Mga Kurso Tungkol sa Ebanghelyo
Pagsasanay ng Kasanayan 9: Gamitin nang Tama ang Teknolohiya


Pagsasanay ng Kasanayan 9

Gamitin nang Tama ang Teknolohiya

lalaki gamit ang kanyang telepono

Ang paggamit ng teknolohiya ay maaaring maghatid ng mga oportunidad at mga hamon. Sa tamang paggamit ng teknolohiya, mas matutupad natin ang mga layunin ng Panginoon para sa atin bilang mga missionary at sa ating buhay sa araw-araw.

Lider ng talakayan: Sikaping gawing maikli ang mga bahaging “Ipaliwanag” at “Ipakita” upang magkaroon ng maraming oras ang mga mag-aaral para magsanay.

Ipaliwanag

Lider ng talakayan: Ipakilala ang paksa para sa pagsasanay na ito ng kasanayan sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng mga sumusunod:

Ang mga electronic device tulad ng cellphone at computer ay maaaring maging mabisang kasangkapan upang isulong ang gawain ng Panginoon, matulungan tayong maging mas produktibo, at mapaunlad ang positibong mga relasyon. Marami ring mga tukso na nauugnay sa mga device na ito.

Basahin ang “Ano ang Dapat Mong Gawin Kung Nadarama Mong Madali Kang Matangay o Mahina Ka?” sa kabanata 2 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ([2023], 24–25). Hanapin ang tatlong alituntunin na makatutulong sa atin na madaig ang mga tuksong may kaugnayan sa paggamit ng teknolohiya.

Lider ng talakayan: Maaari mong isulat ang mga alituntuning ito sa pisara:

  • Alituntunin 1: Magkaroon ng kamalayan sa iyong mga naiisip, nadarama, at pag-uugali.

  • Alituntunin 2: Piliing kumilos.

  • Alituntunin 3: Matuto, magsisi, at mas magpakabuti.

Ipakita

Lider ng talakayan: Magbahagi ng sitwasyong tulad ng sumusunod. Sama-samang talakayin ang mga tanong para maipakita kung paano magagamit ang tatlong alituntunin sa sitwasyon sa totoong buhay.

Si James ay may game sa kanyang cellphone na gustung-gusto niyang laruin. Karaniwan niyang inilalabas ang kanyang cellphone para maglaro sa hapunan, sa simbahan, o habang nasa klase sa paaralan.

Alituntunin 1: Magkaroon ng kamalayan sa iyong mga naiisip, nadarama, at pag-uugali.

  • Ano ang ilang iniisip o nadarama na maaaring dahilan kung bakit ginagawa ito ni James?

  • Ano kaya ang mahalagang maunawaan niya sa paggamit niya ng teknolohiya sa mga ganitong sitwasyon?

Alituntunin 2: Piliing kumilos.

  • Anong partikular na mga bagay ang maaaring gawin ni James para mas makipag-ugnayan siya sa ibang tao sa mga sitwasyong iyon?

Alituntunin 3: Matuto, magsisi, at mas magpakabuti.

  • Ano kaya ang matututuhan ni James mula sa kanyang karanasan kapag nagsisikap siyang pagbutihin ang kanyang sarili?

Magsanay

Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga mag-aaral na praktisin ang paggamit ng tatlong alituntuning ito sa iba pang mga sitwasyon. Maaari mong idispley ang sumusunod na mga sitwasyon at hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Sabihin sa bawat grupo na pumili ng dalawa o tatlong sitwasyon at talakayin kung paano maisasabuhay ang tatlong alituntunin sa sitwasyong pinili nila.

  • Nakita ni Sophia ang isang talakayan sa social media na nagpagalit sa kanya, at nais niyang sumagot.

  • Kapag naiinip si Gideon, palagi siyang nagso-scroll sa kanyang cellphone. Nitong huli, naakit siya sa panonood ng pornograpiya.

  • Madalas ihambing ni Maria ang dami ng likes at followers niya sa social media sa dami ng likes at followers ng mga kaibigan niya.

  • Kapag naglalakad si Lucas, halos palagi siyang nakikinig ng musika gamit ang kanyang headphones.

  • Madalas magpuyat si Amari para maglaro ng video games.

Lider ng talakayan: Kung may oras pa, anyayahan ang ilang mag-aaral na ibahagi ang isang sitwasyong tinalakay nila sa kanilang grupo at kung paano nila ginamit ang tatlong alituntunin sa sitwasyong iyon.

Ipamuhay

Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga kalahok na isipin kung paano nila magagamit ang tatlong alituntuning ito sa kanilang buhay. Sabihin sa kanila na magtakda ng mithiin sa tamang paggamit ng teknolohiya at sikaping maisakatuparan ito.