Gusto Mo Bang Magtakda ng Mas Mabubuting Mithiin sa Taon na ito? Tularan ang mga Halimbawa ng mga Propeta
Ipinakita ng mga lider ng Simbahan na ang mga mithiin ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagtitiyaga, pagtitiis, pagpaprayoridad—at sa tulong ng Panginoon.
Ang Enero ay isang magandang panahon sa paggawa ng mga plano na matuto at umunlad sa loob ng susunod na 12 buwan. Habang pinag-iisipan mo nang may panalangin ang iyong mga mithiin, alalahanin ang apat na aral na ito mula sa buhay ng mga propeta at apostol na matagumpay na nagtakda at nakamit ang kanilang mga mithiin.
Magpraktis at Magpursigi
Noong bata pa si Pangulong Heber J. Grant, sinikap ng kanyang ina na turuan siyang kumanta pero nabigo ito. Kaya, sumali si Heber sa isang klase sa pagkanta sa edad na 10—pero hindi man lang niya “makanta sa tamang tono ang isang simpleng himig.” Ang guro sa musika ay “sumuko sa kawalan ng pag-asa” at sinabing si Heber ay “hindi kailanman, sa mundong ito, matututong kumanta.”
Pero determinado si Heber at itinuon ang kanyang isipan sa mithiing matutong kumanta. Ilang oras siyang nagpraktis tuwing magbibiyahe siya nang mag isa at sa lugar kung saan walang sinumang makakarinig. Natanto niya na kailangang pagsikapan ang mabubuting bagay para makamit, sinasabing, “Masaya akong mag-ukol ng dalawa o tatlong buwan ng libreng oras ko kung sa paggawa nito ay matututuhan kong kumanta ng isa o dalawang himno.”
Sa pamamagitan ng maraming pagtitiyaga at pagpapraktis, unti-unting natuto si Heber. Ang susi ay patuloy siyang nagsikap. Kinanta niya ang unang himno na daan-daang beses niyang pinag-aralan. Kalaunan, dahil sa kanyang patuloy na pagtitiyaga at pagsisikap, natuto siyang kumanta.
Gawin ang Mahihirap na Mithiin
Naunawaan din ni Pangulong Spencer W. Kimball ang mga kabutihang dulot ng paggawa ng isang mahirap na mithiin. Ikinuwento niya ang tungkol sa mithiin niya noong 14 anyos siya:
“Nang marinig kong sinabi sa amin ng isang lider ng Simbahan mula sa Salt Lake City sa kumperensya na dapat naming basahin ang mga banal na kasulatan, … naglakad ako pauwi sa aming tahanan na isang kanto ang layo … at binasa ko ang mga unang kabanata ng Genesis. …
“Nalaman ko na ang Biblia na ito na binabasa ko ay may 66 na aklat, at pagkatapos ay halos panghinaan ako ng loob nang malaman ko na ito ay may 1,189 na mga kabanata, at nalaman ko rin na mayroon itong 1,519 na mga pahina. Mahirap ito, pero alam ko na kung nagawa ng iba, magagawa ko rin ito.”
Hindi madali ang gayon karaming babasahin para sa isang tinedyer, pero gayunpaman nagtiyaga si Pangulong Kimball at nakamit niya ang kanyang mithiin. Noong siya ay nasa hustong gulang na, sinabi niya, “Talagang masaya ako na binasa ko ang Biblia mula sa simula hanggang katapusan.”
Nakinabang si Pangulong Kimball sa pag-uukol ng oras na pag-isipan ang logistics ng kanyang mithiin. Kahit na tila napakahirap nito, ang impormasyon ay naghanda sa kanya upang magtagumpay. Tulad ng nangyari kay Pangulong Kimball, ang pag-abot at pagkamit ng isang mahirap na mithiin sa murang edad ay makapagbibigay ng kumpiyansa at kasiyahan na madarama natin habambuhay.
Huwag Hayaang Makahadlang ang Hindi Gaanong Mahahalagang Bagay
Ikinuwento ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa pagtuturo sa kanya ng kanyang ama na magtakda ng mga mithiin sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga anak nang isa-isa at pag-aalok ng tulong.
“Gusto kong gawin din ito sa aking mga anak,” sabi ni Elder Cook. Nang limang taong gulang na ang aming anak na si Larry, itinanong namin sa kanya kung ano ang gusto niyang maging paglaki niya. Sinabi niya na gusto niyang maging doktor gaya ng kanyang Uncle Joe. …
“Makalipas ang ilang buwan, muli ko siyang tinanong kung ano ang gusto niyang maging paglaki niya. Sa pagkakataong ito sinabi niyang gusto niyang maging piloto. … Sinabi ko, “Larry, sabi mo noon gusto mong maging doktor. “Ano ang nagpabago sa isip mo?” Sagot niya, ‘Gusto ko pa rin po ang ideya na maging isang doktor, pero napansin ko na may trabaho si Uncle Joe sa Sabado ng umaga, at ayaw kong palampasin ang Saturday Morning Cartoons.’
“Simula noon ang tawag ng pamilya namin sa mga hadlang sa makabuluhang mithiin ay Saturday Morning Cartoon.
“Ano ang ilan sa Saturday Morning Cartoons na nakagagambala sa atin sa pagkamit ng kagalakang ninanais natin? … Kung susuriin natin ang mga dahilan kung bakit hindi natin ginagawa ang nararapat nating gawin, malalaman natin na ang listahan ng Saturday Morning Cartoons ay halos walang katapusan.”
Ipinapakita sa atin ng mga turo ni Elder Cook na kailangan nating pagnilayan kung ano ang ginagawa natin, iwasan ang mga nakagagambala, at manatiling nakatuon sa paghahangad nating makamit ang ating mga mithiin.
Magtakda ng mga Mithiin Batay sa Payo ng Propeta
Sa edad na 54, bago siya tinawag bilang General Authority, dumalo si Pangulong Russell M. Nelson sa isang pulong kung saan hinamon ni Pangulong Spencer W. Kimball ang mga dumalo na “paglingkuran ang mga Intsik” at “matutuhan ang kanilang wika.”
Bagama’t abala siyang heart surgeon noong panahong iyon, sinunod ni Pangulong Nelson ang payo na ito. Naghanap siya ng tutor na tutulong sa kanya na matuto ng wikang Mandarin.
Hindi nagtagal at natagpuan ni Pangulong Nelson ang kanyang sarili na nakaupo sa tabi ng isang kilalang Chinese surgeon na si Dr. Wu Yingkai, sa isang medical convention. Dahil sa pag-aaral niya ng wikang Chinese, nakausap ni Pangulong Nelson si Dr. Wu. Mula roon, naging magkaibigan ang dalawang doktor at bumisita pa sa mga bansa ng isa’t isa.
Ang mithiin ni Pangulong Nelson na matuto ng Mandarin ay humantong sa positibong pakikipag-ugnayan sa China, tulad ng inaasam ni Pangulong Kimball. Matapos siyang tawagin sa Korum ng Labindalawang Apostol, isinagawa ni Pangulong Nelson ang kanyang huling heart surgery sa pinakasikat na opera singer ng China na espesyal na hiniling sa kanya.
Nagpakita rin si Pangulong Nelson ng halimbawa ng pagtatakda ng mithiin sa pamamagitan ng pag-aaral niya ng mga banal na kasulatan. Nang marinig niya ang pakiusap ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) noong 2017 na basahin at pag-aralan ng bawat isa sa atin ang Aklat ni Mormon araw-araw, naging mithiin ni Pangulong Nelson na gawin ito—tulad ng ginawa niya nang kumuha siya ng Mandarin tutor.
Habang pinag-aaralan niya ito, si Pangulong Nelson ay “gumawa ng listahan kung ano ang Aklat ni Mormon, ano ang pinagtitibay nito, ano ang pinabubulaanan nito, ano ang isinasakatuparan nito, ano ang nililinaw nito, at ano ang inihahayag nito.” Ipinakita Niya sa atin na ang mga salita ng mga propeta ay maaaring maghikayat sa mga mithiing itinakda natin at maaari tayong patuloy na matuto at bumuti sa buong buhay natin.
Pagkakaroon ng Kagalakan
Ang mga huwarang ito sa pagtatakda ng mithiin ay bahagi ng walang hanggang alituntunin ng pag-unlad at pagpapabuti sa buong buhay natin. Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maging higit na katulad natin Sila upang makadama tayo ng kagalakan at kasiyahan at makapiling Sila nang walang hanggan.