Mga Kurso Tungkol sa Ebanghelyo
Pagsasanay ng Kasanayan 8: Intensiyonal na Paghinga


Pagsasanay ng Kasanayan 8

Intensiyonal na Paghinga

taong humihinga

Habang naglilingkod sa misyon at sa ating pang-araw-araw na buhay, karaniwan na dumaan sa mga nakaka-stress na sitwasyon. Ang intensiyonal na paghinga ay isang pamamaraan na maaari nating gamitin upang mabawasan ang stress at mapagaan ang ating pakiramdam.

Lider ng talakayan: Sikaping gawing maikli ang mga bahaging “Ipaliwanag” at “Ipakita” upang magkaroon ng maraming oras ang mga mag-aaral para magsanay.

Ipaliwanag

Lider ng talakayan: Isiping sabihin sa mga mag-aaral na pag-usapan kung paano makakaapekto sa atin ang stress sa positibo at negatibong paraan. Kung kinakailangan, maaari mong idispley ang sumusunod na paliwanag:

Ang pagdanas ng stress ay makapagbibigay sa atin ng mga pagkakataong makagawa ng mga bagay na higit pa sa karaniwan nating ginagawa, umunlad, at umasa sa Diyos para sa lakas. Gayunpaman, ang pagkakaroon ng matinding stress o palaging pagkakaroon ng stress sa loob ng mahabang panahon ay maaaring humantong sa pisikal at emosyonal na mga hamon.

Lider ng talakayan: Basahin at talakayin nang sama-sama ang payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 101:16. Itanong sa mga kalahok kung paano naaangkop ang payong ito sa mga sitwasyong nakaka-stress, kabilang na ang mga sitwasyong maaari nilang kaharapin bilang mga missionary. Maaari mong ipakilala ang kasanayan ng intensiyonal na paghinga sa pamamagitan ng pagdispley ng sumusunod:

Ang isang positibong paraan upang makaya ang mga negatibong anyo ng stress ay sa pamamagitan ng mga intentional breathing exercise. Ang intensiyonal na paghinga ay makakatulong sa atin na mapakalma ang ating isipan at katawan. Tumutulong din ito para mapagbuti ang ating konsentrasyon, makontrol ang ating emosyon, mapahusay ang ating memorya, at mas madaling madama ang mga pahiwatig ng Espiritu.

Ipakita

Lider ng talakayan: Narito ang dalawang uri ng mga deep-breathing exercise na maaari mong ipakita:

Opsiyon 1: Box breathing

Umupo sa isang upuan at maging komportable. Tiyakin na ang iyong likod ay suportado at ang iyong mga paa ay maayos na nakalapat sa sahig. Maaari mong buksan o ipikit ang iyong mga mata.

  • Hakbang 1: Huminga papasok sa pamamagitan ng iyong ilong at dahan-dahang bumilang hanggang lima, para mapuno ng hangin ang iyong baga.

  • Hakbang 2: Pigilin ang iyong hininga sa loob ng limang segundo. Subukang huwag bumuga ng hangin sa loob ng limang segundo.

  • Hakbang 3: Dahan-dahang huminga palabas sa iyong bibig sa loob ng limang segundo.

  • Hakbang 4: Tumigil nang limang segundo.

  • Hakbang 5: Ulitin ang mga hakbang 1 hanggang 4 hanggang sa gumaan ang iyong pakiramdam.

Lider ng talakayan: Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan upang matulungan ang mga mag-aaral na mas maunawaan ang breathing exercise na ito:

huminga

Opsiyon 2: Breathing exercise sa Pag-adjust sa Buhay-Missionary

Lider ng talakayan: Tulungan ang mga mag-aaral na hanapin ang Pag-adjust sa Buhay-Missionary sa Gospel Library (Library > Mga Hanbuk at Calling > Mga Calling sa Mission > Pag-adjust sa Buhay-Missionary).

Hanapin ang aktibidad na “Breathing Exercise” sa bahaging “Pangkalahatang mga Tuntunin para Makayanan ang Stress” ng Pag-adjust sa Buhay-Missionary ([2013], 18). Sundin ang tatlong hakbang na inilarawan sa aktibidad.

Magsanay

Lider ng talakayan: Pagkatapos ipakita ang isa o parehong breathing exercise, bigyan ang mga kalahok ng oras upang mapraktis ang mga ito. Maaari mong silang sabihan na i-rate mula 1 hanggang 5 ang nadarama nilang stress o pagkabalisa bago at pagkatapos ng breathing exercise para malaman kung may napansin silang pagkakaiba.

Ipamuhay

Lider ng talakayan: Magbigay ng paanyaya na tulad ng sumusunod para matulungan ang mga kalahok na magamit ang kasanayang ito:

Praktisin ang intensiyonal na paghinga sa loob ng ilang minuto bawat araw at kapag nakaramdam ka ng stress. Pansinin ang iyong nadarama habang ikaw ay nagpapraktis. Manalangin sa Ama sa Langit para humingi ng tulong kapag may mga nakakastress na sitwasyon sa iyong buhay.