Lesson 2
Pambungad sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo
“Ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay isang mahalagang sanggunian hindi lamang para sa mga misyonero, kundi para din sa lahat ng miyembro ng Simbahan” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2023], ix). Ang inspiradong sanggunian na ito ay makatutulong sa mga missionary na matupad ang kanilang layunin na anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo. Makatutulong din ito sa atin na mas mapalapit sa Tagapagligtas at mas maunawaan ang Kanyang doktrina.
Magrebyu at Mag-follow Up
Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na isipin ang kanilang mga pagsisikap kamakailan na ipamuhay ang kanilang natututuhan sa klaseng ito. Maaari mo silang anyayahan na ibahagi ang ilan sa kanilang mga pagsisikap sa isang kapartner o sa buong klase.
Iminumungkahing Aktibidad sa Pag-aaral
Paano mapagpapala ng pag-aaral ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang aking buhay?
Mag-aral
Lider ng talakayan: Magpakita ng larawan ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, o hawakan at itaas ang isang pisikal na kopya para makita ng klase. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi ang nalalaman nila tungkol dito o kung ano ang mga karanasan nila sa pag-aaral nito.
Lider ng talakayan: Ipaliwanag na sa lesson na ito, matututuhan pa ng mga miyembro ng klase ang tungkol sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin.
Sa halip na gamitin ang pahayag ni Pangulong Nelson, maaari mong ipalabas ang video na “President Russell M. Nelson Introduces Preach My Gospel, Second Edition” (2:58).
Pag-aralan ang “Mensahe ng Unang Panguluhan” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, v) at ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson. Bigyang-pansin kung paano kayo mapagpapala ng pag-aaral ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.
Ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay naglalaman ng ilan sa mga pinakamagandang pagtuturong nakita ko para tulungan ang mga tao na tanggapin ang paanyaya ng Panginoon na lumapit sa Kanya.
Inaanyayahan ko kayong tamasahin ang paglago ng inyong sariling patotoo na maibibigay ng na-update na manwal na Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Madarama ninyo ang pribilehiyong tulungan ang ating Ama sa Langit sa Kanyang banal na gawain. Kapag pinag-aralan at ipinamuhay ninyo ang mga turo mula sa ikalawang edisyon ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, mula sa mga banal na kasulatan, at buhay na propeta, pagpapalain kayo. Ang inyong sariling patotoo ay lalong lalago. Ang kakayahan ninyong ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas ay madaragdagan.” (Sa D. Todd Christofferson, Use the Power of the Book of Mormon. [mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president, Hunyo 23, 2023], Gospel Library)
-
Anong mga ipinangakong pagpapala ang pinakamahalaga para sa inyo? Bakit?
Magsanay
Lider ng talakayan: Ibigay ang handout na pinamagatang “Ano ang Nakapaloob sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo?” Bigyan ang mga miyembro ng klase ng mga 10–12 minuto para sagutin ang mga tanong sa handout at maghanda ng tatlong-minutong buod ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.
Ano ang Nakapaloob sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo?
Isipin kunwari na gustong tulungan ng mga lider ng inyong ward ang mga kabataan na magsimulang mag-aral mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Narinig nila na nasa missionary preparation class ka, at inanyayahan ka nilang maghanda ng tatlong-minutong buod para ibahagi sa mga kabataan.
Ihanda ang buod na ito sa pamamagitan ng pagtatala ng iyong mga sagot sa sumusunod na mga tanong at pagkumpleto ng sumusunod na aktibidad. I-highlight ang mga pahayag mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo na tumutulong sa pagsagot sa mga tanong na ito.
-
Ano ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo? (tingnan sa “Mensahe ng Unang Panguluhan” [Mangaral ng Aking Ebanghelyo, v]; “Pambungad sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo” [Mangaral ng Aking Ebanghelyo, vii–ix]).
-
Paano makatutulong ang pag-aaral ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa iyo at sa iba na mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? (tingnan sa “Paggamit ng mga Miyembro sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo” Mangaral ng Aking Ebanghelyo, ix).
Saliksikin ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa paggawa ng mga sumusunod:
-
Hanapin ang “Pambungad sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo,” at tingnan ang mga bullet point na naglalarawan kung paano inorganisa ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo (tingnan sa pahina vii).
-
Basahin ang kabanata 3 para matuklasan ang mga itinuturo ng mga missionary. Basahin ang unang limang talata (sa pahina 29), at pagkatapos ay mabilis na basahin ang apat na lesson sa natitirang bahagi ng kabanata.
-
Pumili ng isa sa mga sumusunod na kabanata na sasaliksikin: 1, 2, 4, 5, o 6. Basahin ang mga bolded heading ng kabanata.
-
Batay sa nalaman mo sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, ano sa palagay mo ang pinakakapaki-pakinabang na ibahagi sa iyong buod?
Lider ng talakayan: Pagkatapos ng oras para sa paghahanda, anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang buod sa kapartner. Pagkatapos nilang ibahagi ang kanilang mga buod, maaari mong itanong ang tulad ng sumusunod:
Paano makatutulong sa inyo ang masigasig na pag-aaral ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo kasama ang mga banal na kasulatan para mas mapalapit kayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Magtakda ng mithiin
Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:
Magtakda ng mithiin na nauugnay sa iyong napag-aralan. Gamitin ang ilan sa mga sumusunod na ideya, o maaari kang mag-isip ng sarili mong ideya.
-
Magpasiya kung paano mo gagamitin ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo bilang bahagi ng iyong pag-aaral ng ebanghelyo.
-
Pag-aralan ang isa o mahigit pang mga lesson na itinuturo ng mga missionary sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.
Ang aking mithiin
-
Ako ay … (ang gagawin mo).
-
Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).
Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay may grupo na pagbabahaginan ng kanilang mga mithiin, bigyan sila ng oras na ibahagi kung paano nila susuportahan o paaalalahanan ang isa’t isa bago ang susunod na klase.
Sa Susunod
Lider ng talakayan: Kung handa ka nang magturo ng lesson 3 sa susunod, isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang kabanata 1 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo bilang paghahanda. Maaari ka ring magpadala sa kanila ng isang paalala.