2025
Pagbabahagi ng Kagalakan ng Ebanghelyo
Mayo 2025


“Pagbabahagi ng Kagalakan ng Ebanghelyo,” Kaibigan, Mayo 2025, 30–31.

Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Pagbabahagi ng Kagalakan ng Ebanghelyo

“Isang kanta po ito sa simbahan ko,” sabi ni Ángel.

Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Argentina.

Batang lalaki at lalaki sa isang kariton na hila ng kabayo

Umakyat si Ángel sa kariton sa tabi ni Papá. Kumalansing nang mahina ang mga bote ng gatas sa likuran habang tumatakbo ang kanilang kabayo. Sumisikat ang araw, at ipinaalala nito sa kanya ang kanyang paboritong kanta.

“Ang nais ni Jesus sa ‘kin, maging isang sinag,” pagkanta ni Ángel.

Ilang buwan pa lang ang nakararaan, nabinyagan si Ángel. Nabinyagan din si Mamá at ang kanyang nakababatang kapatid na si Oscar. Hindi sumapi si Papá sa Simbahan, pero masaya ito para sa kanila. Naaalala pa rin ni Ángel ang pakiramdam nang umahon siya mula sa tubig. Para iyong pakiramdam na nainitan ng sikat ng araw ang likod niya, pero sa loob.

Patuloy na kumanta si Ángel sa kanyang sarili nang itigil ni Papá ang kariton sa labas ng bahay ni Señora Perez. Tumalon pababa si Ángel at kumuha ng isang bote ng gatas sa likod. Si Señora Perez ay isa sa mga kliyente ng kanyang pamilya.

“Gatas po!” sabi niya.

Nagtatrabaho noon si Señora Perez sa kanyang hardin. “Salamat,” sabi nito, at kinuha ang bote. Inabutan siya nito ng ilang barya. “Ano ba ‘yang kinakanta mo?”

Batang lalaking nag-aabot ng bote ng gatas sa babae

Nag-init ang mukha ni Ángel. Hindi niya namalayan na narinig siya nito!

“Isang kanta po ito sa simbahan ko,” sabi ni Ángel. “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Ngumiti si Señora Perez. “Bakit hindi mo ako kuwentuhan tungkol sa simbahan mo?”

Sumandaling hindi malaman ni Ángel ang sasabihin. Pagkatapos ay sinabi niya, “Naniniwala po kami na ang simbahan ding itinatag ni Jesucristo noong nabuhay Siya sa lupa ay naritong muli.”

“Nakakatuwa naman,” sabi ni Señora Perez. “Ngayon ko lang narinig na may simbahang naniniwala diyan.”

“Baka puwede kayong pumunta minsan,” sabi ni Ángel. “Magandang araw po sa inyo!” Pagkatapos ay tumakbo na siya pabalik kay Papá para tumulong sa paghahatid ng natitirang gatas.

Maaga pa noong Linggo ng umaga, nagising si Ángel. Narinig niya si Mamá sa kusina na nagluluto ng almusal.

“Oscar,” sabi ni Ángel, “oras na para maghandang magsimba!”

Nagsuot sina Ángel at Oscar ng kanilang damit-pansimba at naghandang umalis. Halos dalawang milya ang layo ng gusali ng simbahan. Mahabang lakaran, kaya kailangan nilang umalis nang maaga.

“Mag-enjoy kayo,” sabi ni Papá nang umalis sila.

Habang naglalakad sila, muling hinimig ni Ángel ang paborito niyang kanta. Humimig siya nang maraanan nila ang mga bahay na hinahatiran niya ng gatas. Humimig siya nang maraanan nila ang mga tindahan ng prutas sa palengke. At humimig siya pagliko nila ng kalye kung saan naroon ang gusali ng simbahan.

Pagpasok nila sa loob, nagulat si Ángel. Naroon si Señora Perez! Kasama nito ang buong pamilya niya.

“Nagsimba pala kayo!” sabi ni Ángel.

Tumango lang si Señora Perez. “Nabigyan ako ng inspirasyon sa kanta mo,” sabi nito. Hiningi ko sa nanay mo ang address. Gusto kong malaman mismo ang tungkol sa simbahang ito.”

Ngumiti si Ángel. Naibahagi niya ang ebanghelyo sa pamamagitan lang ng pagkanta ng isang awitin. Inasam niyang makadama rin si Señora Perez ng kaunting sikat ng araw sa puso niya ngayon.

PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Jomike Tejido