Mensahe Ng Area
Tinuruan at Pinalakas ng Mga Pandaigdigang Lider ng Young Men at Sunday School ang Mga Pilipinong Banal
Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Philippines Area ay nabusog sa inspiradong payo at tagubilin nang bumisita sa bansa ang dalawang pangkalahatang pinuno ng Simbahan noong Nobyembre 15-24. Si President Paul V. Johnson, Sunday School General President, at Brother Bradley (Brad) R. Wilcox, Unang Tagapayo sa Young Men General Presidency, ay nag minister sa mga Banal sa iba’t ibang lugar. Kasama ni Brother Wilcox ang kanyang asawang si Sister Deborah Wilcox.
Ang mga lider ng Simbahan ay sinamahan sa kanilang paglilingkod ng mga miyembro ng Philippines Area presidency at ng kani-kanilang asawa, na sina: Elder Carlos G. Revillo Jr. at Sister Marie Revillo; Elder Chi Hong (Sam) Wong at Sister Carol Wong; at Elder Michael B. Strong at Sister Cristin Strong. Naroon din ang mga Area Seventy para umalalay sa panahon ng kanilang pagbisita.
Camiling / Cebu City
Sinimulan ni Brother Wilcox ang kanyang pag-minister sa Pilipinas sa pagbibigay ng training at pagbabagi ng inspiradong mga mensahe sa Camiling Stake Conference sa Tarlac noong Nobyembre 16-17, na pinamunuan ni Elder Revillo.
“Ang isang mahalagang aral na natutuhan ko mula kay Brother Wilcox ay ang kuwento niya tungkol sa kanyang ama na nagtanong, “Ano ang magiging pakinabang sa anak ko kung mabibinyagan siya sa Simbahan?”, pagsasalaysay ni President Restituto Bajarin, ang stake president. “Sa maraming sagot na ibinigay niya, ang isang tumatak sa isipan ko ay ang pakinabang ng pagiging bahagi ng isang malakas na network o samahan ng mga tao— mga indibiduwal na maaasahan dahil sila ay mga miyembro ng Simbahan.”
Kahit naglilingkod siya bilang tagapayo sa stake Primary presidency, si Sister Liaa Nicolas ay nakinig na mabuti habang binabanggit ni Brother Wilcox ang mga panibagong binibigyang-diin ng Simbahan para sa isang nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan na programa ng kabataan. “Binigyang-diin niya ito sa aming mga leadership training session,” sabi niya, “at nagpapasalamat kami na tinalakay niya ito sa amin.”
Sa Cebu City, dumalo si President Johnson sa paglulunsad ng #LightTheWorld Giving Machines ng Simbahan sa Robinsons Galleria Cebu mall noong Nobyembre 16. Ang inisyatibo sa Paskong ito ay binubuo ng mga kakaibang kulay-pulang mga vending machine kung saan ang mga donor ay maaaring pumili ng mga item na nilayong tumulong sa itinakdang mga makikinabang, tulad ng pagkain o mga water kit, mga educational supply, hygiene kit, at iba pang mahahalagang resource.
“Ang mga tao ay maaaring magpunta at maglagay ng pera sa Giving Machine at gumawa ng donasyon para sa dakilang adhikain na magpapala sa buhay ng mga tao,” pagbabahagi ni President Johnson sa oras ng paglulunsad. “Napakagandang panahon ito para magtuon sa ating kapwa-tao at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.”
Sina President Johnson, Elder Strong, at ang iba pang mga kinatawan ng Simbahan ay nakipagkita rin sa mga miyembro ng business sector ng Cebu sa Lahug Stake Center. Ipinakilala sa mga bisita ang educational system ng Simbahan, na sinundan ng mga talakayan sa kung paano maaaring mag-collaborate ang Simbahan at ang business community sa pagsusulong ng mga oportunidad ukol sa edukasyon, pangkabuhayan, at karera para sa mga Pilipino sa pangkalahatan.
Pasig City
Araw ng Lunes, Nobyembre 18, binisita nina President Johnson at Brother Wilcox ang Assistant Secretary na si Georgina H. Yang ng Department of Education (DepEd) sa Pasig City. Kasama sina Elder Strong at Elder George Kenneth Lee, Area Seventy, ipinaalam ng mga lider kay Secretary Yang ang mga inisyatibo ng Simbahan sa edukasyon sa bansa, tulad ng BYU Pathway program, ang Perpetual Education Fund, at ang BYU Hawaii Philippines Track. Tinalakay din nila kung paano makatutulong ang Simbahan sa pagsuporta sa mga mithiin at objective ng Simbahan.
Philippines MTC
Sina Brother Wilcox at President Johnson ay nakipagkita sa mga missionary sa Philippines Missionary Training Center (MTC) noong Nobyembre 19, kung saan nagbigay ng napapanahong mensahe ang parehong lider.
“Ang mga bagay na mahina, pero sapat ang kababaan ng kalooban,” pagbibigay-diin ni President Johnson sa mga missionary, “ay gagawing malakas ng Panginoon at gagawing makapangyarihan.” Para kay Elder Macalisang, na tinawag na maglingkod sa Japan Fukuoka Mission, napakabisa ng mensaheng ito “dahil madalas kong makita noon na mahina ako.” Kagila-gilalas na “ang mga salita ni President Johnson ay nagbukas sa aking mga mata sa katotohanan na sa pamamagitan ng Panginoon, maaari akong umunlad, maging malakas, at maging makapangyarihan.”
Sa kanyang mensahe, ginunita ni Brother Wilcox ang mga titik ng isang bantog na himno: “Dahil biyaya sa akin ay kayrami, [kailangan kong magbahagi]”. Napag-isip ni Sister Rodriguez, na missionary para sa Japan Tokyo North Mission, na: “Ipinagkaloob sa akin ng Ama sa Langit ang napakahalagang karapatan ng pagkapanganay at saganang mga pagpapala, na kapwa may kaakibat na malaking responsibilidad.”
Sa umaga nang araw na iyon, nakipagkita sina President Johnson at Brother Wilcox sa National Youth Commission (NYC) Chairperson na si Joseph Francisco Ortega, na bumisita sa Philippines Area o¨ce kasama ang kanyang mga taunan. Kasama si Elder Revillo, ibinahagi ng dalawang pandaigdigang mga lider kay Ortega ang pagtuon ng Simbahan sa bagong henerasyon at kung paano pinagpapala ng mga programa ng Simbahan ang buhay ng mga kabataang Pilipino.
Mandaluyong City / Tanay Fsy
Sa kanilang patuloy na pagtuon sa bagong henerasyon, pormal na ibinigay nina President Johnson, Brother Wilcox, at Elder Strong ang science laboratory equipment sa City of Mandaluyong Science High School sa Mandaluyong City noong Nobyembre 20. Nakasalamuha ng mga lider ng Simbahan ang mga estudyante ng Grade 11, na buong kasiyahang nagbahagi ng kanilang mga science research project.
Kalaunan nang araw na iyon, nilibot din ng mga lider ng Simbahan ang For Strength of Youth (FSY) Facility sa Tanay, Rizal, at binanggit ang kahalagahan ng pagpapakita ng karapat-dapat na mga mithiing nakatuon sa ebanghelyo sa mga bagong returned missionary (RM) sa isang My Plan Conference na idinaos sa site.
Urdaneta City / Tacloban City
“Ang kaligayahan ay natatagpuan kapag ginawa natin ang paraan ng Diyos,” pahayag ni Brother Wilcox sa mga kabataan at mga Young Single Adult (YSA) na dumalo sa debosyonal noong Nobyembre 21 sa Urdaneta Stake sa Pangasinan. “Ipinaalala sa akin ng mga salita ni Brother Wilcox ang aking kahangalan nang palagi akong nakaasa sa aking paraan sa halip na umasa sa Kanyang paraan,” magiliw na sinabi ni Hans Sagabaen, na isang Aaronic Priesthood holder mula sa Urdaneta 2nd Ward. “Ang pagsunod sa Kanyang mga paraan ay palaging magpapakita sa akin na ang tunay na kaligayahan ay matatagpuan lamang sa pamamagitan Niya.”
Nang muling tiyakin ni Brother Wilcox na “mahal kayo ng inyong mga lider, at mahal kayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo,” si Lea Baliton, na miyembro ng Young Women ng Asingan 1st Ward, ay naantig. “Natanto ko na may mga taong nagmamahal sa akin, lalo na ang Ama sa Langit at si Jesucristo,” sabi niya.
“Ang buong debosyonal ay karanasang puno ng Espiritu para sa akin,” masiglang sabi ni Carmillete Lee, ang stake Young Women president. “Ang talagang tumatak sa isipan ko ay … nang inulit niya na si ‘Jesucristo ang lakas ng mga kabataan.’”
Noong araw ding iyon sa Tacloban Stake, itinuro ni President Johnson sa mga lider ng Sunday School na “bawat isa sa atin ay marapat sa inspirasyon sa ating kani kaniyang ginagampanan na tungkulin,” sa isang Focus Group Discussion tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo. “Natanto ko na para humusay ako bilang isang teacher o guro,” pagbabahagi ni Joy Alban, na stake Sunday School president, “Kailangan kong hangarin ang tulong at patnubay ng langit mula sa Espiritu Santo upang matulungan kong mabuti ang mga estudyante ko sa kanilang mga pangangailangan.”
Nagtapos ang pagbisita ni President Johnson sa Leyte sa isang member devotional. “Mas seryosohin pa ninyo ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan at ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin [gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo],” ang payo ng lider ng Sunday School, “at ang pangakong pagpapala ay magagabayan kayo ng Panginoon sa mas direktang landas palabas sa sarili ninyong ‘ilang.’”
Quezon City
Binati nina President Johnson at Brother Wilcox ang mga bisita at kinatawan ng nakasaad na mga beneficiary ng mga #LightTheWorld Giving Machine ng Simbahan na inilunsad sa Trinoma Mall sa Quezon City noong Nobyembre 23. Tulad ng mas naunang paglulunsad sa Cebu City, magagamit ng mga pumupunta sa mall ang mga Giving Machine para makapili ng makabuluhang mga regalo para sa mga taong nangangailangan.
Kalaunan noong araw na iyon, sina Brother Wilcox at President Johnson ay nakibahagi rin sa isang stake seminary class sa Quezon City Philippines Institute of Religion (QCPIR) sa Quezon City South Stake Center, kung saan kapwa nila hinikayat ang mga seminary student na personal na isabuhay ang payo na ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 6:36: “Bumaling sa akin sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”
Isinapuso ni Johndrick Labrador ng Bayanihan Ward ang dalawang mahahalagang bagay na ibinahagi nina President Johnson at Brother Wilcox: “Una, magkaroon ng tahimik na oras para marinig at madama natin ang Espiritu Santo, at pangalawa, sikaping pakinggan ang mga pahiwatig sa iyo at sa iba ng Espiritu Santo para matanggap ang ipinangakong mga pagpapala.”
Makati East / Lubao
“Pakiramdam natin ay dapat wala nang mga hangin, wala nang mga alon, wala nang mga hamon sa buhay,” sa pagtukoy ni President Johnson sa pisikal at espirituwal na mga kalamidad na kinakaharap ng mga Pilipino sa pagbibigay niya ng kanyang mensahe sa Lubao Stake Conference sa Pampanga noong Nobyembre 24. “Pero tinutulungan tayo ng mga hangin at alon na ito na maging ang mga taong dapat nating kahinatnan.”
Si Ceejay Lapuz, na nasa bishopric ng Dinalupihan Ward, ay tumigil sandali para mag-isip. “Matagal ko nang iniisip na dapat ay wala nang mga paghihirap sa buhay at dapat ay maayos lang ang takbo ng mga bagay-bagay,” paggunita niya, “pero nakita ko na ang mga pagsubok na ito ang paraan ng Ama sa Langit upang maituro Niya sa akin ang papunta sa lupang pangako.”
Sa pagsasalita sa isang multi-stake youth devotional sa Makati East Stake Center sa Comembo, Taguig City, noon ding Nobyembre 24, ipinakilala ni Brother Wilcox ang isang karaniwang salita mula sa Chile kung saan siya naglingkod bilang mission president: “A mi manera,” na ang ibig sabihin ay “aking paraan.” Ipinaliwanag ni Brother Wilcox na ipinahihiwatig din nito ang pag-uugali na “gagawin ko ang mga bagay sa aking paraan.”
Itinuro ni Brother Wilcox na ang gayong pag-uugali ay hindi makatutulong sa atin na maabot ang ating makalangit na potensiyal. “Nais Niya tayong maging maligaya,” pag uulit ng general o¨cer ng Young Men, “pero matatagpuan lamang natin ang kaligayahan kung matututuhan nating gawin ang Kanyang paraan at hindi ang ating paraan at kapag ginawa natin ito, matatagpuan natin ang lahat ng uri ng kaligayahan.”
Ginunita ni EJ Silva ang lahat ng ginawa niyang pagpili. “Naalala ko ang nadama ko kapag ginagawa ko ang mga bagay sa ‘Kanyang paraan,’ lalo na kapag gumagawa ng mga mithiin at sinusunod ang mga ito,” sabi ni Brother Silva, na ward Young Men adviser. “Ito ay paalala na kahit na magkakaiba ang ating mga priyoridad sa ating buhay, dapat nating gawin ang mga bagay ayon sa “Kanyang paraan” kahit ano pa ang mangyari.”
Ibinahagi rin ni Brother Wilcox: “Ibinigay sa atin ng Diyos ang numero ng Kanyang telepono. Ibinigay Niya sa atin ang Kanyang mga kautusan. Sinabi Niya sa atin kung paano tayo makakokonekta sa Kanya, at hindi natin ito magagawa sa ating paraan; kailangan nating itong gawin sa Kanyang paraan.” Dahil sa mga salitang ito ay naisip ni Abish Orilla, na Young Women class president: “Kung minsan nagagalit tayo dahil hindi natin magawa ang mga bagay ayon sa ating paraan, pero itinuturo sa atin ng Ama sa Langit na alam Niya ang lahat, alam Niya ang pinakamainam.”
Bilang Young Women president ng Bonifacio 6th Ward, nadama ni Joanna Liahona Leoncio ang mas matinding responsibilidad na tulungan ang mga dalagitang pinaglilingkuran niya. “Naalala ko sa mga salita ni Brother Wilcox na ang pagtuturo ng pagsunod at pagtitiwala ay hindi lamang tungkol sa pagbabahagi ng mga patakaran,” nakikita niya ngayon na, “tungkol din ito sa pagtulong sa kanila na makita kung paano nakaaapekto ang kanilang mga pagpili sa kanilang kaugnayan sa Diyos.”
Isang Karaniwang Tema
Sa kanilang sampung-araw na paglilingkod, mahihiwatigan ng isang tao ang karaniwang tema na ibinahagi nila President Johnson at Brother Wilcox: Lalo pang lumapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at nangangako kami na bubuhos sa inyo ang pagpapala. Kitang-kita ito sa damdaming ibinahagi ng mga Pilipinong Banal na nakausap nila.
“Kasama sa mas mataas na batas ang mas mababang batas,” pagtuturo ni Brother Wilcox sa mga kabataan na nagtipon sa Makati East Stake Center, “at nakatutulong ito na maiangat natin ang ating sarili hindi lamang sa paggawa nang tama kundi gawin din ito sa tamang dahilan, gawin ito nang may tamang hangarin, at tamang motibasyon.”
Laking pasasalamat ni Kevin Chester Benitez sa mensahe ni Brother Wilcox, dahil ipinaalala nito sa kanya na “ang mas mahirap na daan ang may mas malalaking gantimpala, at ang gantimpala na dapat nating mithiin ay ang magkaroon ng buhay na walang hanggan at mamuhay nang malapit kay Jesucristo at sa Ama sa Langit.”
Nang binanggit ni President Johnson sa mga miyembro ng Lubao ang mga pisikal at espirituwal na hamon na kinakaharap ng mga Pilipino, itinuro rin niya sa kanila na ang lahat ng ito ay hahantong sa isang maluwalhating destinasyon o patutunguhan: “Ang mga alon, ang mga hamon sa ating buhay, ang malalakas na hangin, ang tumutulak sa atin papunta sa ating lupang pangako. Tinutulungan tayo ng mga ito na maging ang uri ng tao na dapat nating kahinatnan.”
Si Jillian Caryl Santiago, na counselor sa stake Relief Society presidency, ay napaalalahanan tungkol sa “madidilim at mahihirap na taon” na napagtiisan niya. Ngayon ay sinasabi niya na siya ay nasa “mas magandang katayuan na.” Tiyak na masisiyahan sina President Johnson at Brother Wilcox sa kanyang patotoo: “Alam ko na sa pamamagitan ng pagsalig natin sa Panginoon para sa pag-asa at lakas, sa huli ay malalampasan natin ang mga unos sa ating buhay at magiging mas katulad tayo ni Cristo.”