2025
Ang mga Pagpapala ng 1836 at ang mga Paghihirap ng 1837
Enero 2025


“Ang mga Pagpapala ng 1836 at ang mga Paghihirap ng 1837,” Liahona, Ene. 2025.

Ang mga Pagpapala ng 1836 at ang mga Paghihirap ng 1837

Ang pag-alaala sa ating espirituwal na kasiyahan ay nagpapaalala sa atin na sa huli ay lalaya tayo mula sa ating mga kalungkutan.

loob ng Kirtland Temple

Loob ng Kirtland Temple

Larawang kuha ni George Edward Anderson, 1907

Noong Marso 2024, tinanggap ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang sagradong pagkakatiwala sa pag-aari ng Kirtland Temple mula sa Community of Christ. Ang templong iyon ay isang espesyal na lugar, na halos hindi nagbago mula nang ilaan iyon noong 1836. Noong Linggo ng Pagkabuhay, Abril 3, 1836, tinanggap iyon ni Jesucristo bilang Kanyang bahay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110). Sa templong iyon, madarama natin ang Kanyang presensya at makikinita sa ating isipan kung saan Siya nakatayo.

May ilang aral ang Kirtland Temple para sa ating buhay ngayon, na ang ilan ay matututuhan natin sa pag-iisip tungkol sa mga nangyari noong 1836 at 1837.

Ang mga Espirituwal na Pangyayari na Tampok ng 1836

Noong Enero 1836, nang malapit nang matapos ang templo, nagsimulang maranasan ng mga Banal ang mga espirituwal na pagpapala ng isang templo sa kanilang paligid. Pinangakuan sila na sa Kirtland Temple ay pagkakalooban sila ng kapangyarihan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:32, 38). Inulit ng pangakong ito ang sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol sa Jerusalem sa Bagong Tipan. Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, sinabi Niya sa kanila na hindi sila dapat umalis para mangaral hangga’t hindi sila napagkakalooban ng “kapangyarihang galing sa itaas” (Lucas 24:49). Pagkatapos, sa araw ng Pentecostes, tinanggap ng Kanyang mga Apostol ang kapangyarihang ito nang bumaba sa kanila ang Espiritu na parang “isang humahagibis na hanging malakas. … [At] silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika” (Mga Gawa 2:2, 4).

Noong Enero 1836, pinulong ni Joseph Smith ang iba pang mga pinuno ng Simbahan para manalangin, basbasan ang isa’t isa, at pag-usapan ang gawain ng Simbahan. Matapos nilang basbasan si Propetang Joseph, nakita niya ang isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal. Nakita niya ang Ama sa Langit at si Jesucristo, sina Adan at Abraham, ang sarili niyang mga magulang (na buhay pa), at ang kuya niyang si Alvin, na namatay nang hindi nabibinyagan. Nalaman ni Joseph na “lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na kanilang tatanggapin ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 137:7).

Makalipas ang dalawang buwan, noong Marso 27, 1836, nagtipon ang mga Banal sa Kirtland Temple para sa paglalaan nito. Nakinig sila sa panalangin ng paglalaan ni Joseph, kung saan hiniling niya sa Ama sa Langit na tanggapin ang Kirtland Temple bilang isang lugar kung saan ang Tagapagligtas ay “[maaaring magpakita] ng Kanyang sarili sa kanyang mga tao (Doktrina at mga Tipan 109:5). Nagsiksikan sa sagradong lugar na iyon, umawit ang mga Banal ng “Ang Espiritu ng Diyos.” Sabay-sabay silang sumigaw ng, “Hosana! Hosana! Hosana sa Diyos at sa Kordero!”

Nakaranas sila ng mga espirituwal na pagpapala sa paglalaan at nang sumunod na buong linggo. Sila ay nag-ayuno, nanalangin, tumanggap ng sakramento, hinugasan ang mga paa ng isa’t isa, at nakakita ng mga pangitain. Nadama nila na binigyan sila ng kapangyarihang humayo at ipangaral ang ebanghelyo. Sila ay napagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.

Ngunit hindi pa nagtapos doon ang mga espirituwal na pagpapakita. Noong Abril 3, 1836, nagpakita ang Tagapagligtas sa dalawa sa Kanyang mga lingkod. “Ang tabing ay inalis mula sa aming mga isipan, at ang mata ng aming pang-unawa ay nabuksan,” sabi nina Joseph Smith at Oliver Cowdery. “Aming nakita ang Panginoon na nakatayo sa sandigan ng pulpito, sa aming harapan … , na nagsasabing: Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama” (Doktrina at mga Tipan 110:1–4).

Matapos bumisita ang Tagapagligtas, nagpakita sina Moises, Elias, at Elijah kina Joseph at Oliver at ipinagkatiwala sa kanila ang mga susi na magbibigay-kakayahan sa kanila na ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo at tipunin ang Israel, biyayaan ang mundo ng tipang Abraham, at ibuklod ang mga pamilya (tingnan sa mga talata 11–16).

Ang mga Hamon ng 1837

Ngunit hindi nagtapos ang kuwento ng Kirtland sa mga kamangha-manghang pagpapakitang ito. Isang taon matapos ilaan ang templo, nag-away-away sa komunidad. Isang internasyonal na krisis sa ekonomiya ang humantong sa kawalan ng trabaho ng napakarami sa Estados Unidos. Nalugi ang mga bangko sa buong bansa, pati na ang isang maliit na bangkong itinatag ng mga pinuno ng Simbahan sa Kirtland para mapaunlad ang komunidad. Pilit na sinikap ni Joseph Smith at ng iba pang mga pinuno ng Simbahan na iligtas ang ekonomiya ng komunidad. Pero napakabilis ng paglaganap noon ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya. Nagsimulang mawalan ng trabaho at tirahan ang mga tao. Marami ang nagsimulang magreklamo sa Diyos at sa Simbahan. Bakit pinayagan ng Panginoon na bumagsak ang ekonomiya ng Kanyang mga tao? Nagsimulang magbulungan ang ilan at saka nagpahayag na si Joseph ay isang bigong propeta.

Sa isang miting noong tag-init ng 1837 sa Kirtland Temple, nagsalita si Joseph Smith Sr., ang patriarch ng Simbahan, nang wala ang kanyang anak. Habang nagsasalita siya, sinubukan ng isang tumiwalag na hatakin siya mula sa pulpito. Nang ipagtanggol ni William Smith ang kanyang ama, nagbanta ang isang kapwa Apostol na papatayin niya si William gamit ang espada. Pinalibutan ng iba pang mga lalaking may hawak na kutsilyo at pistola si William. Ang templo, na naging lugar ng kasagraduhan at espirituwalidad isang taon bago iyon, ay isang lugar na ngayon ng karahasan, pagtatalo, at kaguluhan.

Nang bumalik si Joseph Smith sa Kirtland, sinuportahan siya ng karamihan sa mga miyembro ng Simbahan bilang propeta, ngunit tatlong Apostol ang inalis sa Korum ng Labindalawa. Ang mga problema sa ekonomiya ay naging mga espirituwal na problema. Sa loob ng ilang buwan pa, sinabi ng Panginoon kay Joseph na lisanin ang Kirtland para sa kaligtasan ng kanyang pamilya at para sa kapakanan ng sarili niyang buhay.

Nagpapatotoo ang mga salaysay ng mga saksi sa mga paghihirap ng panahong iyon. Nagpadala ng liham si Vilate Kimball, na asawa ni Apostol Heber C. Kimball, sa kanyang asawa, na naglilingkod noon bilang isa sa mga unang missionary sa England. “Wala akong duda na masasaktan ang iyong puso,” pagsulat niya kay Heber, na nagkukuwento rito tungkol sa mga tumiwalag. “Sinasabi nilang sila ay naniniwala sa Aklat ni Mormon at Doktrina at mga Tipan ngunit itinatatwa ang mga ito sa kanilang mga gawa.”

Alam ni Vilate na hindi perpekto si Joseph. Nakagawa na siya ng mga pagkakamali sa krisis sa ekonomiya ng Kirtland. At patuloy niyang minahal ang marami sa mga tumiwalag. Ngunit nakita niya ang mas malalim na aral sa mga nangyari noong 1837: “Sinabi ng Panginoon, ang hindi makatatagal sa pagpaparusa, sa halip itinatatwa ako, ay hindi mapababanal.”

Sa liham ding iyon, idinagdag ni Marinda Hyde ang isang maikling liham sa kanyang asawang si Orson, na isa ring Apostol na naglilingkod sa England. Ang kuya ni Marinda ay isa sa mga Apostol na tumalikod sa Simbahan. “Hindi mo nasaksihan ang ganitong panahon sa Kirtland na nararanasan namin ngayon,” pagsulat niya.

Ang mga Aral ng 1836–37

Bakit kailangang maalala ang trahedya noong 1837 at hindi lamang ang tagumpay noong 1836? Siyempre, dahil hindi kailanman mapaghihiwalay ang dalawa. Ganoon din sa sarili nating buhay. Pinagkakalooban tayong lahat ng Diyos ng mga espirituwal na pagpapala, mga panahon na nangungusap Siya sa ating kaluluwa at inaakay Niya tayo sa kamay sa pagtahak sa landas ng tipan. Pinagkakalooban Niya tayo ng mga panahon ng katatagan, mga panahon na mayroon tayong sapat at maibibigay, mga panahon na malusog at masaya ang ating pamilya, mga panahon na malapit ang ating mga kaibigan at nakikipag-ugnayan sa atin. Lahat tayo ay nabubuhay sa mga panahong katulad ng 1836.

Pero hindi kailanman nangako ang Diyos na ang mararanasan lang natin ay ang 1836. Para sa bawat isa sa atin, dumarating ang 1837. Dumarating ito na walang katatagan ang ekonomiya, kapag nag-aalala tayo kung saan manggagaling ang pera. Ito ay dumarating na may kasamang personal na kawalan ng katatagan, kung kailan ang ating pamilya ay nagdurusa sa mga biglaang karamdaman, malalang sakit, depresyon, o pagkabalisa. Dumarating ito na may kasamang kawalan ng katatagan sa lipunan, kung kailan lumalayo o nagtataksil sa atin ang ating mga kaibigan.

Kung hindi natin naaalala ang sarili nating mga karanasan noong 1836—ang sarili nating mga panahon kung kailan nadama natin ang impluwensya ng Panginoon sa ating buhay—ang 1837 ay maaaring maghatid ng espirituwal na kawalan ng katatagan. Maaari tayong tuksuhin nito na sabihing, “Hindi ito sulit.” Maaari tayong tuksuhin nito at sabihing, “Hindi ako mahal ng Diyos.” Maaari tayong tuksuhin nito na sabihing, “Hindi propeta si Joseph Smith” o “Hindi propeta ng Diyos si Pangulong Nelson.” Maaari tayong tuksuhin nito na sabihing, “Hindi para sa akin ang landas ng tipan.”

Pero kung gagawin natin ang espirituwal na gawain ng pag-alaala at espirituwal na pamumuhay noong 1836 kahit nararanasan natin ang mga pagsubok noong 1837, maaari pa rin tayong sumalig sa ating pananampalataya kay Jesucristo, malalaman pa rin natin na mahal tayo ng Diyos, at malalaman pa rin natin na ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo at ng Simbahan ni Jesucristo ay totoo at na ang Panginoon ang namumuno sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang hinirang na mga lingkod.