Mga Kurso Tungkol sa Ebanghelyo
Lesson 7: Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma


Lesson 7

Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma

Mangaral ng Aking Ebanghelyo, Kabanata 3

binyag

Inutusan ng Tagapagligtas ang lahat ng taong may pananagutan na magsisi, magpabinyag, at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo. “Ang pagtupad ng tipan sa binyag ang unang hakbang upang maibigkis ang ating sarili sa Diyos nang sa gayon ay magawa ng Espiritu Santo na linisin, palakasin, at baguhin ang ating pagkatao” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo [2023], 33). Ang pagbibigay ng mga paanyaya na mabinyagan at makumpirma ay isang mahalagang paraan para matupad ng mga missionary ang kanilang layunin na tulungan ang iba na lumapit kay Jesucristo.

Magrebyu at Mag-follow Up

Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na isipin ang kanilang mga pagsisikap kamakailan na ipamuhay ang kanilang natututuhan sa klaseng ito. Maaari mo silang anyayahan na ibahagi ang ilan sa kanilang mga pagsisikap sa isang kapartner o sa buong klase.

Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Lider ng talakayan: Mapanalanging piliin ang (mga) opsiyon sa pag-aaral na pinakamainam para sa iyong klase. Siguraduhing maglaan ng maraming oras para sa pagsasanay at pagsasabuhay.

Opsiyon A: Bakit mahalaga ang binyag at kumpirmasyon?

Mag-aral

Lider ng talakayan: Isiping ipakita ang larawan ng isang taong binibinyagan. Sabihin sa mga mag-aaral na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa isang kapartner:

Binyag 2
  • Ano ang naaalala mo sa iyong binyag at kumpirmasyon?

  • Ano ang ilan sa mga paraan na pinagpala ka ng Panginoon dahil sa desisyon mong mabinyagan at makumpirma?

Lider ng talakayan: Ipaalala sa mga mag-aaral na ang pag-anyaya sa iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon ay isang mahalagang paraan para matupad ng mga missionary ang kanilang layunin. Isiping rebyuhin ang layunin ng missionary sa pamamagitan ng sabay-sabay na pagbigkas nito bilang isang klase (tingnan sa “Tuparin ang Iyong Layunin bilang Misyonero,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2023], 1).

Ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral ay makatutulong sa mga mag-aaral na mas maunawaan kung paano mapagpapala ng Tagapagligtas ang mga taong piniling mabinyagan at makumpirma. Tulungan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang “Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma” sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 33–35). Pagkatapos ay ibahagi ang mga tagubilin na ito:

Pag-aralan ang mga talata sa ilalim ng heading na “Pinagbatayang Doktrina” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 33), kasama ang hindi bababa sa dalawa sa mga scripture passage na tinutukoy. Isiping hanapin at markahan ang mga turong nagpapalalim sa inyong pag-unawa tungkol sa kahalagahan ng binyag at kumpirmasyon.

Lider ng talakayan: Matapos makapag-aral ang mga estudyante, isiping talakayin ang sumusunod na mga tanong:

  • Ano ang natuklasan mo na makatutulong sa isang tao na magkaroon ng pagnanais na mabinyagan at makumpirma?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa kung paano pinagpapala ng Diyos ang mga taong piniling mabinyagan at makumpirma?

Lider ng talakayan: Habang tinatalakay ninyo ang naunang tanong, isiping ibahagi ang sumusunod na pahayag mula kay Pangulong Russell M. Nelson. Sabihin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng karagdagang mga kaalaman na napulot nila mula sa mga turo ni Pangulong Nelson.

Pangulong Russell M. Nelson

Kapag kayo at ako ay nakipagtipan sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating ugnayan sa Kanya kaysa noong bago tayo makipagtipan. Ngayon ay nakabigkis na tayo sa isa’t isa. Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin. Ang Diyos ay may espesyal na pagmamahal para sa bawat isa sa atin. Malaki ang inaasahan Niya para sa atin. (“Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 28.)

Lider ng talakayan: Para matulungan ang mga mag-aaral na makita ang halimbawa ng mga pagpapala ng binyag at kumpirmasyon, isiping ipalabas ang video na “How Sarah Found Happiness” (3:42; ChurchofJesusChrist.org). Pagkatapos ng video, maaari ninyong talakayin kung paano pinagpala ang buhay ni Sarah dahil sa desisyon niyang mabinyagan at makumpirma.

Magsanay

Lider ng talakayan: Bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na magpraktis na ipaliwanag ang natutuhan nila tungkol sa binyag at kumpirmasyon. Ang isang paraan para magawa mo ito ay sabihin sa kanila na tumugon sa sumusunod na sitwasyon. Maaari muna nilang itala ang kanilang tugon bago ibahagi ito sa isang kapartner o maliit na grupo.

Kunwari ay kausap mo ang isang kaibigang hindi pamilyar sa mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon. Nagtanong ang kaibigan mo, “Bakit kailangang mabinyagan at makumpirma ang isang tao?” Ano ang sasabihin ninyo?

Magtakda ng mithiin

Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:

Magtakda ng mithiin na nauugnay sa iyong napag-aralan. Gumamit ng mga ideyang tulad ng sumusunod, o mag-isip ng sarili mo.

  • Isulat kung paano ka pinagpala dahil ikaw ay nabinyagan at nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ibahagi ang isinulat mo sa isang mahal sa buhay, sa isang fast and testimony meeting, o sa social media.

  • Pag-isipan ang tipang ginawa mo nang mabinyagan ka. Tukuyin kung paano mo mas matutupad nang lubusan ang iyong tipan sa binyag.

Ang aking mithiin
  • Ako ay … (ang gagawin mo).

  • Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).

Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay mayroong grupo kung saan ibinabahagi nila ang kanilang mga mithiin sa kabuuan ng kurso, bigyan sila ng oras para ibahagi kung paano nila susuportahan o papaalalahanan ang isa’t isa bago magsimula ang susunod na klase.

Opsiyon B: Paano ko maanyayahan ang iba na mabinyagan at makumpirma?

Mag-aral

Lider ng talakayan: Isiping simulan ang aktibidad na ito sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon:

Isipin na ikaw ay isang bagong tawag na missionary. Pinaplano ninyo ng iyong kompanyon ang inyong iskedyul ngayong araw. Ipinaliwanag ng iyong kompanyon na nadama niya na anyayahan ang isa sa mga taong tinuturuan ninyo na mabinyagan at makumpirma. Tinanong ng iyong kompanyon kung kaya mong magbigay ng paanyayang ito sa inyong appointment mamayang hapon. Ito ang unang pagkakataon mo na anyayahan ang isang tao na mabinyagan at makumpirma.

  • Sa iyong palagay, gaano ka kakumpiyansa sa pagbibigay ng paanyayang ito?

  • Anong mga tanong ang maaaring pumasok sa iyong isipan?

Lider ng talakayan: Ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral ay makatutulong sa mga mag-aaral na maghanda na ipaabot ang paanyaya na mabinyagan at makumpirma. Tulungan silang hanapin ang “Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma” sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 33–35). Pagkatapos ay ibahagi ang mga tagubilin na ito:

Pag-aralan ang “Pagbibigay ng Paanyaya” at “Mga Ideya para sa Paanyayang Mabinyagan” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 33–34). Maghanap ng mga patnubay na makatutulong sa iyo na maanyayahan ang isang tao na mabinyagan at makumpirma. Maaari mong markahan ang mga bahaging kapansin-pansin sa iyo.

Lider ng talakayan: Anyayahan ang mga miyembro ng klase na talakayin ang natutuhan nila sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng sumusunod:

  • Alin sa mga patnubay o mungkahi ang nakita mong pinakamakatutulong? Bakit?

  • Sa palagay mo, bakit makatutulong na magtuon sa halimbawa ng Tagapagligtas kapag inaanyayahan ang iba na magpabinyag?

Magsanay

Lider ng talakayan: Bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na magpraktis sa pag-anyaya sa isang tao na mabinyagan at makumpirma. Upang matulungan silang makita ang mga halimbawa kung paano ito gagawin, maaari kang:

  • Gumamit ng video, tulad ng “Invitation to Be Baptized: German” (2:42) o “Invitation to Be Baptized: Jynx” (2:34). Ang mga video na ito ay makukuha sa ChurchofJesusChrist.org.

  • Sabihin sa mga miyembro ng klase na mag-role-play na inaanyayahan ang isang tao na mabinyagan at makumpirma. Maaari nilang gamitin ang italicized text sa ilalim ng “Pagbibigay ng Paanyaya” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 34) o ang isa sa mga role play sa dulo ng lesson na ito.

Talakayin sa mga miyembro ng klase ang natutuhan nila sa mga video o role play, kabilang na ang nagustuhan nila at kung ano ang maaaring gawin nila sa ibang paraan. Pagkatapos ay ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin:

Praktisin ang paghahanda at pagbibigay ng paanyaya na mabinyagan at makumpirma sa pamamagitan ng paggawa ng sumusunod:

  1. Sumulat ng isang simpleng plano kung paano mo anyayahan ang isang tao na mabinyagan at makumpirma. Subukang sundin ang mga patnubay na ito sa iyong plano: (1) maging tiyak at malinaw, (2) mangako ng mga pagpapala, at (3) ibahagi ang iyong patotoo.

  2. Kasama ang isang kapartner, magsalitan sa pagbibigay ng paanyayang inihanda mo.

  3. Pagkatapos magpraktis kasama ng iyong kapartner, alamin kung paano mo maaaring baguhin ang iyong paanyaya.

  4. Muling magpraktis kasama ang ibang kapartner.

Magtakda ng mithiin

Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:

Magtakda ng mithiin na nauugnay sa iyong napag-aralan. Gumamit ng mga ideyang tulad ng sumusunod, o mag-isip ng sarili mo.

  • Pag-aralan ang karagdagang mga scripture passage tungkol sa binyag at kumpirmasyon. Pagkatapos ay ibahagi ang natutuhan mo sa isang kapamilya o kaibigan.

  • Isipin ang isang taong gusto mong tulungan na mas mapalapit kay Jesucristo. Alamin ang paanyaya na maaari mong ibigay sa kanya.

Ang aking mithiin
  • Ako ay … (ang gagawin mo).

  • Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).

Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay mayroong grupo kung saan ibinabahagi nila ang kanilang mga mithiin sa kabuuan ng kurso, bigyan sila ng oras para ibahagi kung paano nila susuportahan o papaalalahanan ang isa’t isa bago magsimula ang susunod na klase.

Sa Susunod

Lider ng talakayan: Kung handa ka nang ituro ang lesson 8 sa susunod na klase, isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang kabanata 4 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo bilang paghahanda. Maaari kang magpadala sa kanila ng isang paalala.

Pagbibigay ng Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma

Role Play 1—Paggamit ng Halimbawa ni Jesucristo

Tagasalaysay: Nakadama si Sarah ng pagnanais na magkaroon ng ugnayan sa Diyos mula nang pumasok siya sa kolehiyo dalawang buwan na ang nakararaan. Kamakailan lang ay nakipagkita siya sa mga missionary. Sa kanilang unang pagbisita, itinuro nina Sister Hernandez at Sister Williams kay Sarah ang tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at inanyayahan siyang basahin at ipanalangin ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Ngayon ay muling makikipagkita ang mga missionary kay Sarah. Nadarama nilang ginagabayan sila na anyayahan si Sarah na magpabinyag.

Sister Hernandez: Sarah, sinabi mo na sa amin na gusto mong sundin ang Diyos at palalimin ang iyong ugnayan sa Kanya. Sama-sama nating basahin mula sa Biblia kung paano ipinakita sa atin ni Jesucristo ang paraan ng pagsunod sa Diyos.

Sister Williams: Sa kabanata 3 ng Mateo, mababasa natin ang tungkol sa pagpunta ni Jesus kay Juan Bautista. Sarah, maaari mo bang basahin ang Mateo 3:13–17?

Sarah: [Binasa nang malakas ang Mateo 3:13–17.]

Sister Hernandez: Sarah, si Jesus ay nagpabinyag upang matupad ang lahat ng kabutihan. Ibig sabihin nito ay sinunod Niya ang utos na magpabinyag. Ano ang alam mo tungkol sa binyag?

Sarah: Alam ko na ito ay isang bagay na madalas na ginagawa ng mga tao. Sa simbahan na kinalakihan ko, naaalala ko na nakita ko ang ilang tao na gumawa nito. Walang sinuman sa pamilya ko ang nabinyagan. Maliban dito, wala na akong masyadong alam.

Sister Hernandez: Sarah, salamat sa pagbabahagi mo niyan. Ipapaliwanag namin ang iba pa tungkol sa binyag. Nais ng Diyos na makabalik tayo sa Kanyang piling. Nagsisimula tayo sa landas pabalik sa Diyos sa pamamagitan ng pagsasampalataya kay Jesucristo. Ang paniniwala kay Jesucristo ay umaakay sa atin na baguhin ang ating buhay at pagsisihan ang ating mga kasalanan. Ang binyag ang unang tipan na ginagawa natin sa landas na ito. Inilalapit tayo nito sa Tagapagligtas, at makadarama tayo ng kagalakan, kapatawaran, at pag-asa. Ang binyag ay isa ring ordenansa. Ibig sabihin, ito ay isang seremonya na isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.

Sister Williams: Kapag nabinyagan tayo, tayo ay nakikipagtipan, o gumagawa ng pangako, sa Diyos. Nangangako tayo na paglilingkuran Siya at susundin ang Kanyang mga kautusan. Bilang bahagi ng tipang ito, nangangako ang Diyos na patatawarin Niya ang ating mga kasalanan at pagpapalain tayo ng Kanyang Espiritu, upang tayo ay malinis, magabayan, at mapanatag.

Sister Hernandez: Sarah, susundan mo ba ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag sa isang taong naordenan para maisagawa ang ordenansang ito? Tutulungan ka namin na maghanda para sa binyag. Sa palagay namin ay magiging handa ka sa Hulyo 29. Ihahanda mo ba ang iyong sarili na mabinyagan sa araw na iyon?

Sarah: Oo. Nadarama kong ito ang matagal ko nang hinahanap.

Sister Williams: Sarah, natutuwa kami sa mga pagpapalang darating sa iyo dahil pinili mong gawin ito. Ang binyag ay maghahatid ng malaking kapayapaan at kapangyarihan sa iyong buhay. Marami pa kaming ituturo sa iyo para matulungan kang maging handa.

Pagbibigay ng Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma

Role Play 2—Ituro ang Doktrina ni Cristo

Tagasalaysay: Si Isaac ay nakipagkita sa mga missionary sa unang pagkakataon. Marami siyang tanong tungkol sa layunin ng buhay at kung paano siya makakahanap ng higit na kaligayahan. Itinuro ng mga missionary kay Isaac ang tungkol sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Sa oras ng lesson, nadama nina Elder Browning at Elder Singh na anyayahan si Isaac na magpabinyag.

Elder Browning: Isaac, nais naming pag-usapan ang landas pabalik sa ating Ama sa Langit. Nais Niyang bumalik tayo upang mamuhay kasama Niya, at ginawa itong posible ni Jesucristo.

Elder Singh: Nagsisimula tayo sa landas pabalik sa Diyos sa pamamagitan ng paniniwala kay Jesucristo. Kapag may pananampalataya tayo kay Jesucristo, natural lang na gugustuhin nating baguhin ang ating buhay at maging mas katulad Niya. Sinusunod natin ang Kanyang mga turo at nagsisisi tayo kapag nagkasala tayo. Ang pananampalataya at pagsisisi ay umaakay sa atin sa binyag at kumpirmasyon. Maaari mo bang sabihin sa amin ang alam mo tungkol sa binyag?

Isaac: Nakakita na ako ng isa o dalawang binyag sa iba’t ibang simbahan, ngunit wala na akong iba pang alam tungkol dito. Sa palagay ko tungkol ito sa mga kasalanan.

Elder Browning: Tama ka. Binyag ang unang hakbang upang maibigkis ang ating sarili sa Diyos nang sa gayon ay magagawa ng Espiritu Santo na linisin, palakasin, at baguhin ang ating pagkatao. Ito rin ang paraan ng pagpapahayag natin ng ating katapatan sa Diyos. Kapag nabinyagan tayo, gumagawa tayo ng isang tipan, o kasunduan, sa Kanya na tayo ay maglilingkod sa Kanya at susunod sa Kanyang mga kautusan. Kapag ginawa natin ito, nakikipagtipan ang Diyos na ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu sa atin at patatawarin tayo sa ating mga kasalanan.

Elder Singh: Kapag tayo ay nabinyagan, nangangako rin tayo na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, sundin ang mga kautusan ng Diyos, paglingkuran ang Diyos at ang iba, at magtiis hanggang wakas. Ibig sabihin, ang binyag ay isang bagong simula para sa ating buhay. Siyempre, magkakaroon pa rin tayo ng mga hamon at magkakamali. Ngunit hindi tayo kailanman titigil sa pagsisikap na tuparin ang ating pangako at pag-asa kay Jesucristo sa buong buhay natin.

Elder Browning: Isaac, susundan mo ba ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag sa isang taong naordenan para maisagawa ang ordenansang ito? Tutulungan ka namin na maghanda para sa binyag. Sa palagay namin ay magiging handa ka sa Hulyo 29. Ihahanda mo ba ang iyong sarili na mabinyagan sa araw na iyon?

Isaac: Oo. Nadarama ko na parang ito na ang matagal ko nang hinahanap.

Elder Singh: Isaac, natutuwa kami sa mga pagpapalang darating sa iyo dahil pinili mong gawin ito. Ang binyag ay maghahatid ng malaking kapayapaan at kapangyarihan sa iyong buhay. Marami pa kaming ituturo sa iyo para matulungan kang maging handa para sa binyag.