2025
Paano Nahubog ang Aking Paniniwala sa Diyos ng Patotoo tungkol kay Joseph Smith
Enero 2025


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Nahubog ang Aking Paniniwala sa Diyos ng Patotoo tungkol kay Joseph Smith

Nawala ang pananalig ko sa Diyos. O talaga bang nawala?

Si Joseph Smith na nakaupo sa may mesa

Ilang taon na ang nakakaraan, talagang ateista ako.

Isinilang akong Katoliko, pero mula noong tinedyer ako hanggang 25 anyos, nadama ko na parang may espirituwal na puwang sa puso ko. Sinubukan kong dumalo sa iba’t ibang simbahan, pero wala sa mga ito ang lubos na makapuno sa puwang na iyon. Nagpasiya ako pagkaraan niyon na mas madaling talikuran ang pananalig sa Diyos kaysa sa patuloy na magsikap na mahanap ang tamang simbahan.

Una kong nalaman ang tungkol sa Aklat ni Mormon at kay Joseph Smith mula sa isang programa sa TV tungkol sa mga taong bumibili at nagbebenta ng mga antigo at iba pang mahahalagang bagay na maaaring kolektahin. May isang tao sa episode na pinapanood ko na nagdala ng isang lumang kopya ng Aklat ni Mormon para ibenta.

Nang ipaliwanag ng isang eksperto kung ano ang nagbigay ng halaga sa aklat, nagkuwento siya nang kaunti tungkol sa kasaysayan ng Simbahan at ng aklat. Sinabi ng eksperto sa host, “Ito ang unang pinakamahalagang aklat na ipina-appraise mo sa akin.”

Naging interesado ako sa aklat at sa kuwento, kaya nagpasiya akong matuto pa.

Ginabayan Patungo sa Katotohanan

Nagsaliksik ako, at habang lalo kong natututuhan ang tungkol kay Joseph Smith, mas iginalang ko siya at nakaugnay ako sa kanya.

Naghanap din ako ng katotohanan at hindi ko alam kung saan ito makikita.

Dumalo rin ako sa napakaraming simbahan para hanapin ang tama at hindi ko ito natagpuan.

Habang nag-i-scroll ako sa Facebook kalaunan, isang ad ang nag-pop up para sa isang pahina na tinatawag na “Come unto Christ [Lumapit kay Cristo].” Hindi ko ito gaanong pinansin. Gayunpaman, may isang bagay na nakatawag ng aking pansin, at natagpuan ko ang aking sarili na inilalagay ang aking numero ng telepono sa site.

Ilang buwan kalaunan, nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Hindi ko ito sinagot.

Matapos ang mabilis na paghahanap sa Google, nagpasiya akong tawagan ang numerong iyon. Ipinaliwanag ng mga missionary na sumagot na nakuha nila ang impormasyon ko mula sa website ng Come unto Christ, at biglang naging malinaw ang lahat. Hindi ko alam na nag-sign up pala ako para sa impormasyon mula sa mismong Simbahan na inaaral ko.

Huling Pagpapatibay

Nagsimula akong makipagkita sa mga missionary at natuto pa. Ang espirituwal na puwang sa puso ko ay nagsimulang mapunan. Noong panahong nagpapasiya akong magpabinyag, inanyayahan ako ng ilang kaibigang Kristiyano sa isa sa kanilang mga campout sa simbahan.

Sa huling sermon sa huling araw ng camp, ipinagdasal ko na pagtibayin sa akin ng Diyos na totoo ang Aklat ni Mormon. Sa mismong sandaling iyon, isang estudyanteng nag-aaral na maging pastor ang naglabas ng Aklat ni Mormon at sinabing, “Bakit hindi natin basahin ang aklat na ito? Ang aklat na ito ay tungkol kay Jesucristo at naaayon sa Biblia.” Tumahimik ang mga tao. Kumbinsido ako na ito ang sagot sa aking panalangin.

Matapos mapakinggan ang estudyanteng iyon, nadama ko na pinagtibay sa akin ng Espiritu na ang aklat na ito ay isa pang tipan ni Jesucristo. Nabinyagan ako kaagad pagkatapos niyon.

Mahal Ko ang Simbahang Ito

Mula nang sumapi ako sa Simbahan, napunan ang espirituwal na puwang sa aking puso, at patuloy lamang na lumalago ang aking patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon.

Tinulungan ako ng Ama sa Langit na malaman, sa pamamagitan ng panalangin at ng Kanyang Espiritu, na ito ang Simbahan ni Jesucristo. Ang totoo, nais ko na sana ay nalaman ko na ang tungkol sa Simbahan noong bata pa ako. Mahal ko ang Simbahang ito. Ito ang totoong Simbahan ni Jesucristo sa mundo ngayon.