Gabay para sa Pagtuturo ng Paghahanda ng Missionary
Welcome sa kursong paghahanda ng missionary! Ang kursong ito ay maaaring magkaroon ng mahalagang bahagi sa buhay ng mga kabataan at young adult na naghahanda para sa paglilingkod bilang missionary. Maaari din nitong pagpalain ang mga kabataan na hindi nagbabalak na maglingkod bilang missionary ngunit nagnanais na mapahusay ang kanilang kakayahan na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang layunin ng missionary ay “anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2023], 1). Ang layuning ito ay kung paano natin tinitipon ang Israel, at responsibilidad ito ng bawat miyembro ng Simbahan.
Paano mapagpapala ng klaseng ito ang mga kabataan at young adult?
Lahat ng bagay sa kursong ito ay naglalayong tulungan ang mga mag-aaral na palakasin ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa pagbabalik-loob, madaragdagan ang hangarin at kakayahan na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba. Upang makalikha ng kondisyon na tumutulong sa pagbabalik-loob, ang mga miyembro ng klase ay aanyayahan na:
-
Ituon ang kanilang sarili sa pag-aaral ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo para maranasan nila ang kapangyarihan at kahalagahan ng manwal na ito. Ipapakilala rin sa kanila ang Pag-adjust sa Buhay-Missionary (2013).
-
Alamin ang layunin ng missionary (tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 1) at tingnan kung paano sila magagabayan nito, sa kanilang buhay ngayon at sa lahat ng aspekto ng gawaing misyonero.
-
Gumawa ng mga pangakong tutulong sa kanila na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, maghanda para sa paglilingkod bilang missionary, at ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas sa pamilya at mga kaibigan.
-
Matuto at magsanay sa pagtuturo ng mga katotohanang matatagpuan sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.
-
Magsanay ng mga kasanayan na makatutulong sa kanila na maging mas mahusay na mga guro ng ebanghelyo at mas matatag ang damdamin.
Paano binuo ang mga materyal ng kurso?
Ang manwal na ito ay naglalaman ng dalawang uri ng karanasan sa pagkatuto: mga pangunahing lesson at pagsasanay ng kasanayan.
Mga Pangunahing Lesson
Ang mga pangunahing lesson ay pangunahing resource para sa kursong ito. Nakatuon ang mga ito sa kabanata 1–6 at 11 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ang mga kabanatang ito ang pinakanauugnay sa mga kabataan at young adult na hindi kasalukuyang naglilingkod sa misyon.
Ang mga sumusunod ay listahan ng mga pangunahing lesson:
-
Lesson 1: Inaanyayahan Natin ang Iba na Lumapit kay Cristo
-
Lesson 2: Pambungad sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo
-
Lesson 3: Tuparin ang Iyong Layunin Bilang Misyonero (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 1)
-
Lesson 4: Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan at Isuot ang Baluti ng Diyos (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 2)
-
Lesson 5: Pag-aralan at Ituro ang Ebanghelyo ni Jesucristo (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 3)
-
Lesson 6: Magsanay sa Pagtuturo (Mga Tulong sa Pagtuturo ng mga Lesson mula sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo)
-
Lesson 7: Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 3)
-
Lesson 8: Hangarin at Umasa sa Espiritu (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 4)
-
Lesson 9: Gamitin ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 5)
-
Lesson 10: Hangaring Magkaroon ng mga Katangiang Tulad ng kay Cristo (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 6)
-
Lesson 11: Tulungan ang mga Tao na Gumawa at Tumupad ng mga Pangako (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 11)
-
Lesson 12: Pag-adjust sa Buhay-Missionary
-
Lesson 13: Sumulong nang may Pananampalataya
Ang Kahalagahan ng Kabanata 3
Tatlo sa mga pangunahing lesson ang nakatuon sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ang kabanatang ito ay naglalaman ng apat na lesson na itinuturo ng mga missionary pati na rin ng isang bahagi tungkol sa paanyaya na magpabinyag at makumpirma. Unahin sa lahat ang pag-aaral ng kabanata 3.
Ang Lesson 6: “Magsanay sa Pagtuturo” ay tumutulong sa mga miyembro ng klase na matuto at magturo mula sa mga lesson sa kabanata 3. Maaari mong ilaan ang mahigit sa isang klase sa lesson na ito. Maaari mo ring gugulin ang ilang bahagi ng iba pang mga oras ng klase gamit ang mga ideya mula sa lesson 6. Ang paggawa nito ay magbibigay sa mga miyembro ng klase ng paulit-ulit na pagkakataong pag-aralan, matutuhan, ituro, at ipamuhay ang mga alituntunin mula sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.
Pagkakaayos ng mga Pangunahing Lesson
Ang mga pangunahing lesson ay nag-aanyaya sa mga mag-aaral na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya upang mapalakas nila ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo. Ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagsisikap at pagkilos. Isipin kung paano matutulungan ng mga sumusunod na elemento ang mga miyembro ng iyong klase na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya at mapalapit sa Tagapagligtas.
Magrebyu at Mag-follow Up
Sa simula ng bawat lesson, pinag-iisipan ng mga mag-aaral ang mga pangakong ginawa nila sa mga naunang klase. Gamitin ito bilang pagkakataon para tulungan ang mga miyembro ng klase na matanto ang kanilang espirituwal na pag-unlad.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Karamihan sa mga pangunahing lesson ay kinabibilangan ng maraming opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral. Suriin ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng iyong klase at hingiin ang patnubay ng Espiritu Santo sa pagpili mo ng mga aktibidad sa pag-aaral na gagamitin mo. Maaari mo ring itanong sa mga miyembro ng klase kung aling mga lesson at aktibidad sa pag-aaral ang pinakakapaki-pakinabang sa kanila.
Hindi mo kailangang gamitin ang lahat ng opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral sa isang lesson sa isang sesyon ng klase. Magtuon sa pagbabalik-loob, hindi sa pagtalakay ng buong materyal. Kung kaya ng iyong pacing schedule, maaari kang mag-ukol ng mahigit sa isang klase kada lesson para magtuon sa iba’t ibang aktibidad sa pag-aaral.
Ang bawat aktibidad sa pag-aaral ay may mga bahaging ito:
-
Mag-aral. Mga ideya upang makilahok ang mga mag-aaral sa pag-aaral na naghihikayat ng mga gawaing dulot ng pananampalataya, tulad ng pagbabasa, pagsasaliksik, pagbibigay-diin, pagninilay, pagtatala o pagsusulat, pagtalakay, at pagpapatotoo.
-
Magsanay. Mga mungkahi na tutulong sa mga miyembro ng klase na gawin ang natutuhan nila. Karaniwang kabilang dito ang pagbubuod, pagpapaliwanag, at pagtuturo.
-
Magtakda ng mithiin. Oras na inilaan para ma-assess ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila at kung ano ang mga pangakong magagawa nila para matuto, umunlad, at bumuti. Maaari mong anyayahan ang mga mag-aaral na magdala ng personal study journal para itala ang kanilang mga mithiin sa buong kurso.
Mga tagubilin para sa mga guro o mga lider ng talakayan sa mga lesson
Kadalasan na pinangungunahan ng guro ang mga aktibidad sa pag-aaral. Gayunpaman, maaaring may mga sitwasyon kung saan ginagamit ng isang lider ng Simbahan, magulang, young adult, o kabataan ang aktibidad sa pag-aaral. Para ipakita ang mga posibilidad na ito, kasama sa mga lesson ang mga kahon ng tagubilin na may label na “lider ng talakayan.”
Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila at magtakda ng mga mithiin. Maaari mo ring ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila.
Ang mga tagubiling ito ay maaaring gumabay sa mga guro o mga lider ng talakayan sa kanilang paghahanda at pagtuturo.
Mga Pagsasanay ng Kasanayan
Kasama sa kursong ito ang 10 pagsasanay ng kasanayan sa dulo ng manwal. Ang mga pagsasanay ng kasanayan ay naglalayong tulungan ang mga mag-aaral na magkaroon ng mga kasanayan para sa epektibong pagtuturo at katatagan ng damdamin.
Ang sumusunod ay listahan ng mga pagsasanay ng kasanayan:
-
Pagsasanay ng Kasanayan 1: Ipakilala ang Aklat ni Mormon sa mga Tao
-
Pagsasanay ng Kasanayan 2: Gamitin ang mga Banal na Kasulatan sa Iyong Pagtuturo
-
Pagsasanay ng Kasanayan 3: Turuan ang mga Tao kung Paano Manalangin
-
Pagsasanay ng Kasanayan 4: Magtanong ng mga Inspiradong Tanong
-
Pagsasanay ng Kasanayan 5: Sikaping Isaulo ang mga Banal na Kasulatan
-
Pagsasanay ng Kasanayan 6: Makipag-usap sa Lahat
-
Pagsasanay ng Kasanayan 7: Tumugon sa Nadaramang Kakulangan
-
Pagsasanay ng Kasanayan 8: Intensiyonal na Paghinga
-
Pagsasanay ng Kasanayan 9: Gamitin nang Tama ang Teknolohiya
-
Pagsasanay ng Kasanayan 10: Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip
Ang mga pagsasanay ng kasanayan ay maaaring ituro kasama ng pangunahing lesson sa iisang class period. Ang ilang pangunahing lesson ay nagbibigay ng mga mungkahi na nauugnay sa mga pagsasanay ng kasanayan.
Ang mga pagsasanay ng kasanayan ay dapat tumagal lamang ng mga 15 hanggang 20 minuto, ngunit maaari mong iakma ang mga ito upang maging mas mahaba o mas maikli. Hindi mo kailangang ituro lahat ng pagsasanay ng kasanayan, at maaari mong ituro ang mga ito sa anumang pagkakasunud-sunod. Bagama’t ang mga pagsasanay ng kasanayan ay mahalaga, dapat mong gugulin sa mga pangunahing lesson ang karamihan sa oras mo sa pagtuturo sa buong kurso.
Isulat ang Iyong mga Naisip
Tingnan ang listahan ng mga pagsasanay ng kasanayan. I-highlight ang sa palagay mo ay maaaring magpala sa mga taong tuturuan mo.
Sino ang makikinabang sa pag-aaral ng kursong ito?
Bagama’t marami sa mga mag-aaral na dumadalo sa klaseng ito ang maghahanda para sa teaching mission, maaaring naghahanda ang ilan para sa service mission. Ang iba ay maaaring walang plano na maglingkod sa full-time mission, ngunit may hangaring matuto kung paano ibahagi ang ebanghelyo nang mas epektibo at tumulong sa pagtitipon ng Israel. Maging sensitibo sa mga pangangailangan ng lahat ng kalahok, hindi lamang sa mga naghahanda para sa isang teaching mission. Maghanap ng mga pagkakataong tulungan ang lahat ng mag-aaral na makita ang mga pagpapala at pakinabang ng kursong ito. Halimbawa, maaari kang maglaan ng ilang oras sa kurso para rebyuhin ang mga pagkakataon at pagpapala ng service mission (tingnan sa ChurchofJesusChrist.org/service-missionary/a-service-mission?lang=tgl para sa karagdagang impormasyon).
Makatatanggap ba ng institute credit ang mga miyembro ng klase para sa kursong ito?
Para sa impormasyon kung paano makatanggap ng credit para maka-graduate sa institute o credit na maaaring ilipat sa mga paaralan ng Simbahan, tingnan sa InstituteCredit.ChurchofJesusChrist.org.
Paano ko pinakamainam na maoorganisa ang kursong ito para sa mga taong dumadalo sa klase ko?
Ang kursong ito ay naiaangkop [flexible]. Maaari itong gamitin ng mga branch, ward, stake, at institute. Maaari itong gamitin ng isang klase sa loob lamang ng ilang linggo o sa loob ng ilang buwan. Maaari din itong iangkop para sa paggamit sa tahanan.
Ipinapakita ng sumusunod na talahanayan kung paano maoorganisa ang 50 minutong klase:
|
50-Minutong Klase |
50-Minutong Klase |
50-Minutong Klase | ||||||
|---|---|---|---|---|---|---|---|---|
50-Minutong Klase Magrebyu at Mag-follow Up 5 minuto | 50-Minutong Klase Isang Aktibidad sa Pag-aaral 30 minuto | 50-Minutong Klase Pagsasanay ng Kasanayan 15 minuto | ||||||
Ang mga klase na nagkikita sa loob ng ilang buwan ay maaaring magklase nang mahigit sa isa para sa isang partikular na lesson.
|
90-Minutong Klase |
90-Minutong Klase |
90-Minutong Klase | ||||||
|---|---|---|---|---|---|---|---|---|
90-Minutong Klase Magrebyu at Mag-follow Up 5 minuto | 90-Minutong Klase Isang Aktibidad sa Pag-aaral 60 minuto | 90-Minutong Klase Pagsasanay ng Kasanayan 25 minuto | ||||||
Ang mga sumusunod na halimbawa ay naglalarawan ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo ng nilalaman sa kursong ito.
Halimbawa 1: Stake Class (20 sesyon; 60 minuto bawat klase)
Naghahanda si Brother Lawal na magturo ng kursong paghahanda ng missionary para sa kanyang stake sa Accra, Ghana. Ang kanyang klase ay magkikita nang lingguhan. Ito ang plano ni Brother Lawal:
-
Magturo ng isang pangunahing lesson sa una at ikatlong Linggo ng buwan.
-
Dahil ang klase ay maraming bagong miyembro ng Simbahan at ang ilan ay hindi miyembro ng Simbahan, nagpasiya si Brother Lawal na mas bigyang-diin ang pangunahing lesson 6. Nagpasiya siya na gumawa ng isang aktibidad sa pag-aaral mula sa pangunahing lesson 6 sa ikalawa at ikaapat na Linggo ng bawat buwan. Bibigyan nito ang kanyang klase ng maraming pagkakataong pag-aralan at ituro ang mahalagang doktrina mula sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.
-
Tinukoy din niya ang apat na pagsasanay ng kasanayan na nais niyang gamitin sa kanyang klase. Nagpasiya siya na gagawin niya ang isang pagsasanay ng kasanayan tuwing makalawang linggo. Napakahalaga ng isang kasanayan para sa kanyang klase kaya nagpasiya siya na gagamitin niya ito sa dalawang magkaibang sesyon ng klase.
Halimbawa 2: Stake Class (7 sesyon; 60 minuto bawat klase)
Naghahanda sina Brother at Sister Green na ituro ang kursong paghahanda ng missionary para sa kanilang stake sa Provo, Utah. Magkikita ang klase nila tuwing makalawang linggo.
-
Matapos makipag-usap sa kanilang stake president, nagpasiya silang magturo ng mga pangunahing aralin 1, 3, 6, 9, at 12. Gagamitin nila ang tatlong sesyon ng klase upang magtuon sa pangunahing lesson 6. Ang paggawa nito ay magbibigay sa klase ng maraming pagkakataong matuto, maunawaan, at magsanay sa pagtuturo ng mahahalagang katotohanan mula sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.
-
Batay sa payo ng kanilang stake president, magkakaroon din ng oras ang mga Green sa kurso para sa pagsasanay ng mga kasanayan na “Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip” at “Makipag-usap sa Lahat.”
Halimbawa 3: Institute Class (14 na sesyon; 90 minuto bawat klase)
Naghahanda si Sister Silva na magturo ng klase sa paghahanda ng missionary para sa kanyang institute sa Manaus, Brazil. Ang kanyang klase ay magkikita nang lingguhan sa loob ng 90 minuto. Nagpasiya si Sister Silva na gawin ang sumusunod:
-
Maglalaan siya ng 50 minuto sa unang 11 linggo sa iba’t ibang pangunahing lesson. Dahil alam niya na may ilang miyembro ng kanyang klase ang may mga tanong tungkol sa Espiritu Santo, nagpasiya siyang mag-ukol ng hindi bababa sa dalawang klase sa pangunahing lesson 8: “Hangarin at Umasa sa Espiritu.”
-
Nais ni Sister Silva na tulungan ang mga miyembro ng kanyang klase na madagdagan ang kanilang kumpiyansa na ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Ipinasiya niya na sa unang 11 linggo, isasama sa 6 sa mga klase ang 30 minuto gamit ang pangunahing lesson 6 para tulungan ang mga miyembro ng klase na matutuhan at ituro ang doktrina sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Nagpasiya rin siya na sa linggo 12 at 13, gagamitin nila ang buong oras ng klase sa paghahanda at pagtuturo ng maiikling lesson sa isa’t isa.
-
Natukoy ni Sister Silva ang ilang kasanayan na papraktisin na magpapala sa mga miyembro ng kanyang klase. Nagpasiya siyang gawin ang mga pagsasanay na iyon sa unang 11 linggo sa mga araw na hindi nakaiskedyul ang mga ito na ituro mula sa kabanata 3.
-
Sa huling araw, plano niyang tapusin ang kurso sa pangunahing lesson 13: “Sumulong nang may Pananampalataya.”
Isulat ang Iyong mga Naisip
Gamit ang mga sumusunod na tanong, simulan ang pagpaplano kung paano ninyo gagamitin ang mga sanggunian sa kursong ito:
-
Ilang klase ang idaraos mo? Ilang oras sa bawat klase?
-
Paano mo isasagawa ang mga pangunahing lesson sa iyong kurso?
-
Gaano kadalas mo ipapagamit sa iyong klase ang Lesson 6: “Magsanay sa Pagtuturo”?
-
Alin sa mga pagsasanay ng kasanayan ang pinakamahalaga sa iyong klase? Kailan mo gagamitin ang mga ito?
Gumawa ng plano na angkop sa iyong klase. Sa pagpaplano mo ng iyong iskedyul, maaari kang humingi ng input mula sa mga miyembro ng klase kung aling mga paksa sila mas interesado at nauugnay sa kanila.
Tandaan, ang pangunahing mithiin ay pagbabalik-loob kay Jesucristo, hindi ang talakayin ang buong materyal. Huwag tambakan ng aktibidad ang mga klase mo. Ang espirituwal na pag-unlad ay hindi maaaring madaliin o pilitin. Makuntento sa kung ano ang maaari mong maisakatuparan sa isang makabuluhang paraan sa oras na mayroon ka.