2025
Huwag Mong Sundan ang Asong Iyan!
Mayo 2025


“Huwag Mong Sundan ang Asong Iyan!” Kaibigan, Mayo 2025, 8–9.

Huwag Mong Sundan ang Asong Iyan!

Galing ba sa Espiritu Santo ang pakiramdam na ito?

Isang tunay na kuwento mula sa USA.

Batang babaeng nagbibisikleta na may isang asong tumatakbo sa unahan

“Tara na!” sigaw ni Lauren pagdaan niya sa driveway.

Isinuot ni Marcie ang helmet niya. “Nariyan na!”

Nagbisikleta si Marcie sa bangketa papunta sa mga kaibigan niya. Gustung-gusto niyang maglaro ng lahat ng klase ng laro na kasama sina Lauren at Cassidy. Pero higit sa lahat, gustung-gusto niyang magbisikleta na kasabay nila.

Habang nagbibisikleta ang mga bata sa bangketa, nagsimulang sumunod sa kanila si Rocket, na aso ng kapitbahay nila.

“Naku,” sabi ni Cassidy. “Kailangan natin siyang iuwi!”

Pero ayaw umuwi ng aso. Pinapatigil nila si Rocket, pero hindi tumigil ito. Anuman ang gawin nila, tumakbu-takbo lang ito sa paligid at iwinawagwag ang kanyang buntot. Masaya ito!

Nang sundan ng mga bata si Rocket, natanto ni Marcie na hindi na pamilyar ang mga bahay sa paligid. Palayo siya nang palayo mula sa kalye niya. Walang kakilala si Marcie na nakatira sa mga bahay na ito!

Saan kami papunta? naisip ni Marcie. Mahahanap ko ba ang daan pabalik?

Pinilit ni Marcie na huwag mag-alala at patuloy na nagbisikleta. Pero bumalik ang pakiramdam. May nagsasabi sa kanya na dapat na siyang umuwi.

Tumigil ng pagbibisikleta si Marcie sa bangketa. Isinigaw niya, “Dapat na siguro tayong bumalik ngayon!”

“Kailangan nating iuwi si Rocket!” sabi ni Cassidy. Patuloy silang nagbisikleta ni Lauren sa likuran ng aso.

Kakaiba pa rin ang pakiramdam ni Marcie. Bakit siya alalang-alala? Ganito rin kaya ang pakiramdam ng mga kaibigan niya?

Siguro ako lang ang nakakaramdam nito, naisip ni Marcie. Mula ba ito sa Espiritu Santo? Nabinyagan at nakumpirma siya ilang buwan na ang nakararaan, at naturuan na siya nina Inay at Itay tungkol sa pakikinig sa Espiritu Santo. Sinabi nila na mangungusap Siya sa kanya sa mga pakiramdam sa kanyang puso o isipan. Alam niya na gagabayan Niya siya kung makikinig siya.

Naramdaman niya ulit iyon. Sa pagkakataong ito ay mas matindi. Huwag mong sundan ang asong iyan.

“Babalik na ako,” pagtawag ni Marcie sa kanyang mga kaibigan.

“OK!” sabi ni Lauren.

batang babaeng nagbibisikleta nang pasalungat sa direksyon ng iba pang mga batang sumusunod sa aso

Bumalik si Marcie at nagbisikleta pabalik sa daang pinanggalingan niya. Pagdating sa bahay, iniwan niya ang kanyang bisikleta sa damuhan at pumasok sa loob. Abala si Inay sa kusina.

“Hi, Inay,” sabi ni Marcie. “Umuwi po ako. Nag-alala ako.”

Napatigil si Inay. “Ano’ng nangyari?”

“Nakaramdam po ako ng babala habang nagbibisikleta kami ng mga kaibigan ko. Kaya umuwi po ako,” sabi ni Marcie. “Palagay ko po ang Espiritu Santo iyon.”

Niyakap siya ni Inay. “Masaya ako na sinunod mo ang pakiramdam na iyon.”

Gumanda ang pakiramdam ni Marcie. “Ako rin po.”

PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Simini Blocker