Pagsasanay ng Kasanayan 6
Makipag-usap sa Lahat
Kapag ang mga nakababata ay nakikipag-usap sa mga taong hindi nila kilala, karaniwang hindi sila komportable o sila ay kinakabahan. Ang aktibidad na ito ay makatutulong sa mga miyembro ng klase na makapagpraktis na makipag-usap sa mga taong kakakilala lang nila.
Lider ng talakayan: Sikaping gawing maikli ang mga bahaging “Ipaliwanag” at “Ipakita” upang magkaroon ng maraming oras ang mga mag-aaral para magsanay.
Ipaliwanag
Lider ng talakayan: Ipaliwanag na bahagi ng gawaing misyonero ang pakikipag-usap sa mga taong hindi mo kilala araw-araw.
-
Ano ang karanasan mo kamakailan kung saan kinausap mo ang isang tao sa unang pagkakataon? Kumusta naman iyon?
Lider ng talakayan: Bago ipakilala ang mga partikular na tuntunin na pagtutuunan ng pagsasanay na ito ng kasanayan, isiping basahin ninyo nang sama-sama ang “Makipag-usap sa Lahat” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2023], 189–90). Maaari mong anyayahan ang mga mag-aaral na talakayin ang mga mungkahing nakita nilang pinakamakakatulong sa kanila.
Ipaliwanag na ang pagsasanay na ito ng kasanayan ay nakatuon sa tatlong tuntunin na hango sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo (tingnan sa pahina 189–90) at Pag-adjust sa Buhay-Missionary (tingnan sa pahina 35–36). Idispley ang mga tuntunin na ito at anyayahan ang ilang miyembro ng klase na magsalitan sa pagbabasa nito nang malakas
-
Maghanap ng isang simpleng paraan upang masimulan ang pakikipag-usap sa isang tao. Maging mabait, magiliw, at palakaibigan. Subukang magsabi ng hello, magbigay ng papuri, mag-alok na tumulong, o magtanong (tingnan ang susunod na bullet point para sa mga halimbawa).
-
Magtanong. Isiping tanungin ang mga tao tungkol sa mga bagay na kawili-wili o mahalaga para sa kanila. Maaaring kabilang dito ang kanilang trabaho, libangan, interes, pamilya, o kung saan sila nagsisimba o nag-aaral. Maging handang sagutin ang kanilang mga tanong tungkol sa iyo.
-
Makinig nang taos-puso. Makinig nang mabuti sa sinasabi ng tao, at huwag alalahanin kung ano ang susunod mong sasabihin. Tingnan sila sa mata habang kayo ay nag-uusap. Ipakita na interesado ka sa taong kausap mo at sa kanyang mga sinasabi. Maaari kang magbigay ng karagdagang mga tanong para mas maunawaan mo siya.
Ipakita
Lider ng talakayan: Ipakita sa klase kung paano ito ginagawa sa pamamagitan ng pag-anyaya sa isang kalahok na samahan ka sa harapan. Kausapin ang kalahok na sinusunod ang mga tuntunin na nakalista sa nakaraang bahagi. Kapag tapos ka na, sabihin sa klase na ibahagi kung paano nila nakita na sinusunod mo ang mga tuntunin.
Ang isang paraan para maipakita mo ang paggamit ng kasanayang ito ay sa pamamagitan ng pagpapalabas ng video na “Talking with Everyone” (ChurchofJesusChrist.org; panoorin mula time code 4:00 hanggang 6:08).
Magsanay
Lider ng talakayan: Bigyan ng kapartner ang bawat kalahok. Pagkatapos ay ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin. Kung may oras pa, bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na magpraktis pa nang ilang beses kasama ang iba pa nilang kaklase.
Kasama ang iyong kapartner, magsalitan sa pagsisimula ng pag-uusap sa pamamagitan ng paggamit ng tatlong tuntunin na tinalakay natin:
-
Maghanap ng isang simpleng paraan upang masimulan ang pakikipag-usap sa isang tao.
-
Magtanong.
-
Makinig nang taos-puso.
Ipamuhay
Lider ng talakayan: Ibahagi ang sumusunod na paanyaya. Maaari kang mag-follow up tungkol sa paanyayang ito sa isang klase sa hinaharap.
Maghanap ng mga pagkakataon sa susunod na linggo na magsimula ng isang pakikipag-uusap sa isang tao na hindi mo pa kilala o hindi mo masyadong kilala. Magpraktis sa paggamit ng mga kasanayan na natutuhan mo ngayon sa pagkikipag-usap na iyon.