Lesson 9
Gamitin ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon
Mangaral ng Aking Ebanghelyo, Kabanata 5
“Ang Aklat ni Mormon, kasama ang Espiritu, ang pinakamabisa mong kasangkapan sa pagbabalik-loob” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo [2023], 129). Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo kay Jesucristo at ito ang kasangkapan na inihanda ng Diyos para tipunin ang Israel sa mga huling araw. Kapag pinag-aralan natin ang Aklat ni Mormon at ipinamuhay ang mga turo nito, mas mapapalapit tayo sa Diyos.
Magrebyu at Mag-follow Up
Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na isipin ang kanilang mga pagsisikap kamakailan na ipamuhay ang kanilang natututuhan sa klaseng ito. Maaari mo silang anyayahan na ibahagi ang ilan sa kanilang mga pagsisikap sa isang kapartner o sa buong klase.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Lider ng talakayan: Mapanalanging piliin ang (mga) opsiyon sa pag-aaral na pinakamainam para sa iyong klase. Siguraduhing maglaan ng maraming oras para sa pagsasanay at pagsasabuhay.
Opsiyon A: Bakit mahalagang kasangkapan ang Aklat ni Mormon sa pagbabahagi ng ebanghelyo?
Mag-aral
Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na mag-isip ng isang kasangkapan o tool na madalas nilang gamitin. Maaari ninyong talakayin ang mga tanong na tulad ng sumusunod:
-
Paano pinadadali ng kasangkapang ito ang iyong buhay?
-
Anong mga kasangkapan ang ibinigay sa atin ng Diyos para gawin ang Kanyang gawain?
Lider ng talakayan: Ipabasa nang malakas sa isang miyembro ng klase ang unang talata sa kabanata 5 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 129). Sabihin sa mga mag-aaral na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang isa sa mga kasangkapan na ginagamit ng Diyos para tulungan ang mga tao na lumapit sa Kanya. Maaari mo ring gamitin ang mga sumusunod na pahayag bilang bahagi ng talakayang ito.
Itinuro ni Elder David A. Bednar:
Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo at mabisang instrumento ng pagbabalik-loob sa mga huling araw. (“Nasasandatahan ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos sa Dakilang Kaluwalhatian,” Liahona, Nob. 2021, 28–30)
Nagpatotoo si Elder Ulisses Soares:
Ang Aklat ni Mormon ay kasangkapan ng Diyos upang maisagawa ang pagtitipon ng Israel sa ating panahon at maipakilala sa mga tao ang Kanyang Anak na si Jesucristo. (“Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon,” Liahona, Mayo 2020, 33)
Lider ng talakayan: Isiping isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pangungusap: Ang Aklat ni Mormon ang isa sa pinakamahalagang kasangkapan sa pagbabahagi ng ebanghelyo ng Tagapagligtas dahil …
Sabihin sa mga mag-aaral na kumpletuhin ang pangungusap. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin:
Pumili ng bahagi mula sa kabanata 5 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 129–40) na pag-aaralan. Habang binabasa mo ito, alamin ang iba pang mga dahilan kung bakit ang Aklat ni Mormon ay mahalagang kasangkapan sa pagbabahagi ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.
Lider ng talakayan: Pagkatapos mag-aral ng mga mag-aaral, anyayahan silang ibahagi ang iba pang paraan kung paano nila kukumpletuhin ang pangungusap sa pisara. Maaari ding talakayin ng mga mag-aaral ang isa o lahat ng tanong sa ibaba. Kung babanggitin nila ang mga partikular na mga talata mula sa Aklat ni Mormon sa kanilang mga sagot sa alinman sa mga tanong, isiping basahin ang mga talatang ito nang sama-sama bilang isang klase.
-
Ano ang mga karanasan mo sa pagbabahagi sa ibang tao ng mga katotohanan mula sa Aklat ni Mormon?
-
Paano mo nakita ang mga katotohanan sa Aklat ni Mormon na nakatulong sa iyo o sa ibang tao na mapalapit kay Jesucristo?
Lider ng talakayan: Isiping ibahagi ang sarili mong sagot sa mga naunang tanong. Maaari mo ring ipalabas ang video na “Shaquille’s Story about the Book of Mormon” (1:28; ChurchofJesusChrist.org). Talakayin kung paano nakatulong ang Aklat ni Mormon sa kanyang mga tanong at pagbabalik-loob kay Jesucristo.
Magsanay
Lider ng talakayan: Ipaliwanag na ang isang dahilan kung bakit mahalagang sanggunian ang Aklat ni Mormon sa pagbabahagi ng ebanghelyo ay dahil naglalaman ito ng mga sagot sa mga tanong na mahalaga sa kawalang-hanggan. Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga mag-aaral na makapagpraktis na gamitin ang Aklat ni Mormon sa paghahanap at pagbabahagi ng mga sagot sa mga tanong na ito. Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin:
-
Hanapin ang bahaging pinamagatang “Sinasagot ng Aklat ni Mormon ang mga Tanong ng Kaluluwa” sa kabanata 5 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 134–35).
-
Pumili ng isang tanong mula sa bahaging iyon na gusto mong pagtuunan.
-
Basahin ang kaugnay na mga scripture passage at isipin kung paano makatutulong ang mga scripture passage na iyon sa tanong na pinili mo.
-
Maghanda na ibahagi ang isa sa mga talatang pinag-aralan mo at ipaliwanag kung paano nito sinasagot ang tanong.
Lider ng talakayan: Pagkatapos ay pagpartner-partnerin ang klase. Sabihin sa bawat miyembro ng klase na ibahagi sa kanilang kapartner ang inihanda nila para sa hakbang 4. Pagkatapos turuan ng mga magkakapartner ang isa’t isa, maaari mo silang bigyan ng bagong kapartner, para muli silang makapagpraktis.
Para sa karagdagang praktis, maaari mong gamitin ang Pagpraktis ng Kasanayan 1: “Ipakilala ang Aklat ni Mormon sa mga Tao”.
Magtakda ng mithiin
Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila at magtakda ng mithiin. Ang isang paraan na magagawa mo ito ay ang pagbabahagi ng sumusunod na pahayag ni Elder Ronald A. Rasband at ang paanyaya sa ibaba nito:
Inaanyayahan ko kayo, sa araw na ito, na magbigay ng Aklat ni Mormon sa inyong mga kaibigan at kapamilya, sa inyong mga kasamahan sa trabaho, sa inyong soccer coach, o sa tindero sa inyong palengke. Kailangan nila ang mga salita ng Panginoon na matatagpuan sa aklat na ito. Kailangan nila ng mga sagot sa mga tanong tungkol sa pang-araw-araw na buhay at tungkol sa buhay na walang hanggan na darating. Kailangan nilang malaman ang landas ng tipan na nakalatag sa kanilang harapan at ang matibay na pagmamahal ng Panginoon para sa kanila. Naritong lahat iyon sa Aklat ni Mormon.
Kapag inabutan ninyo sila ng Aklat ni Mormon, binubuksan ninyo ang kanilang puso’t isipan sa salita ng Diyos. Hindi ninyo kailangang magdala ng nakalimbag na mga kopya ng aklat. Madali ninyo itong maibabahagi mula sa inyong mobile phone sa bahaging mga banal na kasulatan ng Gospel Library app. (“Sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2022, 27)
Mapanalanging isipin kung kanino mo maibabahagi ang Aklat ni Mormon. Alamin kung ano ang maituturo mo sa kanila tungkol sa Aklat ni Mormon at kung ano pa ang maaari mong sabihin. Itala ang iyong plano.
Ang aking mithiin
-
Ako ay … (ang gagawin mo).
-
Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).
Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay mayroong grupo kung saan ibinabahagi nila ang kanilang mga mithiin sa kabuuan ng kurso, bigyan sila ng oras para ibahagi kung paano nila susuportahan o papaalalahanan ang isa’t isa bago magsimula ang susunod na klase.
Opsiyon B: Paano makatutulong ang Aklat ni Mormon sa akin at sa ibang tao na mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Mag-aral
Lider ng talakayan: Sabihin sa isang miyembro ng klase na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson. Pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga mag-aaral na pagnilayan kung paano nila sasagutin nang personal ang mga tanong ni Pangulong Nelson.
Mahal kong mga kapatid, gaano kahalaga sa inyo ang Aklat ni Mormon? Kung aalukin kayo ng mga diyamante o mga rubi o ng Aklat ni Mormon, alin ang pipiliin ninyo? Ang totoo, alin ang mas mahalaga sa inyo? (“Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Liahona, Nob. 2017, 61)
-
Bakit mas mahalaga ang Aklat ni Mormon kaysa sa mga mamahaling bagay, tulad ng mga diyamante o rubi?
Lider ng talakayan: Para sa susunod na aktibidad sa pag-aaral, maaari mong anyayahan ang kalahati ng klase na pag-aralan ang “Ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatotoo kay Cristo” at pag-aaralan naman ng iba ang ”Tinutulungan Tayo ng Aklat ni Mormon na Mapalapit sa Diyos.”
Basahin ang mga bahaging may pamagat na “Ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatotoo kay Cristo” at “Tinutulungan Tayo ng Aklat ni Mormon na Mapalapit sa Diyos” sa kabanata 5 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 132, 134). Hanapin at i-highlight ang hindi bababa sa tatlong pangungusap na naglalarawan kung bakit mahalaga ang Aklat ni Mormon.
Lider ng talakayan: Pagkatapos ay pagpartner-partnerin ang klase. Tiyakin na iba ang bahaging pinag-aralan nila kaysa sa kanilang kapartner. Anyayahan ang mga mag-aaral na ibahagi sa kanilang kapartner ang tatlong pangungusap na kanilang sinalungguhitan at ipaliwanag kung bakit sa palagay nila ay mahalaga ang mga pangungusap na iyon.
Kapag natapos turuan ng mga magkapartner ang isa’t isa, maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang ilan sa mga talata mula sa kahon na “Pag-aaral ng Banal na Kasulatan” sa pahina 132 (sa ilalim ng heading na “Ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatotoo kay Cristo”). Maaari din ninyong sama-samang talakayin ang mga tanong na tulad ng sumusunod:
-
Paano nakatulong sa iyo ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon at pagsasabuhay ng mga turo nito na mapalapit sa Diyos?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon?
-
Paano naimpluwensyahan ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon ang iyong patotoo kay Jesucristo?
Magsanay
Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga mag-aaral na magpraktis sa paghahanap at pagbabahagi ng mga talata mula sa Aklat ni Mormon na nagpapatotoo kay Jesucristo. Maaari mong ipakilala ang aktibidad na ito sa pagsasanay sa pamamagitan ng pagpapalabas ng video na “Book of Mormon Experiment Honolulu” (2:35; ChurchofJesusChrist.org). Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin:
Maghanap ng mga scripture passage sa Aklat ni Mormon na nagpapatotoo kay Jesucristo. Maaari kang makahanap ng mga scripture passage mula sa mga kabanatang nakalista sa kahon na “Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon” sa kabanata 5 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 133, sa ilalim ng heading na “Ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatotoo kay Cristo”). O maaari kang maghanap ng iba pang mga scripture passage.
Para sa scripture passage na nahanap mo, itala ang mga sagot mo sa mga tanong na ito:
-
Ano ang itinuturo sa akin ng scripture passage na ito tungkol kay Jesucristo?
-
Paano makakaimpluwensya ang kaalamang ito tungkol kay Jesucristo sa akin at sa ibang tao?
Lider ng talakayan: Hatiin ang mga mag-aaral sa maliliit na grupo. Sabihin sa bawat miyembro ng grupo na ibahagi sa kanilang mga kagrupo ang isa o dalawa sa mga scripture passage na natagpuan nila. Sabihin din sa kanila na isulat ang kanilang mga sagot sa dalawang tanong sa itaas.
Magtakda ng mithiin
Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:
Magtakda ng mithiin na nauugnay sa iyong napag-aralan. Gumamit ng mga ideyang tulad ng sumusunod, o mag-isip ng sarili mo.
-
Pag-aralan ang Aklat ni Mormon araw-araw. Pagtuunan ng pansin ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo.
-
Ibahagi sa social media o sa isang kakilala mo ang isang talata mula sa Aklat ni Mormon na talagang makabuluhan para sa iyo. Ipaliwanag kung bakit mo piniling ibahagi ito.
-
Tingnan ang mga features ng Book of Mormon app (halimbawa, audio, mga wika, pakikipag-ugnayan sa mga missionary). Ibahagi sa isang tao ang Book of Mormon App.
Ang aking mithiin
-
Ako ay … (ang gagawin mo).
-
Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).
Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay mayroong grupo kung saan ibinabahagi nila ang kanilang mga mithiin sa kabuuan ng kurso, bigyan sila ng oras para ibahagi kung paano nila susuportahan o papaalalahanan ang isa’t isa bago magsimula ang susunod na klase.
Opsiyon C: Paano sinusuportahan ng Aklat ni Mormon at ng Biblia ang isa’t isa?
Mag-aral
Lider ng talakayan: Isiping simulan ang aktibidad na ito sa pag-aaral sa pagbabahagi ng sitwasyon na tulad ng sumusunod:
Isipin na kausap mo ang isang kaibigan na hindi miyembro ng Simbahan at pinag-uusapan ninyo ang tungkol sa iyong mga paniniwala sa relihiyon. Pagkatapos malaman ang tungkol sa iyong paniniwala tungkol sa Aklat ni Mormon, tinanong ka ng iyong kaibigan “Bakit mayroon pang Aklat ni Mormon kung mayroon na tayong Biblia?”
Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na isipin kung paano sila maaaring tumugon sa kanilang kaibigan. Maaari mo ring sabihin sa kanila na isipin kung nakaranas na ba sila ng katulad na sitwasyon. Pagkatapos ay ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin:
Basahin ang bahagi sa kabanata 5 ng Mangaral ng Aking Ebanghleyo na may pamagat na “Sinusuportahan ng Aklat ni Mormon at ng Biblia ang Isa’t Isa” (pahina 135–36). Maghanap ng mga turo na makakatulong sa taong tinanong sa sitwasyon.
Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na ibahagi ang natagpuan nila na makatutulong sa kanilang kaibigan mula sa sitwasyon. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaaring pag-aralan ng mga mag-aaral ang ilan sa mga talatang nakalista sa bahaging pinag-aralan nila, tulad ng Ezekiel 37:16–17 at 1 Nephi 13:40. Maaari ka ring magtanong na tulad ng sumusunod:
-
Bakit mahalaga na magkaroon ng maraming saksi kay Jesucristo?
-
Paano napalakas ng pag-aaral ng Biblia at Aklat ni Mormon ang iyong paniniwala kay Jesucristo?
Magsanay
Lider ng talakayan: Bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na magpraktis sa paghahanap ng mga scripture passage mula sa Biblia at Aklat ni Mormon na sumusuporta sa isa’t isa. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin:
Maghanap ng mga halimbawa sa banal na kasulatan na nagpapakita kung paano sinusuportahan ng Biblia at ng Aklat ni Mormon ang isa’t isa. Pumili ng isa o higit pa sa sumusunod na mga opisyon para matulungan kang gawin ito:
-
Pag-aralan ang mga halimbawang nakalista sa kahon na “Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon” sa dulong bahagi ng “Sinusuportahan ng Aklat ni Mormon at ng Biblia ang Isa’t Isa” sa kabanata 5 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 136).
-
Gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan para makahanap ng paksang interesado ka. Maghanap ng mga scripture passage mula sa Biblia at Aklat ni Mormon na nakalista sa paksang iyon.
-
Hanapin ang ilan sa mga paborito mong talata sa Aklat ni Mormon. Suriin ang mga footnote kung may mga talata sa Biblia na nakalista na magpapalalim sa iyong pag-unawa sa mga talatang ito.
Lider ng talakayan: Sabihin sa klase na ibahagi ang ilan sa mga halimbawang natagpuan nila sa isang kapartner o sa maliit na grupo. Maaari mo ring sabihan ang ilang estudyanteng handang magbahagi na ibahagi sa buong klase ang kanilang natagpuan.
Magtakda ng mithiin
Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:
Magtakda ng mithiin na nauugnay sa iyong napag-aralan. Gumamit ng mga ideyang tulad ng sumusunod, o mag-isip ng sarili mo.
-
Sa pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon, tingnan ang mga footnote at hanapin ang mga reperensya sa mga scripture passage sa Biblia na may kaugnayan sa pinag-aaralan mo.
-
Pag-aralan ang isa sa apat na Ebanghelyo sa Bagong Tipan (Mateo, Marcos, Lucas, o Juan). Habang nagbabasa ka, bigyang-pansin ang natututuhan at nadarama mo tungkol kay Jesucristo. Tingnan ang mga footnote at hanapin ang mga reperensya sa mga scripture passage sa Aklat ni Mormon na may kaugnayan sa inaaral mo.
Ang aking mithiin
-
Ako ay … (ang gagawin mo).
-
Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).
Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay mayroong grupo kung saan ibinabahagi nila ang kanilang mga mithiin sa kabuuan ng kurso, bigyan sila ng oras para ibahagi kung paano nila susuportahan o papaalalahanan ang isa’t isa bago magsimula ang susunod na klase.
Sa Susunod
Lider ng talakayan: Kung handa ka nang ituro ang lesson 10 sa susunod na klase, isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang kabanata 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo bilang paghahanda. Maaari kang magpadala sa kanila ng isang paalala.