Lesson 10
Hangaring Magkaroon ng mga Katangiang Tulad ng kay Cristo
Mangaral ng Aking Ebanghelyo, Kabanata 6
“Ang isang mahalagang paraan para mahanap natin si Jesus ay ang pagsisikap na matuto tungkol sa Kanya at maging higit na katulad Niya” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo [2023], 142). Ang paghahangad na magkaroon ng mga katangian ni Jesucristo ay makatutulong sa atin na maging mas epektibo sa pagbabahagi ng ebanghelyo ng Tagapagligtas. Sa tulong ng Tagapagligtas, unti-unti tayong magkakaroon ng mga katangian na tutulong sa atin na maging higit na katulad Niya.
Magrebyu at Mag-follow Up
Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na isipin ang kanilang mga pagsisikap kamakailan na ipamuhay ang kanilang natututuhan sa klaseng ito. Maaari mo silang anyayahan na ibahagi ang ilan sa kanilang mga pagsisikap sa isang kapartner o sa buong klase.
Iminumungkahing Aktibidad sa Pag-aaral
Paano ako magiging higit na katulad ng Tagapagligtas?
Mag-aral
Lider ng talakayan: Magpakita ng mga larawan ng Tagapagligtas, tulad ng mga sumusunod. Sabihin sa mga mag-aaral na ibahagi ang mga katangiang tulad ng kay Cristo na nakikita nila sa mga larawang ito. Maaari mo ring ipanood ang video na “Christlike Attributes” (2:53; ChurchofJesusChrist.org) para matulungan ang mga miyembro ng klase na makita ang iba pang mga halimbawa ng mga katangian ng Tagapagligtas.
-
Ano ang ilan sa mga katangian ng Tagapagligtas na lubos mong hinahangaan? Bakit?
Lider ng talakayan: Ipaliwanag na sa lesson na ito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na malaman ang kahalagahan ng paghahangad ng mga katangiang tulad ng kay Cristo sa gawaing misyonero. Sabihin sa kanila na humingi ng patnubay mula sa Espiritu Santo upang malaman kung aling mga katangian ang nais ng Panginoon na sikapin nilang linangin sa kanilang sariling buhay. Ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin:
Basahin ang “Pambungad” at “Hanapin Ang Jesus Na Ito” sa kabanata 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 141–42). Bigyang-diin ang mga pagpapalang kaugnay ng pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo.
Lider ng talakayan: Maaari mo ring sabihin sa klase na sama-sama ninyong pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 4 tulad ng inilalarawan sa kahon na “Personal na Pag-aaral” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 142).
Sabihin sa mga miyembro ng klase na talakayin ang mga bagay na kapansin-pansin sa kanilang pinag-aralan. Magagamit ang sumusunod na mga tanong sa talakayang ito:
-
Paano makatutulong sa iyo na maging mas mabuting missionary ang pagsisikap na maging higit na katulad ni Jesucristo?
-
Ano ang papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa pagtulong sa iyo na maging higit na katulad Niya?
Lider ng talakayan: Habang tinatalakay ninyo ang naunang tanong, isiping anyayahan ang mga mag-aaral na basahin ang mga bahaging “Mga Kaloob mula sa Diyos” at “Isang Paunti-unting Proseso” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 142). Sabihin sa kanila na hanapin ang mga salita o parirala sa mga bahaging ito na makatutulong sa kanila na mas maunawaan na kailangan nilang umasa sa Tagapagligtas para magkaroon sila ng mga katangiang tulad ng kay Cristo.
-
Ano ang nakatulong sa iyo para magsikap na maging higit na katulad ng Tagapagligtas?
Magsanay
Lider ng talakayan: Ang bahaging ito ng lesson ay naglalayong tulungan ang mga mag-aaral na malaman kung alin sa mga katangian ng Tagapagligtas ang nais nilang magkaroon. Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin.
-
Kumpletuhin ang “Aktibidad Ukol sa mga Katangian” sa dulo ng kabanata 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 155–58).
-
Batay sa iyong mga sagot, pumili ng katangiang tulad ng kay Cristo na nais mong higit na maunawaan at magkaroon.
-
Hanapin at pag-aralan ang bahagi tungkol sa napili mong katangian sa kabanata 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.
Lider ng talakayan: Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi sa isang kapartner kung aling katangian ang pinili nilang pag-aralan, kasama ang maikling buod ng natutuhan nila.
Magtakda ng mithiin
Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:
Gumawa ng plano kung paano mo hahangarin na magkaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo na pinag-aralan mo. Maaari mong gamitin ang mga mungkahi sa ilalim ng pamagat na “Isang Huwaran ng Pagiging Higit na Tulad ni Cristo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 134) para matulungan ka. Huwag mag-alala kung hindi ka perpekto sa katangiang ito. Patuloy na magsikap at tutulungan ka ng Tagapagligtas.
Ang aking mithiin
-
Ako ay … (ang gagawin mo).
-
Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).
Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay mayroong grupo kung saan ibinabahagi nila ang kanilang mga pangako sa kabuuan ng kurso, bigyan sila ng oras para ibahagi kung paano nila susuportahan o papaalalahanan ang isa’t isa bago magsimula ang susunod na klase.
Sa Susunod
Lider ng talakayan: Kung handa ka nang ituro ang lesson 11 sa susunod na klase, isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang kabanata 11 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo bilang paghahanda. Maaari kang magpadala sa kanila ng isang paalala.