2025
Ang mga Pagpapala ng Pagpapanumbalik
Enero 2025


“Ang mga Pagpapala ng Pagpapanumbalik,” Liahona, Ene. 2025.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 1; Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26

Ang mga Pagpapala ng Pagpapanumbalik

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpala sa akin at sa aking pamilya, at patuloy nitong pagpapalain ang buong mundo.

sealing room

Larawan ng silid-selestiyal sa Gilbert Arizona Temple

Noong tagsibol ng 1820, isang 14-na-taong-gulang na binatilyo na nangangailangan ng mga sagot ang pumasok sa isang kakahuyan. Nais niyang malaman kung alin sa maraming simbahan sa paligid niya ang dapat niyang sapian. Matapos malaman sa mga banal na kasulatan na “kung sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos” (Santiago 1:5), nagpunta ang binatilyo sa kakahuyan at idinulog ang nilalaman ng kanyang puso sa Diyos. Habang nagdarasal siya, bumukas ang kalangitan.

Nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo kay Joseph Smith at sinagot ang kanyang panalangin (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–20). Pinasimulan ng sagradong kaganapang ito ang Pagpapanumbalik ng kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang kaalamang ito ay lubos na nagpala sa buhay ko, pero matagal bago ako nagkaroon mismo ng patotoo.

Ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan

Ilang taon na ang nakararaan, nadama ko na parang ako ang batang si Joseph. Nalito ako sa “labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:10) na nagmumula sa iba’t ibang simbahan sa Fiji. Nang una kong makilala ang mga missionary, napakarami kong tanong. Tinudyo ako ng ilan na mabagal akong matuto dahil walong taon kong siniyasat ang Simbahan. Nagsimula ang aking pagbabalik-loob sa pamamagitan ng pag-unawa sa pangalan ng Simbahan.

Nang magministeryo si Jesucristo sa lupa, itinatag Niya ang Kanyang Simbahan. Sa paglipas ng panahon, nawala ang doktrina at awtoridad ng priesthood ng Kanyang Simbahan. Sa ating panahon, ipinanumbalik ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ang mismong simbahang itinatag Niya nang mabuhay Siya sa lupa (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6). Iniutos Niya sa pamamagitan ng paghahayag, “Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (Doktrina at mga Tipan 115:4).

Taglay ng Simbahan ang pangalan ni Jesucristo dahil ito ang Kanyang Simbahan! Pagkaraan ng walong taon, umugong ang katotohanang ito sa aking puso’t isipan. Nabinyagan ako sa edad na 27 at hindi nagtagal ay tinawag ako bilang counselor sa ward Young Men presidency at early-morning seminary teacher. Habang daan, patuloy na lumago ang aking patotoo.

Patuloy ang Pagpapanumbalik

Nagbago ang buhay ko nang ako ay magturo sa seminary, dumalo sa sacrament meeting, at makinig sa pangkalahatang kumperensya. Nadama ko rin ang nakakaaliw, nakakapanatag, at nagpapasiglang impluwensya ng Espiritu nang basahin ko ang Aklat ni Mormon—isang mahahawakang katibayan at pagpapakita ng Pagpapanumbalik at pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta.

Nang tawagin ng Panginoon si Joseph “at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan” (Doktrina at mga Tipan 1:17), ipinakita Niya na Siya ay “humihikayat ng mga tao at tinatawag sila para sa kanyang banal na gawain sa panahon at salinlahing ito, maging sa mga sinaunang salinlahi” at na “siya rin ang Diyos kahapon, ngayon, at magpakailanman” (Doktrina at mga Tipan 20:11–12).

Ang Pagpapanumbalik na nagsimula kay Joseph ay patuloy ngayon. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, inuutusan tayong magsalita sa ngalan ng Tagapagligtas “nang ang pananampalataya[ng iyon] … ay maragdagan sa mundo,” ang Kanyang “walang hanggang tipan ay mapagtibay,” at “ang kabuuan ng [Kanyang] ebanghelyo ay mai[pa]hayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig” (Doktrina at mga Tipan 1:21–23). Mapalad tayong makatulong sa pagtatayo ng Simbahan at paghahanda sa mundo para sa araw na iyon ng pagbabalik ni Jesucristo.

si Taniela Wakolo at iba pa sa labas ng isang templo

Sina Elder at Sister Wakolo (dulong kanan) ay na-endow at ibinuklod sa Nuku’alofa Tonga Temple noong Agosto 1995, isang taon matapos sumapi si Elder Wakolo sa Simbahan. Ipinapakita sila rito na kasama ang temple presidency.

Pasasalamat para kay Propetang Joseph

Isang taon matapos akong binyagan, naglakbay kami ng asawa kong si Anita papuntang Nuku’alofa Tonga Temple para mabuklod sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Naging talagang makahulugan ang aking patotoo tungkol sa Pagpapanumbalik nang magpunta kami sa templo. Tunay na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang kahulugan ng lahat! Puspos ng pasasalamat ang puso ko sa mga pagpapalang naihatid nito sa akin at sa aking pamilya.

Ang mahahalagang pagpapalang ito ay dumating na sa mundo sa pamamagitan ni “Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, [na] nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito” (Doktrina at mga Tipan 135:3). Dapat nating pasalamatan palagi—at huwag kailanman kalimutan—ang naibigay sa atin sa pamamagitan ng propeta ng huling dispensasyong ito.

Sa pamamagitan ni Joseph, nauunawaan natin ang ating relasyon sa tipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Nasa atin ang ipinanumbalik na priesthood at mga ordenansa at tipan. Sa karanasan ni Joseph sa Sagradong Kakahuyan, nalaman natin na bago pa ipinakilala ng Ama ang Kanyang Anak na si Jesucristo, tinawag Niya si Joseph sa pangalan (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Kilala Niya tayo sa pangalan. At tulad noong buksan Niya ang kalangitan at sagutin ang simple at taos-pusong panalangin ng isang 14-na-taong-gulang na binatilyo, sasagutin din Niya ang ating mga panalangin sa Kanyang sariling kalooban, paraan, at panahon, anuman ang ating edad. Umaalingawngaw ang mga katotohanang ito sa kaibuturan ng aking kaluluwa. Pinatototohanan ko na totoo ang mga ito.

Sana ay isa akong taong gumagawa ng mabuti sa mundo. Sa gayon, malaki ang naitulong ni Joseph Smith dito. Hindi magiging ganito ang buhay ko ngayon, hindi ako magiging asawa at ama na tulad ngayon, at hindi ako magiging ganito kasaya kung wala ang ipinanumbalik na ebanghelyo na pinagsakripisyuhan ni Propetang Joseph ng kanyang buhay para dalhin sa mundo. Ang ebanghelyo ay nagbibigay sa akin ng liwanag at pag-asa. Dahil dito, magpapasalamat ako magpakailanman para kay Propetang Joseph.

Kahit Kailan, Kahit Saan

May dala akong kopya ng Aklat ni Mormon saanman ako magpunta, na umaasang maibigay ito sa iba at maibahagi sa kanila ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Daan-daang kopya na ang naipamahagi ko sa buong mundo. Gustung-gusto kong ibahagi ang mensahe ng Pagpapanumbalik—kahit kailan, kahit saan.

Totoo ito lalo na kapag nagtuturo at nagpapatotoo kami ni Anita sa aking mga anak sa loob ng aming tahanan. Kasalukuyang nasa misyon ang aming anak na babae sa New York City, USA. Sinabi namin sa kanya, “Humayo ka at magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas sa iyong panig ng mundo. Ganyan din ang gagawin ng iyong Mom at Dad sa aming bahagi ng mundo.” Gustung-gusto naming mag-update sa isa’t isa tungkol sa aming paglilingkod. At ngayon, mayroon kaming apat-na-taong-gulang na apo. Ang pag-asa at hangarin ng puso ko ay na madalas niyang dinggin at patuloy na alalahanin ang kanyang Lolo na nagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.

Lahat tayo ay maaaring magpatotoo sa mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo—kahit kailan, kahit saan—habang namumuhay tayo ng ulirang buhay ng isang disipulo ni Jesucristo. Maaari nating ibahagi ang Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo. At maaari nating patotohanan na ipinanumbalik na ni Jesucristo ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo at pinamumunuan ang Simbahan ngayon. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “patuloy na dumadaloy ang paghahayag mula sa Panginoon sa patuloy na proseso ng pagpapanumbalik.” Pinatototohanan ko na patuloy ito sa pamamagitan ng walang-putol na linya ng mga susi ng priesthood na hawak ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag na nagbibigay-inspirasyon, gumagabay, at tumutulong sa atin na ibigkis ang ating sarili sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ito ang aking pagsaksi at patotoo. Masaya kong ibabahagi ito palagi at hindi ko ito pagdududahan kailanman.

Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 88.