Mga Kurso Tungkol sa Ebanghelyo
Lesson 5: Pag-aralan at Ituro ang Ebanghelyo ni Jesucristo


Lesson 5

Pag-aralan at Ituro ang Ebanghelyo ni Jesucristo

Mangaral ng Aking Ebanghelyo, Kabanata 3

lalaking nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Ang mga lesson na ginagamit ng mga missionary sa pagtuturo ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ay matatagpuan sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. “Ang mga lesson sa kabanatang ito ay naglalaman ng mahahalagang doktrina, alituntunin, at kautusan ng ebanghelyo ni Jesucristo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2023], 29). Kapag pinag-aralan at nagsanay sa pagtuturo ang mga mag-aaral mula sa mga lesson na ito, mas magiging handa sila na ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas sa iba.

Magrebyu at Mag-follow Up

Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na isipin ang kanilang mga pagsisikap kamakailan na ipamuhay ang kanilang natututuhan sa klaseng ito. Maaari mo silang anyayahan na ibahagi ang ilan sa kanilang mga pagsisikap sa isang kapartner o sa buong klase.

Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Lider ng talakayan: Mapanalanging piliin ang opsiyon sa pag-aaral o mga opsiyon na higit na kapaki-pakinabang sa iyong klase. Siguraduhing maglaan ng maraming oras para sa pagsasanay at pagsasabuhay.

Opsiyon A: Ano ang itinuturo ng mga missionary ng Panginoon?

Mag-aral

Lider ng talakayan: Ipaalala sa mga miyembro ng klase ang “Ang Iyong Layunin” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 1). Bigkasin ito nang sabay-sabay bilang isang klase. Ipaliwanag na ang isang mahalagang paraan para maisakatuparan ng mga missionary ang layuning ito ay sa pamamagitan ng pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga taong nakakasalamuha nila.

Bigyang-diin na ang mga lesson na itinuturo ng mga missionary ay matatagpuan sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin:

Basahin ang unang dalawang talata sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabilang na ang mga pamagat ng lesson, na inaalam kung ano ang ipinapaturo sa mga missionary.

Lider ng talakayan: Maaari din ninyong pag-aralan nang magkakasama ang ilan sa mga sumusunod na talata: Doktrina at mga Tipan 19:31; 33:10–11; 34:4–6; 42:12. Maaaring talakayin ng mga mag-aaral ang iba pang nalaman nila tungkol sa nais ng Panginoon na ituro ng Kanyang mga missionary.

Ipaliwanag na sa sumusunod na aktibidad, matututuhan ng mga mag-aaral ang format at istruktura ng mga lesson sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Para magsimula, isiping bigyan ang mga mag-aaral ng napakaikling buod ng isa sa mga lesson. Maaari mong ipakita ang lesson sa screen habang sama-sama ninyong nirerebyu ito. Ang mga sumusunod na tagubilin ay makatutulong sa iyo na magbigay ng isang napakaikling buod:

Hanapin ang “Lesson 1: Ang Mensahe ng Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo” (pahina 36–53). Mabilis na tingnan ang mga sumusunod na bahagi sa lesson na ito. Isipin kung paano ka matutulungan ng iba’t ibang bahaging ito ng lesson na epektibong maituro ang ebanghelyo ng Tagapagligtas.

  • Maaaring Iniisip ng mga Tao

  • Mga Mungkahi sa Pagtuturo

  • Ang Maaari Ninyong Ituro sa mga Tao sa Loob ng 15–25 Minuto

  • Mga Maaari Ninyong Itanong sa mga Tao

  • Mga Paanyayang Maaari Ninyong Ibigay

  • Pinagbatayang Doktrina

  • Tulong sa Pagtuturo (na matatagpuan sa buong lesson)

  • Balangkas ng Maikli hanggang Katamtamang Haba ng Lesson

Lider ng talakayan: Anyayahan ang mga mag-aaral na ibahagi ang nakita nila na makatutulong mula sa lesson na magkakasama ninyong nirebyu. Kung may oras pa, maaari mong ipaliwanag na ang “Lesson 4: Pagiging mga Disipulo ni Jesucristo Habambuhay” ay iba ang format kaysa sa unang tatlong lesson. Maaari din ninyong mabilis na rebyuhin nang magkakasama ang lesson na ito.

Magsanay

Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pag-aralan nang mas malalim ang isa sa mga lesson mula sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin, at bigyan ang mga mag-aaral ng mga 10 minuto para kumpletuhin ang mga ito nang mag-isa:

Pumili ng isa sa mga lesson sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo na gusto mong pag-aralan pa. Narito ang ilang ideya kung ano ang maaari mong gawin:

  • Basahin ang mga section heading ng lesson. Pagkatapos ay mag-ukol ng oras na pag-aralan nang mas malalim ang isa o higit pang mga bahaging interesante sa iyo.

  • Basahin ang kahon na “Maaaring Iniisip ng mga Tao” sa simula ng lesson (mga lesson 1–3 lamang). I-highlight ang mga tanong na pinakagusto mong sagutin. Maghanap ng mga sagot sa bahaging “Pinagbatayang Doktrina.”

  • Pag-aralan ang ilan sa mga buod sa bahaging “Pinagbatayang Doktrina.” Maaari mo ring pag-aralan ang ilan sa mga talata sa mga kahon na “Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.” Bigyang-pansin ang itinuturo sa iyo ng mga sanggunian na ito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Lider ng talakayan: Kapag tapos nang mag-aral ang mga miyembro ng klase, pagpartner-partnerin sila o hatiin sa maliliit na grupo. Anyayahan ang bawat tao na ibahagi ang pinagtuunan niya ng pansin sa aktibidad sa pag-aaral at ang natutuhan niya mula sa kanyang karanasan.

Magtakda ng mithiin

Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila ngayon at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:

Magtakda ng mithiin na nauugnay sa iyong napag-aralan. Gumamit ng mga ideyang tulad ng sumusunod, o mag-isip ng sarili mo.

  • Gumawa ng plano kung paano mo pag-aaralan ang doktrina mula sa mga lesson sa kabanata 3 sa iyong personal na pag-aaral.

  • Pumili ng buod mula sa isa sa mga bahaging “Pinagbatayang Doktrina” na gusto mong pag-aralan. Pag-aralan ang paksa, at gumawa ng maikling outline ng iyong natutuhan. Gamitin ang iyong outline para turuan ang isang kakilala mo.

Ang aking mithiin
  • Ako ay … (ang gagawin mo).

  • Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).

Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay may grupo na pagbabahaginan ng kanilang mga mithiin, bigyan sila ng oras na ibahagi kung paano nila susuportahan o paaalalahanan ang isa’t isa bago ang susunod na klase.

Opsiyon B: Paano maituturo nang epektibo ng mga missionary ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo?

Mag-aral

Lider ng talakayan: Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin ang mga nakaraang pagkakataon na naranasan nilang ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba (halimbawa, sa kanilang pamilya o mga kaibigan, sa simbahan, o sa seminary o institute). Maaari mong hilingin sa isa o dalawang mag-aaral na ibahagi ang kanilang mga karanasan, kabilang na ang naging maayos at ang sa palagay nila ay maaaring mas napaganda pa sana.

Ipaliwanag na ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral ay makatutulong sa mga miyembro ng klase na matuto kung paano ituro nang mas epektibo ang ebanghelyo ng Tagapagligtas. Maaaring kumpletuhin ng mga mag-aaral ang lahat ng apat na hakbang nang mag-isa, o maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-aapat na miyembro at mag-assign ng isang pag-aaralan sa bawat miyembro ng grupo.

Pag-aralan ang mga sumusunod na bahagi mula sa pambungad hanggang kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Hanapin ang mga katotohanan at gabay na tutulong sa inyo na maunawaan kung paano epektibong maituturo ng mga missionary ang ebanghelyo ng Tagapagligtas. Isiping markahan ang mga ideya na sa palagay mo ay pinakamahalaga.

  1. Magturo mula sa Inyong Puso Ayon sa Patnubay ng Espiritu” (pahina 31)

  2. Magturo at Magbigay ng Paanyaya ayon sa Pangangailangan ng Bawat Tao” (pahina 31)

  3. Ang mga scripture passage sa ilalim ng heading na “Ano ang iniutos na ituro mo?” (sa kahon na “Pag-aaral ng Banal na Kasulatan” sa pahina 32)

  4. Ang mga scripture passage sa ilalim ng heading na “Bakit mahalagang pag-aralan ang doktrina sa mga lesson?” (sa kahon na “Pag-aaral ng Banal na Kasulatan” sa pahina 32)

Lider ng talakayan: Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa maliliit na grupo o sa buong klase.

Magsanay

Lider ng talakayan: Bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na maghanda at magsanay sa pagtuturo ng mga simpleng buod mula sa isa sa mga lesson sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Maaari mong gamitin ang mga tuntunin na matatagpuan sa Lesson 6: “Magsanay sa Pagtuturo” para matulungan sila na maghanda sa paggawa nito. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na isama ang mga alituntuning natutuhan nila tungkol sa epektibong pagtuturo habang gumagawa at nagbabahagi sila ng kanilang mga buod. Kung may oras pa, maaari mong bigyan ng maraming pagkakataon ang mga mag-aaral na ituro ang buod na kanilang inihanda.

Magtakda ng mithiin

Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila ngayon at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:

Magtakda ng mithiin na nauugnay sa iyong napag-aralan. Gumamit ng mga ideyang tulad ng sumusunod, o mag-isip ng sarili mo.

  • Magsanay sa pagtuturo ng iyong buod sa kapamilya o kaibigan.

  • Ibahagi ang iyong buod, pati na ang iyong patotoo, sa social media.

  • Pag-aralan ang karagdagang nilalaman mula sa mga lesson sa kabanata 3.

Ang aking mithiin
  • Ako ay … (ang gagawin mo).

  • Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).

Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay may grupo na pagbabahaginan ng kanilang mga mithiin, bigyan sila ng oras na ibahagi kung paano nila susuportahan o paaalalahanan ang isa’t isa bago ang susunod na klase.

Sa Susunod

Lider ng talakayan: Kung balak mong gamitin ang lesson 6 sa pagsasanay sa pagtuturo sa susunod na klase, maaari mong anyayahan ang mga mag-aaral na pag-aralan ang isa sa mga lesson mula sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo bilang paghahanda. Kung handa ka nang pag-aralan ang lesson 7 sa susunod, isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang “Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma” mula sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 33–34) bilang paghahanda. Maaari ka ring magpadala sa kanila ng isang paalala.