“Ang Pakikipagsapalaran sa Field Trip,” Kaibigan, Mayo 2025, 40–41.
Ang Pakikipagsapalaran sa Field Trip
“Tumakas tayo nang palihim sa grupo,” sabi ni Ralph.
Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Ghana.
Tumakbo si Nyamedo papunta sa bus kasama ang kanyang bunsong kapatid na si Kwame. Umakyat sila sa hagdan nito at umupo sa tabi ng isang bintana. Tumingin sa labas si Nyamedo para tingnan ang sikat ng araw sa mga luntiang puno. May field trip ang paaralan nila papunta sa isang nature reserve. Isang pakikipagsapalaran ang araw na ito!
“Hoy, Nyamedo!”
Umupo ang mga kaibigan ni Nyamedo na sina Ralph at Sierra sa upuan sa tapat niya.
Hinatak ni Ralph ang manggas ni Nyamedo at bumulong. “Pagdating natin sa parke, gumala tayo!”
“Sige!” sabi ni Siera. “Puwede tayong magkaroon ng sarili nating pakikipagsapalaran.”
Tuwang-tuwang tumango si Ralph. “Maaari tayong tumakas nang palihim bago ang unang aktibidad.”
Naisip ni Nyamedo ang lahat ng maaari nilang makita sa ilang. Matataas na puno, magagandang hayop, at talon siguro!
“Mukhang masaya iyan! Gawin natin,” nakangiting sabi niya.
Nang huminto ang bus sa nature reserve, sabay na bumaba ng bus sina Nyamedo at Kwame. Sinabihan ng kanilang mga guro ang lahat na manatili sa grupo at huwag gumala.
Lumapit si Ralph kay Nyamedo. “Naaalala mo ang plano?” bulong ni Ralph.
Tumango si Nyamedo. Pero tumigil siya para mag-isip. Ang paggalugad sa ilang ay parang kapana-panabik, pero alam din ni Nyamedo na maaaring mapanganib ito. Paano kung maligaw sila o masaktan?
Bigla siyang nakaramdam ng tinig na nangungusap sa kanya. Huwag kang humiwalay kay Kwame.
Marahan at banayad ang tinig. Alam ni Nyamedo na ang Espiritu Santo iyon.
Nag-alala siya na baka magalit sa kanya ang mga kaibigan niya kapag hindi siya sumamang gumala sa kanila. Pero siguro ay pinoprotektahan siya ng Espiritu Santo.
Bumaling si Nyamedo kay Ralph. “Sorry, kailangan ko talagang samahan ang kapatid ko,” sabi niya. “Responsibilidad ko siya.”
Sumimangot si Ralph.
“Pero sabi mo sasama ka!”
“Sabi ng guro, huwag tayong umalis,” sabi ni Nyamedo. Bumuntong-hininga si Ralph at lumayo.
Sumama sina Nyamedo at Kwame sa iba pang mga estudyante at sumunod sa kanilang mga guro. Una ay nag-zipline sila. Umihip ang hangin sa kanilang mukha habang pumapailanlang sila sa matitingkad na luntiang puno. Para silang lumilipad!
Sumunod ay tinuruan sila ng mga giya sa reserve tungkol sa ilan sa mga hayop na naninirahan doon. Hindi na makapaghintay sina Nyamedo at Kwame na makita ang mga iyon. Nalaman nila ang tungkol sa mga zebra, unggoy, ahas, antelope, at maraming ibon! Matapos makita ang lahat ng magagandang hayop, nag-rock climbing sila at nangabayo. Kalaunan ay naglaro sila ng mga game.
Masaya si Nyamedo na hindi sila umalis ni Kwame. Kung nagkataon, makalalagpas sa kanya ang napakaraming masasayang bagay!
Nang oras na para sumakay ulit ng bus, nakita ni Nyamedo sina Ralph at Sierra. Tumakbo sila palapit sa kanya.
“Muntik na kaming habulin ng galit na mga unggoy,” bulong ni Ralph. Medyo takot ito. “Nasaktan siguro kami.”
Tumango si Sierra. “Buti na lang hindi ka sumama.”
“Teka,” sabi ni Nyamedo. “Masaya ako na OK kayo!”
Talagang pinoprotektahan ako ng Espiritu Santo, naisip niya. Hinawakan niya ang kamay ni Kwame nang sabay silang sumakay ng bus.
Nagpasalamat siya na iningatan sila ng Espiritu Santo at tinulungan silang magkaroon ng masayang pakikipagsapalaran.
Mga larawang-guhit ni Cam Kendall