2025
Pagkakamali Ba ang Mission Call Ko?
Enero 2025


“Pagkakamali Ba ang Mission Call Ko?” Liahona, Enero 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pagkakamali Ba ang Mission Call Ko?

Habang malayo ako sa pamilya, tinulungan ako ng Panginoon na matuklasan kung paano ibahagi ang Kanyang pagmamahal.

missionary na nakabisikleta

Dalawang taon bago ako nagtapos sa aking actuarial at financial mathematics degree, nakatanggap ako ng matinding pahiwatig na magmisyon. Pinili kong maglingkod, kahit posibleng mawala ang ilang credit ko sa kolehiyo na magkasunod kong kinuha.

Hindi nagtagal, nang basahin ko ang aking mission call sa Utah Salt Lake City Central Mission, parang pangarap ang sandaling iyon. Wala akong kakilala na nakapaglingkod sa Salt Lake City. Naisip ko na baka mali ang nabuksan kong mission call. Pagdating ko sa Salt Lake City, nadama ko na nawala ang lahat ng alam ko. Natagpuan ko ang sarili ko na nakabisikleta sa niyebe nang walang anumang ideya kung paano maging missionary. Dahil iba ang kultura at klima roon, parang napakalayo ng nilakbay ko papuntang Salt Lake City mula sa South Africa.

Sa unang area ko, bumisita kami ng kompanyon ko sa isang miyembrong nagngangalang Chris Ruppel para maghapunan. Tinanong niya kung marunong ba ng musika ang sinuman sa aming dalawa. Binanggit ng kompanyon ko na marunong akong tumugtog ng piyano at kumanta, kaya kumanta ako para sa pamilya. Pagkatapos ay may nangyaring espesyal. Tumingin sa akin si Brother Ruppel at sinabi, “Elder Vizzini, kung patuloy kang kakanta nang ganyan, magtatagumpay ka bilang missionary.” Naisip ko na masarap marinig iyon mula sa kanya pero hindi ko iyon gaanong inisip.

Makalipas ang ilang buwan, kasama si Brother Ruppel, tumulong akong mag-organisa ng isang musical missionary fireside. Sa bawat area na pinaglingkuran ko pagkaraan niyon, ginamit namin ang fireside structure na ito. Maraming taong sumali sa amin, mula sa mga miyembro ng stake hanggang sa kilalang lokal na mga musician at miyembro ng ibang relihiyon. Nagturo kami tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng musika sa mga tao na hindi sana gugustuhing tapusin ang isang lesson. Nalaman ko na kayang antigin ng musika kapwa ang dukha at ang mayaman, may pinag-aralan at wala.

Natutuhan ko sa misyon ko na magagawa ko ang mahihirap na bagay. Nang maglingkod ako sa isang area na napakalayo at ibang-iba sa aking pinanggalingan, nalaman ko na lahat ay anak ng Diyos. Nakita ko ang mga himala sa buhay ng mga tao sa kabilang panig ng mundo sa Utah, at nakita ko ang mga iyon dito sa South Africa. Alam ko na kung mananampalataya lang tayo, maaaring mangyari ang mga himala sa buhay ng bawat isa sa atin (tingnan sa Mormon 9:15–21).