magsimulang sumama sa iyo sa pagdalo sa klase na ito.

Ang aking mithiin

  • Ako ay … (ang gagawin mo).

  • Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).

Lider ng talakayan: Isiping bigyan ng oras ang mga mag-aaral na pumili ng kaklase o grupo ng mga kaibigan na maaari nilang bahaginan ng kanilang mga mithiin sa buong kurso. Maaari mong tagubilinan ang mga grupo na mag-isip ng paraan para ipaalala sa isa’t isa ang kanilang mga mithiin bago magsimula ang susunod na klase. Maaari ka ring magpadala ng mensahe na nagpapaalala sa mga mag-aaral bago ang susunod na klase.

Sa Susunod

Lider ng talakayan: Kung handa ka nang magturo ng lesson 2 sa susunod, isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na mag-ukol ng ilang oras para maging pamilyar sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo bilang paghahanda sa klase. Maaari ka ring magpadala sa kanila ng isang paalala.