Digital Lamang
Bakit Kailangan Natin ng Organisadong Relihiyon?
Ang pagiging bahagi ng Simbahan ng Panginoon ay makatutulong sa atin na alalahanin si Jesucristo at maging katulad Niya.
Naisip mo na ba kung bakit inorganisa ng Diyos ang Kanyang Simbahan sa paraang ginawa Niya? Bakit tayo may mga propeta, apostol, at calling o tungkulin sa Simbahan? Siguro naisip mo kung bakit kailangan nating gumawa at tumupad ng mga tipan para tumanggap ng kadakilaan, sa halip na tumanggap nito sa pamamagitan lamang ng pagiging mabuting tao.
Sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi ang pagbabalik-loob sa Simbahan ang pinagsisikapan natin, kundi ang pagbabalik-loob kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo, isang pagbabalik-loob na magagawa sa tulong ng Simbahan.” Narito ang ilang paraan na mapapalalim ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang ating pagbabalik-loob kay Jesucristo at matutulungan tayo na maging katulad Niya.
Pag-access sa mga Susi at Kapangyarihan ng Priesthood
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kung wala ang mga susi ng priesthood, ang Simbahan ay makapaglilingkod lamang bilang isang makabuluhang organisasyon na nagtuturo at nagkakawanggawa pero wala nang iba.” Ginagawang posible ng mga susi ng priesthood na makagawa ng mga tipan sa Diyos ang mga kalalakihan at kababaihan. Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, mas naa-access natin ang kapangyarihan ng Diyos, na makatutulong sa atin na gampanan ang mga calling, matiis ang mga pagsubok, mapaglabanan ang tukso, at makilala ang tama at mali.
Pagtanggap ng Patnubay ng mga Propeta
Ang mga propeta ay mahalagang bahagi ng Simbahan ni Cristo. Tulad ng mga tao sa Biblia na pinamunuan nina Abraham, Moises, at iba pang dakilang propeta, tayo ay pinamumunuan ng mga propeta sa mga huling araw. Mahalaga ang mga propeta sa ating espirituwal na pag-unlad dahil, tulad ng itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kinakatawan nila ang isip at puso ng Panginoon at tinawag sila upang kumatawan sa Kanya at turuan tayo ng kung ano ang dapat nating gawin upang makabalik sa presensya ng Diyos at ng Kanyang Anak, na si Jesucristo.” Sa mundong maraming magkakasalungat na tinig, nakakapanatag malaman na lagi nating maaasahan ang mga buhay na propeta bilang pinagmumulan ng katotohanan.
Pag-unlad sa pamamagitan ng mga Calling
Ang isa pang paraan ng Simbahan para matulungan tayong maging katulad ni Jesucristo ay ang pagbibigay ng mga calling sa bawat miyembro. Ang paglilingkod natin sa Simbahan ay hindi lamang para matugunan ang temporal na mga pangangailangan kundi para tulungan din tayong maging higit na katulad ng Tagapagligtas, ang perpektong halimbawa ng di-makasariling paglilingkod. “Bawat katungkulan ay oportunidad na maglingkod at umunlad,” sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Itinatag ng Panginoon ang Simbahan sa paraang magkakaroon ang bawat miyembro ng pagkakataong maglingkod, na sa huli ay hahantong sa personal na pag-unlad ng espirituwalidad.”