2025
Masasayang Balita ng Pagmamahal at Kagalakan
Enero 2025


“Masasayang Balita ng Pagmamahal at Kagalakan,” Liahona, Enero 2025.

Masasayang Balita ng Pagmamahal at Kagalakan

Ang mga pagpapala ng Pagpapanumbalik ay dapat magpasaya sa ating puso at puspusin tayo ng pasasalamat sa dakilang pagmamahal ng Diyos.

estatuwa ni anghel Moroni sa paglubog ng araw

Ang ating mensahe ng pag-asa at kapayapaan sa lahat ay buhay si Jesucristo at ipinanumbalik ang Kanyang ebanghelyo at Simbahan sa mga huling araw na ito.

“Di-maipaliwanag ang kaluwalhatian ng mga bagay na ito sa sangkatauhan!” ang sabi ni Propetang Joseph Smith. “Tunay ngang maituturing ang mga ito na mabubuting balita ng malaking kagalakan sa lahat ng tao; at mga balita ring nararapat pumuno sa mundo at magpasaya sa puso ng bawat taong makaririnig nito.”

Sa loob ng maraming siglo matapos ang ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa, hinanap Siya ng mga anak ng Diyos at inasam ang higit pang liwanag at katotohanan. Ngayon ang masasayang balita ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang patuloy na Pagpapanumbalik ay lumalaganap upang pagpalain ang lahat ng tao at ihanda ang mundo para sa araw na magbabalik si Jesucristo upang “[mamahala bilang] Hari ng mga Hari at [maghari] bilang Panginoon ng mga Panginoon.” Ito ay isang masidhing pagpapakita ng walang-hanggang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas. Natutuwa ako na maiuukol ko ang aking buhay sa pagpapahayag ng mga katotohanang ito sa buong mundo.

Ang Hindi Inaasahan at Kamangha-mangha

Isang bagong panimula ang naganap sa sangkatauhan sa isang kakahuyan, kung saan nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo at kinausap si Joseph Smith bilang sagot sa panalangin ng batang si Joseph kung aling simbahan ang dapat nitong aniban (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–20). Sinabi ni Jesucristo kay Joseph na huwag sumapi sa anumang simbahan. Ipinangako Niya na ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo ay ihahayag kay Joseph sa hinaharap.

Para sa karamihan, tila si Joseph ang pinaka-hindi inaasahang matatawag sa gayong mahalagang gawain, at tama sila. Siya ay isang batang walang pinag-aralan at pangkaraniwang tao lamang na mula sa isang maliit na bukid sa isang liblib na bayan. Tulad ng sinabi ng ilan tungkol sa Tagapagligtas sa Kanyang panahon, “Mayroon bang mabuting bagay na maaaring manggaling sa Nazaret?” Sa (Juan 1:46), inisip ng marami kung ano kaya ang kabutihang maidudulot ng isang walang pinag-aralang 14-na-taong-gulang na taga Palmyra, New York. Ngunit sa pamamagitan ni Joseph—hindi man siya ang inakalang maaasahan—isasakatuparan ng Ama sa Langit at ng Panginoong Jesucristo ang tunay na kamangha-mangha. Dapat itong magdulot sa atin ng pag-asa na sa ating maliit at simpleng mga paraan, makakatulong din tayo sa makabuluhang paraan sa gawain ng Panginoon.

Nang maglaon, tinawag ng Panginoon si Joseph “at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan” (Doktrina at mga Tipan 1:17). Tumanggap si Joseph Smith ng mahahalagang paghahayag at mahalagang doktrina na nagbigay sa atin ng bagong pagkaunawa sa mapagmahal na plano ng Ama sa Langit at sa mapagtubos na pagmamahal ni Jesucristo at sa kapangyarihan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Kamangha-mangha na ang masasayang balitang ito ay dumating sa mismong sandali na ang makabuluhang pag-unlad sa transportasyon, komunikasyon, at iba pang mga aspeto ay magbibigay-daan sa liwanag ng Diyos na lumaganap upang pagpalain ang mas marami pa Niyang mga anak.

Ibinigay ni Moroni ang mga laminang ginto kay Joseph Smith

The Angel Moroni Delivering the Plates to Joseph Smith [Ibinibigay ng Anghel na si Moroni ang mga Lamina kay Joseph Smith], ni C. C. A. Christensen

Isang Malakas na Katibayan ng Pagmamahal ng Diyos

Ang pagpapakita ng anghel na si Moroni kay Joseph Smith ay mahalaga sa Pagpapanumbalik at malakas na katibayan ng pagmamahal ng Diyos. Sinabi ni Moroni kay Joseph ang tungkol sa isang talaan, na nakasulat sa mga laminang ginto, na nakabaon sa di-kalayuan (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33–34). Kalaunan, bibigyan si Joseph ng “kapangyarihan mula sa kaitaasan” (Doktrina at mga Tipan 20:8) na isalin ang talaang iyon na siyang magiging Aklat ni Mormon, na mahalaga ring tulad ng Biblia at isa pang tipan ni Jesucristo.

Sa buong Aklat ni Mormon, mababasa natin ang tungkol sa mga tao, daan-daang taon bago pa man isilang sa mundo si Cristo, na nakaalam at nakinita ang Kanyang pagdating at inasam ito. Makikita rin natin ang pambihirang salaysay ng personal na pagpapakita at ministeryo ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita, kung saan inanyayahan Niya ang lahat na lumapit sa Kanya at madama ang marka sa Kanyang tagiliran at ang mga bakas ng mga pako sa Kanyang mga kamay at paa (tingnan sa 3 Nephi 11:14–15). Pinagaling Niya ang maysakit, pilay, bulag—“mga yaong nahihirapan sa anumang dahilan”—at pagkatapos ay binasbasan ang maliliit na bata at ipinagdasal sila (tingnan sa 3 Nephi 17:7–9, 21). Marami tayong natututuhan tungkol sa pagmamahal at habag ng Tagapagligtas mula sa sagradong salaysay na ito.

Pinatototohanan ng Aklat ni Mormon na “si Jesus ang Cristo.” Ang mga katiyakan sa Aklat ni Mormon ay paulit-ulit na nagpapaalala sa atin na mahal tayo ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas nang higit pa sa kaya nating isipin.

Ang mga Pagpapala ng Priesthood at Simbahan

Nagpatuloy ang Pagpapanumbalik sa pagpapakita ng iba pang mga sugo ng langit kay Joseph Smith. “Ipinanumbalik ni Juan Bautista, na nabuhay na mag-uli, ang awtoridad na magbinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ipinanumbalik ng tatlo sa orihinal na labindalawang Apostol—nila Pedro, Santiago, at Juan—ang pagka-apostol at mga susi ng awtoridad ng priesthood. Dumating din ang iba pa, kabilang si Elijah, na nagpanumbalik ng awtoridad na magbuklod ng mga pamilya magpakailanman sa isang walang hanggang ugnayan na napagtagumpayan ang kamatayan.”

Noong ika-6 ng Abril, 1830, itinatag ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph ang isang simbahan na inihalintulad sa simbahan na inorganisa Niya noong panahon ng Bagong Tipan (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6), kabilang ang “saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok” (Efeso 2:20). Ibinibigay ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na kapangyarihan ng priesthood sa lahat ng anak ng Diyos na naghahanda ng kanilang sarili na tanggapin ito.

Tulad ng itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson, makakasumpong tayo ng kagalakan sa pagsisisi araw-araw kapag bumaling tayo sa Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas. Sa sinumang nalulungkot o iniisip na hindi sila nakasasapat o nabibilang: lahat ay inaanyayahan na lumapit kay Cristo at sa Kanyang Simbahan. Ang Simbahan ay hindi isang monasteryo para sa mga perpekto kundi isang ospital para sa mga maysakit. Ipinaalala sa atin ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol na “nagsisimba tayo hindi para itago ang ating mga problema kundi para lutasin ang mga ito.”

Sa simbahan nagagalak tayo sa mga pagkakataong isipin ang mga pangangailangan ng iba, maglingkod sa kapwa nang may pagmamahal, at magbahagi ng ating mga personal na karanasan sa kasaganaan ng kabutihan ni Cristo. Maaari tayong “[ibilang] sa mga tao ng simbahan ni Cristo” at “maalala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos” (Moroni 6:4). Ito’y isang napakalaking pagpapala!

Isang Dahilan para Magkaroon ng Malaking Kagalakan

Minsan ay ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, “Ngayon, ano ang naririnig natin sa ebanghelyong natanggap natin? Isang tinig ng kagalakan! Isang tinig ng awa mula sa langit; at isang tinig ng katotohanan mula sa lupa; masasayang balita para sa mga patay; isang tinig ng kagalakan para sa mga buhay at sa mga patay; masasayang balita ng labis na kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 128:19).

Ang masasayang balitang ito ay dumarating dahil ang Ama sa Langit at ang Kanyang pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, ay nagmamahal sa atin at ninanais—higit sa lahat—na tanggapin tayo pabalik sa Kanilang piling, upang magkaroon tayo magpakailanman ng uri ng buhay na Kanilang ipinamumuhay. Inihahayag ng Pagpapanumbalik na ginawa Nila ang lahat ng kailangan para maging isang maluwalhating posibilidad ito para sa ating lahat. Sa ating walang-hanggang paglalakbay, mararanasan natin ang mga pagsubok at paghihirap, ngunit “[tayo] ay gayon, upang [tayo] ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25) sa buhay na ito at sa kabilang-buhay. Batid ito ni Propetang Joseph nang higit sa karamihan.

Madalas na maranasan ni Joseph ang pagtutol at pag-uusig, subalit nanatili ang kanyang “likas na pagkamasayahin” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:28). Siya ay nanatiling masayahin, malakas, at matatag, at naisakatuparan niya ang di-pangkaraniwang gawaing ibinigay sa kanya. Nagpupugay ako sa lahat ng Banal noong unang panahon na naniwala, sumuporta, at sumunod kay Propetang Joseph Smith at inilaan ang kanilang sarili sa pagtatayo ng Simbahan. Nararapat natin silang pasalamatan nang lubos at parangalan.

Mapaghamon ang mga unang araw ng Simbahan, at maaaring mapaghamon pa rin ngayon. Ngunit patuloy ang Pagpapanumbalik. Sa pamumuno ni Jesucristo sa Simbahang ito, patuloy tayong gagabayan ng mga buhay na propeta. Ang mga bahay ng Panginoon ay patuloy na itatayo, upang ang mga pagpapala ng mga walang-hanggang tipan sa Diyos ay magbigkis sa atin sa Kanya at sa ating mga mahal sa buhay sa magkabilang panig ng tabing (tingnan sa Mateo 16:19). Ang pagmamahal ng Diyos at ni Jesucristo ay maipadarama sa buong mundo kapag sinunod natin ang utos ng Tagapagligtas na pakainin ang Kanyang mga tupa at ibahagi ang Kanyang ebanghelyo. Masasaksihan natin ang mga katotohanan ng Pagpapanumbalik na lalaganap sa mga paraan at sa mga lugar na hindi halos aakalain sa panahon ni Joseph.

Makakahanap tayo ng lakas at malaking kagalakan—tulad ni Propetang Joseph—kapag tinanggap at ipinamuhay natin ang mahahalagang katotohanang ito. Ang panawagan ni Joseph sa mga Banal sa kanyang panahon ay patuloy pa rin sa atin ngayon: “Hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakas ng loob, … at humayo, humayo sa pananagumpay! Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak” (Doktrina at mga Tipan 128:22).

Nawa’y pagpalain at gabayan tayo ng masasayang balita ng pagmamahal at kagalakang hatid ng Pagpapanumbalik sa ating buhay—ngayon at sa tuwina.